‏ Job 21

Nagsalita si Job

1Sumagot si Job, 2“Pakinggan ninyo akong mabuti upang mapasaya rin ninyo ako. 3Makinig kayo habang nagsasalita ako at kapag akoʼy tapos na, tuyain ninyo ako kung gusto ninyo.

4“Ang hinaing koʼy hindi laban sa tao kundi sa Dios. Ito ang dahilan kung bakit maikli ang pasensya ko. 5Tingnan ninyo ako. Sa nakita ninyo sa akin makakapagsalita pa ba kayo? 6Kung iisipin ko ang mga nangyayari sa akin, manginginig ako sa takot.

7“Bakit patuloy na nabubuhay ang mga masama? Tumatanda sila at nagiging maunlad. 8Nakikita nila ang paglaki ng kanilang mga anak at apo. 9Namumuhay sila sa kanilang tahanan na ligtas sa panganib at walang kinatatakutan. Hindi sila pinaparusahan ng Dios. 10Walang tigil ang panganganak ng kanilang mga baka at hindi ito nakukunan. 11Marami silang anak, parang kawan ng tupa sa dami.
Marami … sa dami: o, Pinaglalaro nila ang kanilang mga anak tulad ng mga tupa.
Nagsasayawan sila,
12nag-aawitan, at nagkakatuwaan sa tugtog ng tamburin, alpa at plauta. 13Namumuhay sila sa kasaganaan at payapang namamatay. 14Pero sinasabi nila sa Dios, ‘Pabayaan mo kami! Ayaw naming malaman ang iyong mga pamamaraan. 15Sino kang Makapangyarihan na dapat naming paglingkuran? At ano ba ang mapapala namin kung mananalangin kami sa iyo?’ 16Pero ang totoo, ang pag-unlad nilaʼy hindi galing sa sarili nilang pagsisikap. Kaya anuman ang ipapayo ng masasamang taong ito ay hindi ko tatanggapin.

17“Pero madalang ang taong masasama na namamatay. Bihirang dumating sa kanila ang kahirapan o parusang ipinapadala ng Dios dahil sa kanyang galit. 18Bihira nilang maranasan ang mapalayas tulad ng ipa na tinatangay ng malakas na hangin. 19Sinasabi ninyo na kapag hindi sila parurusahan ng Dios ang mga anak nila ang parurusahan. Pero sa ganang akin, ang nagkasala ang siyang dapat parusahan ng Dios para maranasan nila 20at makita ang kanilang kapahamakan. Matikman sana nila ang galit ng Makapangyarihang Dios. 21Kapag patay na sila, hindi na nila malalaman ang mga nangyayari sa kanilang sambahayan.

22“Matuturuan ba ng tao ang Dios, na siya ngang pinakamataas na hukom? 23May mga taong namamatay sa gitna ng kasaganaan at panatag na kalagayan, 24at malusog na pangangatawan. 25May mga tao ring namamatay sa kahirapan, at hindi nakaranas ng kahit kaunting kaginhawahan sa buhay. 26Pero pareho rin silang ililibing sa lupa at kakainin ng mga uod.

27“Alam ko kung ano ang nasa isip ninyo. Alam ko kung ano ang binabalak ninyo laban sa akin. 28Sasabihin ninyo sa akin ang tungkol sa mga taong mayaman na nawasak ang tahanan dahil sa kanilang kasamaan. 29Pero tanungin mo ang mga dumadaan at pakinggan ang sinasabi nila. Sapagkat sasabihin nila sa inyo na 30palaging naliligtas ang masasamang tao sa araw ng pagpaparusa ng Dios. 31Walang hayagang sumasaway sa taong masama. Walang gumaganti sa masama niyang ginawa. 32 33At kapag namatay siya at inihatid sa kanyang huling hantungan, marami ang nakikipaglibing. Tinatanggap ng lupa ang katawan niya at binibigyan ng kapahingahan. Binabantayan pa ang kanyang libingan.

34“Kaya paano ninyo ako maaaliw sa pamamagitan ng mga salita ninyong walang kabuluhan? Ang mga sinasabi ninyoʼy walang katotohanan!”

Copyright information for TglASD