‏ Jeremiah 6

Napaligiran ang Jerusalem ng Kanyang mga Kaaway

1“Mga lahi ni Benjamin, tumakas kayo at magtago! Umalis kayo sa Jerusalem! Patunugin nʼyo ang trumpeta sa Tekoa at hudyatan nʼyo ang Bet Hakerem, dahil darating na ang kapahamakan mula sa hilaga. 2Wawasakin ko ang magandang lungsod ng Jerusalem.
lungsod ng Jerusalem: sa literal, babaeng anak ng Zion. Ganito rin sa talatang 23.
3Papalibutan ito ng mga pinuno at ng kanilang mga sundalo.
pinuno … sundalo: sa literal, pastol at ang mga hayop nila.
Magtatayo sila ng kanilang mga tolda sa paligid nito at doon sila magkakampo.
4Sasabihin ng mga pinuno, ‘Humanda kayo! Pagsapit ng tanghali, sasalakayin natin sila.’ Pero pagdating ng hapon, sasabihin ng pinuno, ‘Lumulubog na ang araw at medyo nagdidilim na. 5Ngayong gabi na lang tayo sasalakay at wawasakin natin ang mga matitibay na bahagi ng lungsod na ito.’ ”

6Ito ang sinasabi ng Panginoong Makapangyarihan, “Pumutol kayo ng mga kahoy na pangwasak sa mga pader ng Jerusalem, at magtambak kayo ng lupa sa gilid ng pader at doon kayo dumaan. Nararapat nang parusahan ang lungsod na ito dahil laganap na rito ang mga pang-aapi. 7Katulad ng bukal na patuloy ang pag-agos ng tubig, patuloy ang paggawa nito ng kasamaan. Palaging nababalitaan sa lungsod na ito ang mga karahasan at panggigiba. Palagi kong nakikita ang mga karamdaman at sugat nito. 8Mga taga-Jerusalem, babala ito sa inyo at kung ayaw pa ninyong makinig, lalayo ako sa inyo, at magiging mapanglaw ang lupain nʼyo at wala nang maninirahan dito.”

9Sinabi pa ng Panginoong Makapangyarihan, “Ang mga matitirang buhay sa Israel ay ipapaubos ko sa mga kaaway, katulad ng huling pamimitas ng mga natitirang ubas. Tinitingnan nilang mabuti ang mga sanga at kukunin ang mga natitirang bunga.”

10 Nagtanong ako, “Pero Panginoon sino po ang bibigyan ko ng babala? Sino po kaya ang makikinig sa akin? Tinakpan po nila ang kanilang mga tainga para hindi sila makarinig. Kinasusuklaman po nila ang salita ng Panginoon, kaya ayaw nilang makinig. 11Matindi rin ang galit na nararamdaman ko tulad ng sa Panginoon at hindi ko mapigilan.”

Sinabi ng Panginoon, “Ipapadama ko ang galit ko pati sa mga batang naglalaro sa lansangan, mga kabataang lalaki na nagkakatipon, mga mag-asawa at pati na sa matatanda.
12Ibibigay sa iba ang mga bahay nila, pati ang mga bukid at mga asawa nila. Mangyayari ito kapag pinarusahan ko na ang mga nakatira sa lupaing ito. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.

13“Mula sa pinakahamak hanggang sa pinakadakila, pare-pareho silang sakim sa pera. Kahit ang mga propeta at mga pari ay mga mandaraya rin. 14Binabalewala nila ang sugat ng aking mga mamamayan kahit malala na ito. Sinasabi rin nila na payapa ang lahat, kahit hindi naman. 15Nahihiya ba sila sa ugali nilang kasuklam-suklam? Hindi! Wala na kasi silang kahihiyan! Ni hindi nga namumula ang kanilang mukha sa kahihiyan. Kaya mapapahamak sila katulad ng iba. Ibabagsak sila sa araw na parusahan ko sila. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

16Ito pa ang sinabi ng Panginoon, “Tumayo kayo sa mga kanto at magmasid kayo nang mabuti. Magtanong kayo kung alin ang dati at mabuting daan, at doon kayo dumaan. At makakamtan ninyo ang kapayapaan. Pero sinabi ninyo, ‘Hindi kami dadaan doon.’ 17Naglagay ako ng mga tagapagbantay at sinabi nila sa inyo, ‘Pakinggan ninyo ang tunog ng trumpeta bilang babala.’ Pero sinabi ninyo, ‘Hindi namin iyon pakikinggan.’

18“Kaya kayong mga bansa, makinig kayo. Masdan ninyong mabuti kung ano ang mangyayari sa kanila. 19Buong mundo, makinig kayo! Magpapadala ako ng kapahamakan sa mga taong ito para parusahan sila sa kanilang masamang mga binabalak. Sapagkat ayaw nilang pakinggan ang mga salita ko at itinakwil nila ang mga kautusan ko. 20Walang halaga sa akin ang inihahandog nilang insenso kahit na galing pa ito sa Sheba, o ang mga pabangong mula pa sa malayong lugar. Hindi ko tatanggapin ang kanilang mga handog na sinusunog. Hindi ako natutuwa sa mga handog nila sa akin. 21Kaya ako, ang Panginoon, ay maglalagay ng katitisuran sa dinadaanan ng mga taong ito. At dahil dito, babagsak ang mga ama at mga batang lalaki, pati ang mga magkaibigan at magkapitbahay.”

22Ito pa ang sinasabi ng Panginoon, “Tingnan ninyo, may mga sundalong dumarating galing sa lupain sa hilaga, isang makapangyarihang bansa na galing sa malayong lupain
malayong lupain: sa literal, sa dulo ng mundo.
na handang sumalakay.
23Ang dala nilang armas ay mga pana at mga sibat. Malulupit sila at walang habag. Ang ingay nila ay parang malalakas na alon habang nakasakay sila sa kanilang mga kabayo. Darating sila para salakayin kayo, mga taga-Jerusalem.”

24Nabalitaan namin ang tungkol sa kanila at kami ay nanlupaypay. Takot at hirap ang naramdaman namin katulad ng paghihirap ng babaeng manganganak na. 25Huwag na kayong lalabas para pumunta sa mga bukid o lumakad sa mga daan, dahil may mga kaaway kahit saan na handang pumatay. Nakakatakot sa ating paligid. 26Mga kababayan, magsuot kayo ng damit na panluksa
damit na panluksa: sa Hebreo, sakong damit.
at gumulong kayo sa abo para ipakita ang kalungkutan ninyo. Umiyak kayo na parang namatay ang kaisa-isa ninyong anak na lalaki. Sapagkat bigla tayong sasalakayin ng kaaway.

27 Sinabi sa akin ng Panginoon, “Ginawa kitang tulad ng tagasuri ng mga metal, para masuri mo ang pag-uugali ng aking mga mamamayan. 28Silang lahat ay rebelde at matitigas ang ulo, kasintigas ng tanso at bakal. Nanlalait at nanloloko sila ng kanilang kapwa. 29Pinapainit nang husto ang pugon para dalisayin ang pilak mula sa tinggang nakahalo rito, pero hindi rin lubusang nadalisay ang pilak. Ganyan din ang mga mamamayan ko, wala ring kabuluhan ang pagdalisay sa kanila, dahil hindi pa rin naaalis nang lubusan ang kasamaan nila. 30Tatawagin silang, ‘Itinakwil na Pilak’ dahil itinakwil ko sila.”

Copyright information for TglASD