‏ Job 28

Nagsalita si Job Tungkol sa Karunungan at Pang-unawa

1“May mga minahan kung saan matatagpuan ang pilak at may mga lugar kung saan dinadalisay ang ginto. 2Ang bakal ay nakukuha mula sa lupa, at ang tanso ay tinutunaw mula sa mga bato. 3Gumagamit ng ilaw ang mga tao para madaig nila ang kadiliman sa kanilang paghuhukay sa kailaliman ng lupa. 4Humuhukay sila ng daanan sa minahan, sa dakong walang taong nakatira at dumadaan. Bumababa sila sa pamamagitan ng mga nakalaylay na lubid. 5Sa ibabaw ng lupa tumutubo ang mga tanim kung saan nagmumula ang pagkain, pero sa ilalim ay parang dinaanan ng apoy. 6Ang mga bato roon ay may mga safiro
safiro: Isang uri ng mamahaling bato.
at ang mga alikabok ay may ginto.
7Ang mga daan patungo roon ay hindi makita ng mga ibon, kahit ng ibong mandaragit. 8Hindi rin ito nadaanan ng mga mababangis na hayop o ng leon. 9Hinuhukay ng mga tao kahit na ang pinakamatigas na bato sa ilalim ng bundok. 10Hinuhukay nila ang bundok para hanapin ang ibaʼt ibang uri ng mamahaling bato. 11Hinahanap din nila ang mga ito sa mga ilog.

12“Pero saan nga ba matatagpuan ang karunungan at pang-unawa? 13Hindi alam ng tao kung saan ito matatagpuan. Hindi ito matatagpuan dito sa lupa. 14Hindi rin ito matatagpuan sa ilalim ng dagat. 15Hindi rin ito nabibili ng purong ginto o pilak. 16Ang halaga nito ay hindi matutumbasan ng ginto o ng alin mang mamahaling bato gaya ng onix o safiro. 17Higit pa ito sa ginto o kristal. Hindi ito maipagpapalit sa gintong alahas. 18Ang halaga nitoʼy higit pa sa koral, jasper, o rubi. 19Hindi ito mapapantayan ng mamahaling batong topaz na mula sa Etiopia
Etiopia: sa Hebreo, Cush.
at hindi rin mababayaran ng purong ginto.

20“Kaya saan matatagpuan ang karunungan at pang-unawa? 21Walang nilalang na makakakita nito kahit na ang mga ibon. 22Kahit na ang lugar ng kapahamakan na siyang lugar ng mga patay, sabi-sabi lang ang kanilang nalaman tungkol dito. 23Dios lang ang nakakaalam kung saan matatagpuan ang karunungan. 24Sapagkat nakikita niya kahit ang pinakamalayong bahagi ng mundo at ang lahat ng nasa ilalim ng langit. 25Noong pinalakas niya ang hangin, at sinukat kung gaano karaming ulan ang dapat bumuhos, 26itinakda na niya kung saan ito papatak, at kung saan tatama ang kulog at kidlat. 27Sa ganito niya ipinakita ang karunungan at kahalagahan ng mga ito. Nasubukan na niya ito at napatunayan. 28Pagkatapos, sinabi niya sa mga tao, ‘Ang pagkatakot sa Panginoon at ang paglayo sa kasamaan ay siyang karunungan at pagkaunawa.’ ”

Copyright information for TglASD