‏ Jeremiah 44

Ang Mensahe ng Panginoon sa mga Israelita na nasa Egipto

1Sinabi ng Panginoon kay Jeremias ang tungkol sa lahat ng Judio na naninirahan sa gawing hilaga ng Egipto sa mga lungsod ng Migdol, Tapanhes, at Memfis pati ang mga naroon sa gawing timog ng Egipto. 2Ito ang sinabi ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, “Nakita ninyo ang kapahamakang pinaranas ko sa Jerusalem at sa lahat ng bayan ng Juda. Wasak na ito ngayon at wala nang naninirahan doon, 3dahil sa kasamaang ginawa ng mga mamamayan nila. Ginalit nila ako sa pagsusunog nila ng mga insenso at pagsamba sa mga dios-diosan na hindi nila kilala o ng mga ninuno nila. 4Palagi kong isinusugo ang mga lingkod ko na mga propeta para bigyan sila ng babala na huwag nilang gagawin ang bagay na iyon na kasuklam-suklam sa akin at kinapopootan ko, 5pero hindi sila nakinig o sumunod sa mga propeta. Hindi sila tumalikod sa kasamaan nila o tumigil sa pagsusunog nila ng mga insenso para sa mga dios-diosan. 6Kaya ibinuhos ko sa kanila ang tindi ng galit ko. Parang apoy ito na tumupok sa mga bayan ng Juda at Jerusalem, at naging malungkot ang mga lugar na ito at wasak hanggang ngayon.

7“Kaya ako, ang Panginoong Dios na Makapangyarihan, ang Dios ng Israel ay nagtatanong, ‘Bakit ninyo sinisira ang inyong sarili? Gusto ba ninyo na malipol ang mga tao sa Juda – ang mga lalaki, babae, bata at mga sanggol? 8Bakit ninyo ako ginagalit sa paggawa ninyo ng inyong mga dios? Nagsusunog pa kayo ng mga insenso para sa mga ito dito sa Egipto kung saan kayo ngayon naninirahan. Ipinapahamak ninyo ang sarili ninyo at ginagawa ninyong kasuklam-suklam at kahiya-hiya sa lahat ng bansa sa daigdig. 9Nakalimutan na ba ninyo ang mga kasamaang ginawa ng inyong mga ninuno, mga hari, mga reyna ng Juda, ang mga kasamaang ginawa ninyo at ng inyong mga asawa sa lupain ng Juda at Jerusalem? 10Hanggang ngayoʼy hindi pa rin kayo nagpapakumbaba o natatakot sa akin. Hindi rin kayo sumunod sa mga kautusan at mga tuntunin ko na ibinigay sa inyo at sa mga ninuno ninyo.’

11“Kaya ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel ay handa na para ipahamak kayo at lipulin ang buong Juda. 12Kayong mga natitirang buhay sa Juda na nagpumilit pumunta rito sa Egipto, mamamatay kayong lahat mula sa pinakaaba hanggang sa pinakadakila. Mamamatay kayo rito sa digmaan o sa gutom. Susumpain, kasusuklaman, mamasamain, at kukutyain kayo. 13Gagawin ko sa inyo rito sa Egipto ang ginawa ko sa Jerusalem. Parurusahan ko rin kayo sa pamamagitan ng digmaan, gutom at sakit. 14Mamamatay kayong lahat, kayong mga natirang buhay sa Juda at tumira rito sa Egipto. Hindi na kayo makakabalik sa Juda kahit gusto ninyong bumalik at manirahan doon. Walang makakabalik sa inyo maliban sa iilan na makakatakas.”

15Napakaraming Judio ang nagtipon at nakinig kay Jeremias. Nakatira sila sa hilaga at timog ng Egipto. Ang mga lalaking naroroon at nakakaalam na ang asawa nilaʼy nagsusunog ng mga insenso sa mga dios-diosan, at ang lahat ng babaeng nagtitipon doon ay nagsabi kay Jeremias, 16“Hindi kami maniniwala sa mga sinasabi mo sa amin sa pangalan ng Panginoon! 17Gagawin namin ang lahat ng nais naming gawin: Magsusunog kami ng mga insenso sa aming diosa na ‘Reyna ng Langit’! At maghahandog kami sa kanya ng mga handog na inumin gaya ng ginawa namin sa mga bayan ng Juda at lansangan ng Jerusalem. Ito rin ang ginawa ng aming mga ninuno at ng aming mga hari at mga pinuno. Mabuti ang kalagayan namin noon; marami kaming pagkain, at walang masamang nangyayari sa amin. 18Pero nang tumigil kami sa pagsusunog ng insenso sa Reyna ng Langit at hindi na kami nag-alay sa kanya ng mga handog na inumin, naghirap kami at marami ang namatay sa digmaan at gutom.”

19Sinabi rin ng mga babae, “Alam ng mga asawa namin kapag magsusunog kami ng mga insenso para sa Reyna ng Langit at mag-aalay ng mga handog na inumin, at magluluto ng tinapay na katulad ng larawan niya.”

20Kaya sinabi ni Jeremias ang ganito sa mga nangangatwiran sa kanya, 21“Akala ba ninyoʼy hindi alam ng Panginoon na kayo at ang inyong mga ninuno, ang inyong mga hari at mga pinuno, at ang lahat ng mamamayan ay nagsunog ng insenso sa mga dios-diosan sa mga bayan ng Juda at sa mga lansangan ng Jerusalem? 22At nang hindi na matiis ng Panginoon ang mga kasamaan at kasuklam-suklam ninyong gawa, winasak niya ang lupain ninyo at naging kasumpa-sumpa at malungkot dahil wala nang nakatira, katulad ng nangyari ngayon. 23Nangyari ang kapahamakang ito sa inyo dahil nagsunog kayo ng mga insenso sa mga dios-diosan at nagkasala sa Panginoon. Hindi kayo sumunod sa mga kautusan, mga tuntunin at mga katuruan niya.”

24Sinabi pa ni Jeremias sa mga tao, “Pakinggan ninyo ang mensahe ng Panginoon, kayong mga taga-Juda na nakatira rito sa Egipto. 25Ito ang sinabi ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, ‘Talagang sinunod ninyo at ng inyong mga asawa ang ipinangako ninyong pagsusunog ng insenso at pag-aalay ng handog na inumin sa Reyna ng Langit. Sige, ipagpatuloy ninyo ang inyong ginagawa. Tuparin ninyo ang inyong ipinangako. 26Pero makinig kayo sa sasabihin ko, kayong mga taga-Juda na nakatira sa Egipto. Isinusumpa ko sa sarili ko na mula ngayoʼy wala nang babanggit sa inyo ng pangalan ko. Hindi ko na papayagang gamitin ninyo ang pangalan ko sa inyong panunumpa katulad nito, “Sumusumpa ako sa pangalan ng buhay na Panginoong Dios.” 27Sapagkat sa halip na ingatan ko kayo para sa ikabubuti ninyo, ipapahamak ko kayo. Mamamatay kayo rito sa Egipto sa digmaan o gutom hanggang sa maubos kayong lahat. 28Kung mayroon mang matitira sa digmaan at makakabalik sa Juda ay kakaunti lamang. Dahil dito, malalaman ng mga natitira na naninirahan ngayon dito sa Egipto kung kaninong salita ang masusunod – ang sa kanila o ang sa akin. 29Ito ang tanda na parurusahan ko kayo sa lugar na ito para malaman ninyo na talagang matutupad ang kapahamakang sinabi ko laban sa inyo: 30Ibibigay ko si Faraon Hofra na hari ng Egipto sa mga kaaway niya na nais pumatay sa kanya katulad ng ginawa ko kay Zedekia ng Juda sa kaaway niyang si Haring Nebucadnezar ng Babilonia na nais ding pumatay sa kanya. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.’ ”

Copyright information for TglASD