Job 4
Nagsalita si Elifaz
1Nagsalita si Elifaz na taga-Teman. Sinabi niya, 2“Magagalit ka ba kung magsasalita ako? Hindi ko na kayang manahimik. 3Noon, pinapayuhan mo ang maraming tao na magtiwala sa Dios, at pinalalakas ang mahihina at nanlulupaypay. 4Ang mga salita moʼy nagpalakas sa kanila at umalalay sa mga nanghihina. 5Pero ngayong ikaw na ang dumaranas ng kahirapan, tila ikaw ang nanghihina at naguguluhan. 6Hindi baʼt kapag may takot ka sa Dios at namumuhay ka ng matuwid, magdudulot ito sa iyo ng tiwalaʼt pag-asa?7“Ngayon, isipin mong mabuti. May tao bang matuwid at walang kasalanan na napahamak? 8Ayon sa aking nakitaʼt nalaman, ang mga taong gumagawa ng kasamaan at kaguluhan, kasamaan at kaguluhan din ang kanilang kahahantungan. 9Sa isang bugso lamang ng galit ng Dios, mapapahamak sila. 10Kahit na silaʼy tulad ng malakas at mabangis na leon, tatanggalin pa rin ang kanilang mga ngipin. 11Mamamatay sila dahil sa gutom at ang mga anak nila ay mangangalat.
12“May sinabi sa akin nang palihim. Ibinulong ito sa akin 13sa pamamagitan ng panaginip. Gabi iyon habang ang mga taoʼy mahimbing na natutulog. 14Natakot ako at nanginig ang buo kong katawan. 15May espiritu na dumaan sa aking harap ▼
▼May espiritu na dumaan sa aking harap: o, Umihip ang hangin sa mukha ko.
at tumayo ang mga balahibo ko at kinilabutan ako. 16Huminto ito, pero hindi ko gaanong maaninag. At may narinig akong mahinang tinig na nagsasabi, 17‘Mayroon bang taong matuwid o malinis sa paningin ng Dios na kanyang Manlilikha? 18Kung mismong sa mga anghel na lingkod niya ay hindi siya lubusang nagtitiwala, at nakakakita siya ng kamalian nila, 19di lalo na sa taong nilikha lamang mula sa lupa, na madaling pisain katulad ng gamo-gamo! 20Ang taoʼy maaaring buhay pa sa umaga pero kinagabihaʼy patay na at hindi na makikita magpakailanman. 21Para silang mga toldang bumagsak. Namatay sila nang kulang sa karunungan.’
Copyright information for
TglASD