John 13
Hinugasan ni Jesus ang Paa ng mga Tagasunod Niya
1Bago sumapit ang Pista ng Paglampas ng Anghel, alam ni Jesus na dumating na ang panahon ng pag-alis niya sa mundong ito upang bumalik sa Ama. Mahal na mahal niya ang kanyang mga tagasunod dito sa mundo, at ipinakita niya ang kanyang pagmamahal sa kanila hanggang sa katapusan.2 Nang gabing iyon, naghapunan si Jesus kasama ang mga tagasunod niya. Inudyukan na ni Satanas si Judas Iscariote na anak ni Simon na traydurin si Jesus. 3Alam ni Jesus na ang lahat ng kapangyarihan ay ibinigay sa kanya ng Ama. At alam din niyang galing siya sa Dios at babalik din sa Dios. 4Tumayo si Jesus habang naghahapunan sila. Hinubad niya ang kanyang damit-panlabas at nagbigkis ng tuwalya sa baywang niya. 5Pagkatapos, nagbuhos siya ng tubig sa isang planggana, at sinimulang hugasan ang paa ng mga tagasunod niya at pinunasan ng tuwalyang nakabigkis sa kanya. 6Paglapit niya kay Simon Pedro, sinabi nito, “Panginoon, huhugasan nʼyo po ba ang mga paa ko?” 7Sumagot si Jesus, “Hindi mo naiintindihan ang ginagawa ko ngayon, pero maiintindihan mo rin sa bandang huli.” 8Sinabi ni Pedro sa kanya, “Hindi pwedeng kayo ang maghugas ng mga paa ko.” Sumagot si Jesus, “Kung ayaw mong hugasan ko ang paa mo, wala kang kaugnayan sa akin.” 9Kaya sinabi ni Simon Pedro, “Kung ganoon Panginoon, hindi lang po ang mga paa ko ang hugasan nʼyo kundi pati na rin ang mga kamay at ulo ko!” 10Pero sinabi ni Jesus sa kanya, “Ang naligo na ay malinis na ang buong katawan, kaya hindi na siya kailangang hugasan pa, maliban sa mga paa niya. Malinis na nga kayo, pero hindi kayong lahat.” 11(Sinabi ni Jesus na hindi lahat sila ay malinis dahil alam niya kung sino ang magtatraydor sa kanya.)
12Nang mahugasan na ni Jesus ang mga paa nila, muli niyang isinuot ang kanyang damit-panlabas at bumalik sa hapag-kainan. Pagkatapos, tinanong niya sila, “Naintindihan nʼyo ba ang ginawa ko sa inyo? 13Tinatawag nʼyo akong ‘Guro’ at ‘Panginoon’, at tama kayo dahil iyan nga ang totoo. 14Kung ako na Guro at Panginoon ninyo ay hinugasan ang inyong mga paa, dapat ay ganoon din ang gawin ninyo sa isaʼt isa. 15Ginawa ko ito bilang halimbawa na dapat ninyong tularan. Kaya gawin din ninyo ang ginawa ko sa inyo. 16Sinasabi ko sa inyo ang totoo, walang alipin na mas higit sa kanyang amo; at wala ring isinugo na mas higit sa nagsugo sa kanya. 17Ngayong alam nʼyo na ang mga bagay na ito, mapalad kayo kung gagawin nʼyo ang mga ito.
18“Hindi ko sinasabing mapalad kayong lahat, dahil kilala ko ang mga pinili ko. Pero kailangang matupad ang sinasabi sa Kasulatan na ‘Trinaydor ako ng nakisalo sa akin sa pagkain.’ ▼
▼Salmo 41:9.
19Sinasabi ko ito sa inyo bago pa man mangyari, upang kapag nangyari na ay maniwala kayo na ako nga ang Cristo. 20Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang tumatanggap sa mga taong isinugo ko ay tumatanggap sa akin, at ang tumatanggap sa akin ay tumatanggap sa nagsugo sa akin.” Inihayag ni Jesus na May Magtatraydor sa Kanya
(Mat. 26:20-25; Mar. 14:17-21; Luc. 22:21-23)
21Pagkasabi nito ni Jesus, labis siyang nabagabag. Sinabi niya, “Ang totoo, tatraydurin ako ng isa sa inyo.” 22Nagtinginan ang mga tagasunod niya na naguguluhan kung sino ang tinutukoy niya. 23Nakasandal kay Jesus ang tagasunod na minamahal niya. 24Kaya sinenyasan siya ni Simon Pedro na tanungin si Jesus kung sino ang tinutukoy nito. 25Kaya habang nakasandal siya kay Jesus, nagtanong siya, “Panginoon, sino po ang tinutukoy ninyo?” 26Sumagot si Jesus, “Kung sino ang bibigyan ko ng tinapay na isinawsaw ko, siya iyon.” Kaya kumuha si Jesus ng tinapay at matapos isawsaw ay ibinigay kay Judas na anak ni Simon Iscariote. 27Nang matanggap ni Judas ang tinapay, pumasok sa kanya si Satanas. Sinabi ni Jesus sa kanya, “Gawin mo na agad ang gagawin mo.” 28Hindi naintindihan ng mga kasalo sa hapunan kung bakit sinabi iyon ni Jesus. 29Ang akala ng iba, inutusan lang ni Jesus si Judas na bumili ng mga kakailanganin sa pista o kayaʼy magbigay ng limos sa mga mahihirap, dahil siya ang tagapag-ingat ng pera nila. 30Pagkakain ni Judas ng tinapay, agad siyang umalis. Gabi na noon.Ang Bagong Utos
31Nang makaalis na si Judas, sinabi ni Jesus, “Ako na Anak ng Tao ay pararangalan na, at sa pamamagitan koʼy pararangalan din ang Dios. 32At kung sa pamamagitan koʼy pararangalan ang Dios, ihahayag din ng Dios ang aking karangalan, at gagawin niya ito kaagad. 33Mga anak, sandali na lang ninyo akong makakasama. Hahanapin ninyo ako, pero gaya ng sinabi ko sa mga pinuno ng mga Judio, hindi kayo makakapunta sa pupuntahan ko. 34Kaya isang bagong utos ang ibinibigay ko sa inyo: Magmahalan kayo. Kung paano ko kayo minamahal, ganoon din dapat ang pagmamahal nʼyo sa isaʼt isa. 35Kung nagmamahalan kayo, malalaman ng lahat ng tao na mga tagasunod ko kayo.”Sinabi ni Jesus na Ikakaila Siya ni Pedro
(Mat. 26:31-35; Mar. 14:27-31; Luc. 22:31-34)
36Nagtanong si Simon Pedro kay Jesus, “Panginoon, saan po kayo pupunta?” Sumagot si Jesus, “Sa ngayon ay hindi ka makakasama sa pupuntahan ko, pero susunod ka rin doon balang araw.” 37Nagtanong pa si Pedro, “Panginoon, bakit hindi ako maaaring sumama sa inyo ngayon? Handa naman akong mamatay para sa inyo.” 38Sumagot si Jesus, “Talaga bang handa kang mamatay para sa akin? Sinasabi ko sa iyo ang totoo, bago tumilaok ang manok, tatlong beses mong ikakaila na kilala mo ako.”
Copyright information for
TglASD