Joel 2
Ang Pagparusa ng Panginoon ay Inihalintulad sa Pagsalakay ng mga Balang
1Hipan ninyo ang trumpeta upang bigyang babala ang mga tao sa Zion, ▼▼Zion: Isa ito sa mga tawag sa Jerusalem.
ang banal ▼▼banal: o, pinili.
na bundok ng Panginoon. Lahat kayong nakatira sa Juda, manginig kayo sa takot, dahil malapit na ang araw ng paghatol ng Panginoon. 2Magiging maulap at madilim ang araw na iyon. Kakalat ang napakaraming balang ▼▼balang: sa literal, tao o bansa. Maaaring ang mga balang na ito ay kumakatawan sa mga taong sasalakay sa Juda.
sa mga kabundukan na parang sinag ng araw kapag nagbubukang-liwayway. Wala pang nangyaring kagaya nito noon, at hindi na mangyayari ang katulad nito kahit kailan. 3Sunud-sunod na sumalakay ang mga balang na parang apoy. ▼
▼Sunud-sunod … apoy: sa literal, Sa kanilang harapan at sa likuran ay may apoy na sumusunog. Maaaring ang ibig sabihin ay sa harapan at sa likuran ng isang kawan ng mga balang ay mayroon pang mga kawan ng balang. Tingnan sa 1:4 at 2:20.
Bago sila dumating ang lupain ay parang halamanan ng Eden. Pero nang masalakay na nila, para na itong disyerto. Wala silang halaman na itinira. 4Parang kabayo ang kanilang anyo, at mabilis sila tulad ng mga kabayong pandigma. 5Ang ingay ng kanilang paglukso sa ibabaw ng mga bundok ay parang mga karwaheng tumatakbo at parang ingay ng nasusunog na dayami. Tulad sila ng makapangyarihang hukbo na handang makipagdigma. 6Ang mga taong makakakita sa kanila ay mamumutla sa takot. 7– 8Sumasalakay sila at umaakyat sa mga pader na parang mga sundalo. Diretso ang kanilang paglakad at hindi lumilihis sa kanilang dinadaanan. Hindi sila nagtutulakan, at kahit masalubong nila ang mga sandata ng kaaway, hindi sila naghihiwa-hiwalay. 9Sinasalakay nila ang lungsod at inaakyat ang mga pader nito. Inaakyat nila ang mga bahay at pumapasok sa mga bintana na parang magnanakaw. 10Nayayanig ang lupa at ang langit sa kanilang pagdating. At nagdidilim ang araw at ang buwan, at nawawalan ng liwanag ang mga bituin. 11Inuutusan ng Panginoon ang kanyang hukbo – ang napakarami at makapangyarihang mga balang – at sumusunod sila sa kanyang utos. Nakakatakot ang araw ng pagpaparusa ng Panginoon. Sino ang makakatagal dito?
Panawagan upang Magbalik-loob sa Dios
12Sinabi ng Panginoon na ito na ang panahon para magbalik-loob kayo sa kanya nang buong puso, na nag-aayuno, nananangis at nagdadalamhati. 13Magsisi kayo nang buong puso at hindi pakitang-tao lamang sa pamamagitan ng pagpunit ng inyong mga damit. Magbalik-loob kayo sa Panginoon na inyong Dios, dahil mahabagin siya at maalalahanin. Mapagmahal siya at hindi madaling magalit. Handa siyang magbago ng isip upang hindi na magpadala ng parusa. 14Baka sakaling magbago ang isip ng Panginoon na inyong Dios at pagpalain kayo ng masaganang ani, para makapaghandog kayo sa kanya ng mga butil at inumin.15Hipan ninyo ang trumpeta sa Zion upang ipaalam sa mga tao na magtipon sila at mag-ayuno. 16Gawin ninyo ang seremonya ng paglilinis at magtipon kayong lahat, bata at matanda, pati mga sanggol at maging ang mga bagong kasal. 17Umiyak sa pagitan ng altar at ng balkonahe ng templo ang mga pari na naglilingkod sa Panginoon, at manalangin sila ng ganito: “Panginoon, maawa po kayo sa mga mamamayang pag-aari ninyo. Huwag nʼyo pong payagan na hiyain sila at sakupin ng ibang bansa na nagsasabing, ‘Nasaan ang inyong Dios?’ ”
Pagpapalain ng Panginoon ang Juda
18Nagmamalasakit ang Panginoon sa kanyang bayan at naaawa siya sa kanyang mga mamamayan. 19At bilang sagot sa kanilang dalangin sasabihin niya sa kanila, “Bibigyan ko kayo ng mga butil, bagong katas ng ubas, at langis, at mabubusog kayo. Hindi ko papayagang hiyain kayo ng ibang bansa. 20Palalayasin ko ang mga sasalakay sa inyo mula sa hilaga at itataboy ko sila sa disyerto. Itataboy ko ang unang pulutong nila sa Dagat na Patay ▼▼Dagat na Patay: sa Hebreo, dagat sa silangan.
at ang huling pulutong ay itataboy ko sa Dagat ng Mediteraneo. ▼▼Dagat ng Mediteraneo: sa Hebreo, dagat sa kanluran.
At babaho ang kanilang mga bangkay.”Tunay na kamangha-mangha ang ginawa ng Panginoon. 21Hindi dapat matakot ang lupain ng Juda, sa halip dapat itong magalak dahil sa kamangha-manghang ginawa ng Panginoon. 22Huwag matakot ang mga hayop, dahil luntian na ang mga pastulan at namumunga na ang mga punongkahoy, pati na ang mga igos, gayon din ang mga ubas.
23Kayong mga taga-Zion, magalak kayo sa ginawa sa inyo ng Panginoon na inyong Dios. Sapagkat binigyan niya kayo ng unang ulan at nasundan pa ito gaya ng dati para ipakita na matuwid siya. 24Mapupuno ng butil ang mga giikan, at aapaw ang bagong katas ng ubas at langis sa mga pisaan nito. 25Sapagkat sinasabi ng Panginoon, “Ibabalik ko ang lahat ng nawala sa inyo noong mga panahon na sinalakay ang inyong mga pananim ng sunud-sunod na pulutong ng mga balang na iyon. Ako ang nagpadala sa inyo ng napakalaking pulutong ng mga balang. 26Magkakaroon na kayo ngayon ng saganang pagkain at lubusang mabubusog. At dahil dito, pupurihin ninyo ako na inyong Dios, na gumawa ng mga kamangha-manghang bagay na iyon. At kayo na aking mga mamamayan ay hindi na mapapahiya kailanman. 27Malalaman ninyo na akoʼy sumasainyo na mga taga-Israel, at ako lamang ang Panginoon na inyong Dios at wala nang iba pa. Kayo na aking mga mamamayan ay hindi na nga mapapahiya kailanman.
Ang mga Pagpapalang Espiritwal
28“At pagkatapos, ibibigay ko ang aking Espiritu sa lahat ng tao. Ang inyong mga anak na lalaki at babae ay magpapahayag ng aking mga salita. Ang inyong matatandang lalaki ay mananaginip, at ang inyong mga binata ay makakakita ng mga pangitain. 29Sa mga araw na iyon, ibibigay ko rin ang aking Espiritu sa mga utusang lalaki at babae. 30Magpapakita ako ng mga himala sa langit at sa lupa: May makikitang dugo, apoy, at makapal na usok. 31Magdidilim ang araw at pupula ang buwan na parang dugo. Mangyayari ito bago dumating ang nakakatakot na araw ng paghuhukom ng Panginoon.”32Ang sinumang hihingi ng tulong sa Panginoon ay maliligtas sa parusang darating. Sapagkat ayon sa sinabi ng Panginoon, may matitirang mga Israelita sa Bundok ng Zion, ang Jerusalem. Sila ang mga pinili ng Panginoon na maliligtas.
Copyright information for
TglASD