‏ Job 31

1“Ipinangako ko sa aking sarili na hinding-hindi ako titingin nang may pagnanasa sa isang dalaga. 2Sapagkat anong igaganti ng Makapangyarihang Dios na nasa langit sa mga ginagawa ng tao? 3Hindi baʼt kapahamakan at kasawian para sa mga gumagawa ng kasamaan? 4Alam ng Dios ang lahat ng aking ginagawa. 5Kung nagsinungaling man ako at nandaya, 6hahayaan kong hatulan ako ng Dios, dahil siya ang nakakaalam kung nagkasala nga ako. 7Kung hindi ako sumunod sa tamang daan, o kung sinunod ko ang nais ng aking mata, at dinungisan ko ang aking sarili, 8masira nawa ang aking mga pananim o di kayaʼy pakinabangan ng iba. 9Kung naakit ako ng ibang babae o napaibig sa asawa ng aking kapwa, 10kunin nawa at sipingan ng ibang lalaki ang asawa ko. 11Sapagkat ang pangangalunya ay kasalanang nakakahiya, at dapat na parusahan ang taong ganyan ang ginagawa. 12Iyan ay parang mapamuksang apoy na uubos sa lahat ng aking kabuhayan.

13“Kung hindi ko pinahalagahan ang karapatan ng aking alipin nang dumaing sila sa akin, 14anong gagawin ko kung hatulan ako ng Dios? Anong isasagot ko kung tanungin niya ako? 15Hindi baʼt ang Dios na lumikha sa akin ang siya ring Dios na lumikha sa aking mga alipin?

16“Kung hindi ako tumulong sa mga dukha at sa mga biyuda na nahihirapan, 17at kung naging madamot ako sa mga ulila, parusahan nawa ako ng Dios. 18Pero mula pa noong kabataan ko, tumutulong na ako sa mga ulila, at sa buong buhay ko hindi ko pinabayaan ang mga biyuda. 19Kapag nakakita ako ng taong nahihirapan sa lamig dahil kapos siya sa damit, 20binibigyan ko siya ng damit pangginaw na yari sa balahibo ng aking mga tupa. At buong puso siyang nagpapasalamat sa akin. 21Kung pinagbuhatan ko ng kamay ang mga ulila, dahil alam kong malakas ako sa hukuman, 22maputol sana ang mga braso ko. 23Hindi ko magagawa ang mga bagay na iyan dahil natatakot ako sa parusa at kapangyarihan ng Dios.

24“Hindi ako nagtiwala sa aking kayamanan o nag-isip man na magbibigay ito sa akin ng katiyakan. 25Hindi ko ipinagyabang ang kayamanan ko at lahat ng aking ari-arian. 26Hindi ako sumamba sa araw na nagbibigay ng liwanag o sa buwan na kumikinang. 27Ang puso koʼy hindi nahikayat na sumamba sa mga ito. 28Kung nagkasala ako sa paggawa ng mga ito, dapat akong parusahan dahil nagtaksil ako sa Dios na nasa langit.

29“Hindi ko ikinatuwa ang kapahamakan ng aking kaaway o ang pagsapit sa kanila ng kahirapan. 30Hindi ako nagkasala sa pamamagitan ng pagsumpa sa kanila. 31Alam ng aking mga kasambahay na pinapakain ko ang lahat kahit na ang mga dayuhan. 32Hindi ko pinabayaang matulog kahit saan ang mga dayuhan, dahil palaging bukas ang pintuan ng aking tahanan para sa kanila. 33Hindi ko itinatago ang aking kasalanan katulad ng ginagawa ng iba. 34Hindi ako tumahimik o nagtago dahil takot ako sa anumang sasabihin ng mga tao.

35“Kung mayroon lang sanang makikinig ng panig ko, nakahanda akong lumagda para patunayan na wala akong kasalanan. Kung may reklamo ang Dios na Makapangyarihan laban sa akin, ipapakiusap ko sa kanyang sabihin niya ito sa akin o kayaʼy isulat na lang. 36At ikakabit ko ito sa aking balikat o sa ulo ko na parang korona para ipakita sa lahat na nakahanda akong humarap sa mga usapin. 37Sasabihin ko sa Dios ang lahat ng aking ginawa. Haharap ako sa kanya katulad ng pinuno na hindi nahihiya.

38“Kung inaabuso ko ang aking lupain, o kinamkam ko ito sa iba,
Kung … iba: sa literal, Kung magrereklamo ang lupain ko laban sa akin at inaararo ito na basa sa luha.
39o kung pinasama ko ang loob ng mga manggagawa sa aking lupain dahil kinuha ko ang kanilang ani ng walang bayad, 40tumubo nawa sa lupain ko ang mga matitinik na halaman at mga damo sa halip na trigo at sebada.”

Dito natapos ang mga sinabi ni Job.

Copyright information for TglASD