‏ Job 34

1Sinabi pa ni Elihu,

2“Kayong mga nagsasabing marurunong at maraming nalalaman, pakinggan ninyo akong mabuti. 3Sapagkat kung papaanong alam ng dila ang masarap at hindi masarap na pagkain, alam din ng tainga kung ano ang tama at hindi tamang mga salita. 4Kaya alamin natin kung ano ang tama, pag-aralan natin kung ano ang mabuti. 5Sapagkat sinabi ni Job, ‘Wala akong kasalanan pero hindi ako binigyan ng Dios ng katarungan. 6Kahit na matuwid ako, itinuring akong sinungaling. Kahit na wala akong nagawang kasalanan, binigyan niya ako ng karamdamang walang kagalingan.’

7“Walang taong katulad ni Job na uhaw sa pangungutya. 8Ang gusto niyang makasama ay masasama at makasalanang tao, 9dahil sinabi niya, ‘Walang pakinabang ang tao kung magsisikap siyang bigyan kasiyahan ang Dios!’

10“Kaya makinig kayo sa akin, kayong mga nagsasabing kayo ay nakakaunawa. Ang Makapangyarihang Dios ay hindi gumagawa ng masama. 11Ginagantimpalaan niya ang tao ayon sa kanyang mga ginawa; pinakikitunguhan niya ito ayon sa nararapat sa kanyang ugali. 12Nakatitiyak akong hindi maaaring gumawa ang Makapangyarihang Dios ng masama. Hindi niya maaaring baluktutin ang hustisya. 13May nagtalaga ba sa kanya para pamunuan ang mundo? May nagbilin ba sa kanya ng mundo? Wala! 14Kung loloobin ng Dios na kunin ang buhay na ibinigay niya sa tao, 15lahat ng taoʼy mamamatay at babalik sa lupa.

16Job, kung may pang-unawa ka, pakinggan mo ang sasabihin ko: 17Makakapamuno kaya ang Dios kung ayaw niya ng katarungan? Bakit mo hinahatulan ang matuwid at makapangyarihang Dios? 18Hindi baʼt siya ang sumasaway sa mga hari at pinunong masama at walang kwenta? 19Wala siyang itinatangi sa mga pinuno at wala rin siyang pinapanigan, mayaman man o mahirap, dahil silang lahat ay pare-pareho niyang nilikha. 20Kahit ang taong makapangyarihan ay biglang mamamatay sa gabi nang hindi ginagalaw ng tao.

21“Binabantayan ng Dios ang lahat ng ginagawa ng tao. 22Walang madilim na lugar na maaaring pagtaguan ng masama. 23Hindi na kailangang tawagin pa ng Dios ang tao upang humarap sa kanya para tanungin at hatulan. 24Hindi na niya kailangang imbestigahan pa ang taong namumuno para alisin ito sa katungkulan at palitan ng iba. 25Sapagkat alam niya ang kanilang ginagawa, inaalis niya sila sa kapangyarihan at nililipol kahit gabi. 26Hayagan niya silang pinaparusahan dahil sa kanilang kasamaan. 27Ginawa niya ito dahil tumigil sila ng pagsunod sa kanya, at binalewala ang kanyang pamamaraan. 28Inaapi nila ang mga dukha, at narinig ng Dios ang paghingi ng mga ito ng tulong. 29Pero kahit na tumahimik ang Dios at magtago, walang sinuman ang makapagsasabing mali siya. Ang totoo, binabantayan ng Dios ang tao at mga bansa, 30para patigilin ang pamumuno ng mga hindi makadios, na siyang bitag na pipinsala sa mga tao.

31Job, bakit ayaw mong lumapit sa Dios at sabihin sa kanya, ‘Nagkasala po ako, pero hindi na ako magkakasala pa!’ 32o, ‘Sabihin nʼyo sa akin ang kasalanan ko. Kung nagkasala ako, hindi ko na ito muling gagawin.’ 33Papaano sasagutin ng Dios ang kahilingan mo kung hindi ka magsisisi? Ikaw ang magpapasya nito at hindi ako. Kaya sabihin mo sa akin kung ano ang pasya mo.

34“Ang mga taong marunong at may pang-unawa, na nakikinig sa akin, 35ay makapagsasabing ang mga sinasabi mo Job ay kamangmangan at walang kabuluhan. 36Dapat ka ngang lubusang subukin dahil nagsasalita kang gaya ng masamang tao. 37Dinadagdagan mo pa ang kasalanan mo dahil sa paghihimagsik mo sa Dios. Minamasama moʼt kinukutya ang Dios sa harap namin.”

Copyright information for TglASD