‏ Jeremiah 48

Ang Mensahe tungkol sa Moab

1Ito ang sinabi ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, tungkol sa Moab:

“Nakakaawa ang Nebo dahil wawasakin ito. Mapapahiya at bibihagin ang Kiriataim at matitibag ang mga muog nito.
2Hindi na papupurihan ang Moab; ang mga kaaway sa Heshbon ay nagbabalak na wasakin ang Moab. At ikaw naman Madmen ay sasalakayin ng mga kaaway at magiging mapanglaw. 3Pakinggan nʼyo ang sigawan sa Horonaim, dahil sa matinding digmaan at kapahamakan. 4Mawawasak ang Moab at mag-iiyakan ang mga bata. 5Ang mga mamamayan ng Moab ay mag-iiyakan nang malakas habang paakyat sila sa Luhit at pababa sa Honoraim. Mag-iiyakan sila dahil sa kapahamakan.

6“Iligtas ninyo ang inyong sarili! Tumakas kayo papuntang ilang. 7Mga taga-Moab, nagtitiwala kayo sa kakayahan at kayamanan ninyo kaya bibihagin kayo pati ang dios-diosan ninyong si Kemosh at ang mga pari at mga pinuno nito.

8“Darating ang manlilipol sa bawat bayan at walang bayan na makakaligtas. Mawawasak ang mga bayan sa lambak at talampas. Mangyayari ito dahil sinabi mismo ng Panginoon. 9May pakpak sana ang Moab para makalipad siya papalayo,
May pakpak … papalayo: o, Lagyan ng asin ang Moab para wala nang tumubong halaman dito.
dahil wala nang kabuluhan ang mga bayan nito at wala nang maninirahan dito.
10Sumpain ang taong pabaya sa paggawa ng gawain ng Panginoon laban sa Moab. Sumpain ang taong hindi papatay sa mga taga-Moab. 11Tahimik ang pamumuhay ng Moab mula pa noon. Hindi pa ito nakaranas ng pagkabihag. Parang alak ito na hindi nagagalaw o naisasalin man sa isang sisidlan. Kaya ang lasa at amoy nitoʼy hindi nagbabago.

12“Pero darating ang araw na isusugo ko ang mga kaaway para ibuhos ang Moab mula sa kanyang lalagyan at pagkatapos ay babasagin ang lalagyan nito. 13At ikakahiya ng mga taga-Moab ang dios-diosan nilang si Kemosh, gaya ng nangyari sa Betel nang ikahiya ng mga Israelita ang dios-diosan nila. 14Ipinagmamalaki ng mga taga-Moab na matatapang ang sundalo nila sa pakikipaglaban. 15Pero mawawasak ang Moab at ang mga bayan nito. Papatayin ang kanilang matatapang na kabataan. Ako, ang Panginoon na Haring Makapangyarihan, ang nagsasabi nito.

16“Malapit na ang kapahamakan ng Moab. 17Umiyak kayo, kayong lahat na kakampi ng Moab!
kakampi ng Moab: o, nakatira sa paligid ng Moab.
Sabihin nʼyo, ‘Wala na ang Moab! Nabali na ang tungkod niya, ang tungkod na sagisag ng kapangyarihan at katanyagan niya.’

18“Kayong mga taga-Dibon, magpakumbaba kayo at maupo sa lupa dahil ang nagwasak sa Moab ay sasalakay din sa inyo at gigibain ang mga lungsod nʼyo na napapalibutan ng mga pader. 19Kayong mga nasa Aroer, tumayo kayo sa tabi ng daan at magbantay. Magtanong kayo sa mga nakatakas kung ano ang nangyari. 20Sasagot sila, ‘Nawasak at napahiya ang Moab. Humiyaw kayo at umiyak. Isigaw nʼyo sa Arnon na nawasak ang Moab.’

21“Parurusahan din ang mga bayan sa talampas: ang Holon, Jaza, Mefaat, 22Dibon, Nebo, Bet Diblataim, 23Kiriataim, Bet Gamul, Bet Meon, 24Keriot at Bozra. Darating na ang parusa sa lahat ng bayan ng Moab, sa malayo at malapit. 25Wala nang kapangyarihan ang Moab at mahina na ito ngayon. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.

26“Lasingin nʼyo ang Moab dahil naghimagsik siya sa akin. Gugulong siya sa sariling suka at magiging katawa-tawa. 27Kayong mga taga-Moab, hindi baʼt kinutya ninyo ang Israel? Bakit, nahuli ba siyang nagnakaw? Bakit iiling-iling pa kayo sa pagkutya nʼyo sa kanya? 28Umalis na kayo sa bayan nʼyo at tumira sa mababatong lugar, na parang mga kalapating nagpupugad sa mga bitak ng matatarik at mababatong lugar. 29Napakayabang ninyo. Narinig ko kung gaano kayo kayabang at kapalalo. 30Ako, ang Panginoon, nalalaman ko kung gaano kayo kayabang, pero iyan ay walang kabuluhan. 31Kaya iiyak ako para sa mga taga-Moab at mga taga-Kir Hareset.
Kir Hareset: o, Kir Heres.
32Iiyak din ako para sa mga taga-Sibna ng higit kaysa sa pag-iyak ko sa mga taga-Jazer. Sibma, para kang halamang ubas na ang mga sanga ay umabot sa kabila ng Dagat na Patay hanggang sa Jazer. Pero ngayon, inubos ng mga maninira ang bunga mo. 33Wala nang maririnig na kasayahan at katuwaan sa mga bukid at mga ubasan sa lupain ng Moab. Hindi na umaagos ang katas ng ubas sa mga pisaan. Wala ng mga pumipisa ng ubas na sumisigaw sa tuwa. May mga sumisigaw nga, pero hindi na sigaw ng tuwa. 34Ang iyakan ng mga taga-Heshbon ay naririnig hanggang sa Eleale at Jahaz. Ang iyakan ng mga taga-Zoar ay naririnig hanggang sa Horonaim at sa Eglat Shelishiya. Sapagkat kahit ang batis ng Nimrim ay tuyo na. 35Patitigilin ko sa Moab ang mga naghahandog sa mga sambahan sa matataas na lugar
sambahan sa matataas na lugar: Tingnan sa Talaan ng mga Salita sa likod.
at nagsusunog ng insenso sa mga dios-diosan nila. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.

36“Kaya umiiyak ang aking puso para sa Moab at sa mga taga-Kir Hareset, gaya ng malungkot na tugtog ng plauta sa patay. Wala na ang mga kayamanang nakamit nila. 37Ang bawat isaʼy nagpahayag ng kalungkutan nila sa pamamagitan ng pagpapakalbo, pag-aahit, pagsugat sa mga kamay nila at pagsusuot ng damit na pangluksa. 38Nag-iiyakan ang mga tao sa mga bahay nila at sa mga plasa, dahil winasak ko ang Moab na parang banga na binasag at wala nang pumapansin. 39Gayon na lamang ang pagkawasak ng Moab! Pakinggan nʼyo ang iyakan ng mga mamamayan. Nakakahiya ang Moab. Kinukutya at kinamumuhian ito ng mga bansa sa palibot nito.”

40Sinabi pa ng Panginoon, “Tingnan nʼyo! Ang kaaway ng Moab ay parang agila na lumilipad para dagitin ito. 41Sasakupin ang mga lungsod
mga lungsod: o, Keriot.
at ang mga kampo ng Moab. Sa mga araw na iyon, matatakot ang mga sundalo ng Moab katulad ng isang babaeng malapit nang manganak.
42Mawawasak ang Moab dahil sa paghihimagsik niya sa Panginoon. 43Ang sasapitin ng mga taga-Moab ay takot, hukay at bitag.

44“Ang sinumang tatakas dahil sa takot ay mahuhulog sa hukay. At ang sinumang makakaligtas sa hukay ay mahuhuli sa bitag, dahil talagang parurusahan ko ang Moab sa takdang panahon. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito. 45Ang mga kawawang nakatakas ay nais magtago sa Heshbon. Pero ang Heshbon na pinagharian ni Haring Sihon ay nagliliyab sa apoy at nilamon pati ang mga kabundukan na pinagtataguan ng mga taga-Moab na ang gusto ay digmaan. 46Hala! Tapos na kayo, kayong mga taga-Moab! Kayong mga sumasamba sa dios-diosang si Kemosh ay bibihagin ang inyong mga anak. 47Pero darating ang araw na ibabalik ko ang mabuting kalagayan ng Moab. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.” Ito ang mensahe tungkol sa Moab.

Copyright information for TglASD