‏ Jeremiah 42

Hiniling ng mga Tao na Ipanalangin Sila ni Jeremias

1Pagkatapos, lumapit kay Jeremias sina Johanan na anak ni Karea, Azaria na anak ni Hosaya, ang kasama nilang opisyal ng mga sundalo, at ang lahat ng mamamayan mula sa pinakaaba hanggang sa pinakadakila. 2Sinabi nila kay Jeremias, “Nakikiusap kami sa iyo, kaming mga natitira, na ipanalangin mo kami sa Panginoon na iyong Dios. Marami kami noon, pero ngayon kakaunti na lang katulad ng nakikita mo. 3Manalangin ka sa Panginoon na iyong Dios para sabihin niya sa amin kung saan kami pupunta at ano ang dapat naming gawin.” 4Sinabi ni Jeremias, “Sige, mananalangin ako sa Panginoon na inyong Dios para sa kahilingan nʼyo, at sasabihin ko sa inyo kung ano ang sinabi niya. Wala akong ililihim sa inyo.”

5Sinabi pa nila kay Jeremias, “Ang Panginoon na iyong Dios ang tunay at tapat nating saksi, kung hindi namin gagawin ang lahat ng sasabihin niya sa pamamagitan mo. 6Magustuhan man namin o hindi, bastaʼt susundin namin ang sasabihin ng Panginoon naming Dios, para maging mabuti ang lahat para sa amin.”

7Pagkalipas ng sampung araw, nagsalita ang Panginoon kay Jeremias. 8Kaya pinatawag ni Jeremias si Johanan na anak ni Karea at ang lahat ng kasama niyang opisyal ng mga sundalo, pati ang lahat ng mamamayan mula sa pinakaaba hanggang sa pinakadakila. 9At sinabi ni Jeremias sa kanila, “Hiniling ninyo na manalangin ako sa Panginoon, ang Dios ng Israel, at ito ang sagot niya: 10Kung mananatili kayo sa lupaing ito, ibabangon ko kayo at muling itatayo at hindi na ipapahamak. Sapagkat totoong nalungkot ako sa kapahamakang ipinaranas ko sa inyo. 11Huwag na kayong matakot sa hari ng Babilonia dahil kasama ninyo ako at ililigtas ko kayo sa mga kamay niya. 12Kahahabagan ko kayo. Gagawa ako ng paraan para kahabagan niya kayo at payagang manatili sa inyong lupain.

13“Pero kung ayaw ninyong sundin ang Panginoon na inyong Dios, at sasabihin ninyo, ‘Hindi kami mananatili sa lupaing ito. 14Pupunta kami sa Egipto at doon maninirahan dahil doon ay walang digmaan o taggutom.’ 15Ito ang sasabihin sa inyo ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, ‘Kayong mga natitirang taga-Juda, kung nagpasya kayong pumunta sa Egipto at doon manirahan, 16ang digmaan at taggutom na inyong kinatatakutan ay susunod sa inyo, at doon kayo mamamatay. 17Ang lahat ng may nais manirahan sa Egipto ay mamamatay sa digmaan, gutom at sakit. Walang sinuman sa kanila ang makakaligtas o makakatakas sa kapahamakang ipaparanas ko sa kanila.’

18“Ito pa ang sinabi ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, ‘Kung paano ko ipinadama sa mga taga-Jerusalem ang tindi ng galit ko, ipadarama ko rin sa inyo ang galit ko kung pupunta kayo sa Egipto. Susumpain at kasusuklaman kayo ng mga tao. Kukutyain nila kayo at ituturing na masama, at hindi na kayo makakabalik pa sa lupaing ito.’

19“Kayong mga natitirang taga-Juda, sinasabi ng Panginoon na huwag kayong pupunta sa Egipto. Tandaan nʼyo ang mga babalang ito na sinabi ko sa inyo ngayon. 20Hindi mabuti ang ginawa ninyo. Hiniling ninyo sa akin na lumapit sa Panginoon na inyong Dios at manalangin para sa inyo at sinabing gagawin ninyo ang lahat ng sasabihin niya. 21Pero ngayong sinabi ko sa inyo ang ipinapasabi niya, ayaw naman ninyong sundin. 22Kaya tinitiyak ko sa inyo na mamamatay kayo sa digmaan, taggutom at sakit sa Egipto, sa lugar kung saan nais ninyong manirahan.”

Copyright information for TglASD