Job 29
Ang mga Pagpapalang Tinanggap Noon ni Job
1Nagpatuloy sa pagsasalita si Job, 2“Kung maibabalik ko lang sana ang mga nagdaang araw noong kinakalinga pa ako ng Dios, 3noong tinatanglawan pa niya ang aking daan habang lumalakad ako sa dilim. 4Noong akoʼy nasa mabuti pang kalagayan, ang Dios ay matalik kong kaibigan, at pinagpapala niya ang sambahayan ko. 5Pinapatnubayan pa ako noon ng Dios na Makapangyarihan, at magkakasama pa kami ng mga anak ko. 6Ang mga baka ko nooʼy nagbibigay sa akin ng maraming gatas at mula sa mga tanim kong olibo ay umaani ako ng napakaraming langis. 7Kapag pumupunta ako sa pintuang bayan at sumasama sa mga pinuno ng lungsod sa tuwing may pagpupulong sila, 8tumatabi ang mga kabataang lalaki kapag nakita nila ako, at ang matatandaʼy tumatayo para magbigay galang sa akin. 9Tumatahimik kahit ang mga pinuno 10at ang mararangal na tao kapag nakikita nila ako. 11Pinupuri ako ng mga taong nanonood o nakikinig sa aking pagsasalita. 12Sapagkat tinutulungan ko ang mga dukhang humihingi ng tulong at mga ulilang walang malapitan. 13Binabasbasan ako ng mga taong nag-aagaw buhay na aking tinulungan, at umaawit sa galak ang mga biyuda na aking natulungan din. 14Palagi kong ginagawa ang tama at matuwid; para itong damit at turban na aking isinusuot. 15Naging parang mata ako sa taong bulag at paa sa pilay. 16Naging parang ama ako sa mga dukha, at kahit ang mga dayuhan ay tinulungan ko sa kanilang mga suliranin. 17Winasak ko ang kapangyarihan ng masasamang tao at iniligtas ko ang mga biktima nila.18“Ang akala koʼy hahaba pa ang buhay ko, at mamamatay na kasama ang aking sambahayan. 19Sapagkat ang katulad ko nooʼy matibay na punongkahoy na umaabot ang mga ugat sa tubig at laging nahahamugan ang mga sanga. 20Palagi akong malakas at pinupuri ng mga tao. 21Kapag nagpapayo ako, tumatahimik ang mga tao at nakikinig nang mabuti. 22Pagkatapos kong magsalita, hindi na sila nagsasalita dahil nasisiyahan na sila sa mga sinabi ko. 23Pinanabikan nila ang mga sasabihin ko tulad ng pagkasabik nila sa pagdating ng ulan. Gusto talaga nila akong mapakinggan. 24Halos hindi sila makapaniwala kapag ngumiti ako, dahil ang masayang mukha koʼy nagpapalakas sa kanila. 25Tulad ng isang pinuno, tinuturuan ko sila kung ano ang dapat gawin. Pinamumunuan ko sila tulad ng haring namumuno sa kanyang mga kawal. At inaaliw ko sila kapag silaʼy nalulungkot.
Copyright information for
TglASD