‏ John 18

Ang Pagdakip kay Jesus

(Mat. 26:47-56; Mar. 14:43-50; Luc. 22:47-53)

1Pagkatapos manalangin ni Jesus, umalis siya kasama ang mga tagasunod niya at tumawid sila sa Lambak ng Kidron. Pumunta sila sa isang lugar na may taniman ng mga olibo. 2Alam ng traydor na si Judas ang lugar na iyon, dahil madalas magtipon doon si Jesus at ang mga tagasunod niya. 3Kaya pumunta roon si Judas kasama ang isang pangkat ng mga Romanong sundalo at ilang mga guwardya sa templo na isinugo ng mga namamahalang pari at ng mga Pariseo. May dala-dala silang mga sulo at mga sandata. 4Alam ni Jesus ang lahat ng mangyayari sa kanya, kaya sinalubong niya sila at tinanong, “Sino ang hinahanap nʼyo?” 5Sumagot sila, “Si Jesus na taga-Nazaret.” Sinabi ni Jesus sa kanila, “Ako iyon.”

Naroon din ang traydor na si Judas na nakatayong kasama ng mga taong naghahanap kay Jesus.
6Nang sabihin ni Jesus na siya ang hinahanap nila, napaurong sila at natumba sa lupa. 7Kaya muling nagtanong si Jesus, “Sino ang hinahanap nʼyo?” Sumagot silang muli, “Si Jesus na taga-Nazaret.” 8Sinabi sa kanila ni Jesus, “Hindi baʼt sinabi ko na sa inyo na ako iyon? Kung ako nga ang hinahanap nʼyo, hayaan nʼyong makaalis ang mga kasama ko.” 9(Sinabi niya ito para matupad ang sinabi niya sa Ama, “Wala ni isa mang napahamak sa mga ibinigay mo sa akin.”) 10Sa pagkakataong iyon, bumunot ng espada si Simon Pedro at tinaga ang alipin ng punong pari. Naputol ang kanang tainga ng alipin na ang pangalan ay Malcus. 11Pero sinaway ni Jesus si Pedro, “Ibalik mo ang espada mo sa lalagyan nito. Sa palagay mo baʼy hindi ko titiisin ang paghihirap na ibinigay sa akin
hindi ko … sa akin: sa literal, hindi ko iinumin ang kopang ibinigay sa akin.
ng Ama?”

Dinala si Jesus kay Anas

12Dinakip si Jesus ng mga Romanong sundalo sa pangunguna ng kanilang kapitan, kasama ng mga guwardyang Judio. Siyaʼy iginapos nila at 13dinala muna kay Anas na biyenan ni Caifas. Si Caifas ang punong pari nang taon na iyon, 14at siya ang nagpayo sa mga pinuno ng mga Judio na mabuting mamatay ang isang tao kaysa sa mapahamak ang buong bansa.

Ipinagkaila ni Pedro na Kilala Niya si Jesus

(Mat. 26:69-70; Mar. 14:66-68; Luc. 22:55-57)

15Si Simon Pedro at ang isa pang tagasunod ay sumunod kay Jesus. At dahil kilala ng punong pari ang tagasunod na ito, nakapasok siyang kasama ni Jesus sa bakuran ng punong pari. 16Naiwan namang nakatayo si Pedro sa labas ng pintuan. Lumabas muli ang tagasunod na kilala ng punong pari at nakiusap sa babaeng nagbabantay sa pinto, kaya pinapasok si Pedro. 17Sinabi ng babae kay Pedro, “Hindi baʼt isa ka sa mga tagasunod ng taong iyan?” Sumagot si Pedro, “Hindi!”

18Maginaw noon, kaya nagsiga ang mga alipin at mga guwardya, at tumayo sila sa paligid nito para magpainit. Nakihalo si Pedro sa kanila at nagpainit din.

Tinanong si Jesus ng Punong Pari

(Mat. 26:59-66; Mar. 14:55-64; Luc. 22:66-71)

19Samantala, tinanong ng punong pari si Jesus tungkol sa mga tagasunod niya at sa mga itinuturo niya. 20Sumagot si Jesus, “Hayagan akong nagsasalita sa mga tao. Lagi akong nangangaral sa mga sambahan at sa templo kung saan nagtitipon-tipon ang lahat ng Judio. Wala akong itinuro nang palihim. 21Bakit nʼyo ako tinatanong ngayon? Tanungin nʼyo ang mga nakarinig sa akin; alam nila kung ano ang mga sinabi ko.” 22Nang masabi ito ni Jesus, sinampal siya ng isa sa mga guwardya na malapit sa kanya. Sinabi ng guwardya, “Bakit ganyan ka sumagot sa punong pari?” 23Sinagot siya ni Jesus, “Kung may masama akong sinabi, patunayan mo. Pero kung totoo ang sinabi ko, bakit mo ako sinampal?”

24Habang nakagapos pa si Jesus, ipinadala siya ni Anas kay Caifas na punong pari.

Muling Ipinagkaila ni Pedro na Kilala Niya si Jesus

(Mat. 26:71-75; Mar. 14:69-72; Luc. 22:58-62)

25Samantala, nakatayo pa rin si Simon Pedro malapit sa siga at nagpapainit. Tinanong siya ng mga naroon, “Hindi baʼt isa ka sa mga tagasunod niya?” “Hindi!” Tanggi ni Pedro. 26Tinanong din si Pedro ng isa sa mga alipin ng punong pari, na kamag-anak ng pinutulan niya ng tainga, “Hindi baʼt nakita kitang kasama niya roon sa may taniman ng mga olibo?” 27Muli itong itinanggi ni Pedro, at noon din ay tumilaok ang manok.

Dinala si Jesus kay Pilato

28Mula kay Caifas, dinala si Jesus sa palasyo ng gobernador. Umaga na noon. Hindi pumasok ang mga Judio sa palasyo dahil ayon sa kautusan nila, ang pumasok sa bahay ng isang hindi Judio ay hindi magiging karapat-dapat kumain ng hapunan sa Pista ng Paglampas ng Anghel. 29Kaya sa labas sila kinausap ni Pilato at tinanong, “Ano ang paratang nʼyo laban sa taong ito?” 30Sumagot sila, “Kung hindi po siya kriminal ay hindi namin siya dadalhin sa inyo.” 31Sinabi ni Pilato sa kanila, “Dalhin nʼyo siya at kayo na ang humatol ayon sa inyong Kautusan.” Sumagot ang mga pinuno ng mga Judio, “Ngunit wala kaming kapangyarihang humatol ng kamatayan.” 32(Nangyari ang mga ito upang matupad ang sinabi ni Jesus tungkol sa uri ng kamatayang dadanasin niya.) 33Muling pumasok si Pilato sa palasyo at ipinatawag si Jesus, at tinanong, “Ikaw ba ang hari ng mga Judio?” 34Sumagot si Jesus, “Sa iyo ba nanggaling ang tanong na iyan o may nagsabi lang sa iyo tungkol sa akin?” 35Sumagot si Pilato, “Judio ba ako? Dinala ka rito sa akin ng mga kababayan mo at ng mga namamahalang pari. Ano ba ang ginawa mo?” 36Sinabi ni Jesus sa kanya, “Ang kaharian ko ay wala rito sa mundo. Kung nandito ang kaharian ko, makikipaglaban sana ang mga tagasunod ko upang hindi ako madakip ng mga Judio. Pero tulad nga ng sinabi ko, ang kaharian ko ay wala rito.” 37Sinabi ni Pilato, “Kung ganoon, isa kang hari?” Sumagot si Jesus, “Tama ang sinabi mo na isa akong hari. At ang dahilan kung bakit ako ipinanganak at naparito sa mundo ay upang ipahayag ang katotohanan. At ang lahat ng gustong makaalam ng katotohanan ay nakikinig sa akin.” 38Tinanong siya ni Pilato, “Ano ba ang katotohanan?”

Hinatulan si Jesus ng Kamatayan

(Mat. 27:15-31; Mar. 15:6-20; Luc. 23:13-25)

Nang masabi ito ni Pilato, lumabas siya at sinabi sa mga Judio, “Wala akong makitang kasalanan sa taong ito.
39Pero ayon sa kaugalian ninyo, dapat akong magpalaya ng isang bilanggo tuwing Pista ng Paglampas ng Anghel. Kaya gusto ba ninyong palayain ko ang Hari ng mga Judio?” 40Sumigaw ang mga tao, “Hindi siya. Si Barabas!” (Si Barabas ay isang tulisan.)

Copyright information for TglASD