‏ Jeremiah 41

Pinatay si Gedalia

1Si Ishmael ay anak ni Netania at apo ni Elishama. Kabilang siya sa sambahayan ng hari at isa sa mga pinuno ng hari noon. Nang ikapitong buwan ng taong iyon, pumunta si Ishmael kasama ang sampung tauhan niya kay Gedalia na anak ni Ahikam sa Mizpa. At habang kumakain sila, 2tumayo si Ishmael na anak ni Netania at ang sampung kasama niya at pinatay nila si Gedalia na anak ni Ahikam at apo ni Shafan sa pamamagitan ng espada. Kaya napatay ang pinili ng hari ng Babilonia bilang gobernador sa buong lupain. 3Pinatay din ni Ishmael at ng mga tauhan niya ang lahat ng pinuno ng mga Judio roon sa Mizpa, pati ang mga sundalo na taga-Babilonia.

4Kinaumagahan, bago pa malaman ng sinuman na si Gedalia ay pinatay, 5may 80 lalaking papunta sa Mizpa mula sa Shekem, Shilo, at Samaria. Inahit nila ang mga balbas nila, pinunit ang kanilang mga damit at sinugatan ang mga katawan nila para ipakitang nagluluksa sila. May mga dala silang handog para parangalan ang Panginoon at mga insenso para ihandog sa templo ng Panginoon. 6Sinalubong sila ni Ishmael na umiiyak mula sa Mizpa. Sinabi niya, “Tingnan ninyo ang nangyari kay Gedalia.”

7Pagdating nila sa lungsod, ang 70 sa kanila ay pinatay ni Ishmael at ng mga kasamahan niya. At pagkatapos, inihulog nila ang bangkay ng mga ito sa balon. 8Ang sampu naman ay hindi nila pinatay dahil sinabi nila kay Ishmael, “Huwag mo kaming patayin! Ibibigay namin sa iyo ang mga trigo, sebada, langis at pulot namin na nakatago sa bukid.” 9Ang balon na pinaghulugan ni Ishmael ng mga bangkay ng mga taong pinatay niya, pati na ang bangkay ni Gedalia ay pag-aari ni Haring Asa. Ipinahukay niya ito noong sinalakay sila ni Haring Baasha ng Israel. Ang balon na itoʼy napuno ni Ishmael ng mga bangkay.

10Pagkatapos, binihag ni Ishmael ang mga taong natitira sa Mizpa – ang mga anak na babae ng hari at ang mga taong ipinagkatiwala ni Nebuzaradan kay Gedalia para alagaan. Pagkatapos, bumalik si Ishmael sa Ammon na dala ang mga bihag.

11Nabalitaan ni Johanan na anak ni Karea at ng mga kasama niyang opisyal ng mga sundalo ang masamang ginawa ni Ishmael na anak ni Netania. 12Kaya tinipon nila ang mga tauhan nila at hinabol ang anak ni Netania na si Ishmael para labanan. Inabutan nila ito sa malawak na imbakan ng tubig sa Gibeon. 13Nang makita ng mga bihag ni Ishmael si Johanan at ang mga kasama niyang opisyal, tuwang-tuwa sila. 14Silang lahat na bihag ni Ishmael mula sa Mizpa ay nagtakbuhan patungo kay Johanan. 15Pero tumakas sa Ammon ang anak ni Netania na si Ishmael at ang walo niyang kasama.

16Tinipon ni Johanan at ng mga pinunong kasama niya ang lahat ng bihag ni Ishmael mula sa Mizpa, kabilang dito ang mga kawal, babae, bata at ang mga pinuno sa palasyo na mula sa Gibeon. At mula sa Gibeon, 17pumunta sila sa Gerut Kimham malapit sa Betlehem at tumuloy sa Egipto. 18Sapagkat natatakot sila sa mga taga-Babilonia dahil pinatay ni Ishmael si Gedalia na pinili ng hari ng Babilonia bilang gobernador sa buong lupain.

Copyright information for TglASD