Jeremiah 4
1Sinabi ng Panginoon, “O Israel, kung talagang gusto mong magbalik sa akin, bumalik ka na. Kung itatakwil mo ang kasuklam-suklam mong mga dios-diosan at hindi ka na hihiwalay sa akin, 2at kung susumpa ka sa pangalan ko lamang at mamumuhay nang tapat, matuwid at tama, magiging pagpapala ka sa mga bansa at pararangalan nila ako.”3Sinabi ng Panginoon sa mga taga-Juda at taga-Jerusalem, “Baguhin nʼyo ang inyong mga sarili na para bang nagbubungkal kayo ng inyong lupa na hindi pa nabubungkal. At huwag nʼyong ihasik ang mabuti nʼyong binhi sa mga damong matinik. 4Linisin nʼyo ang inyong mga puso sa presensya ng Panginoon, kayong mga taga-Juda at taga-Jerusalem, dahil kung hindi ay mararanasan nʼyo ang galit kong parang apoy na hindi namamatay dahil sa ginawa nʼyong kasamaan.
Ang Parusang Darating sa Juda
5“Sabihin mo sa Juda at Jerusalem na patunugin nila ang trumpeta sa buong lupain. Isigaw nang malinaw at malakas na tumakas sila at magtago sa mga napapaderang lungsod. 6Balaan mo ang mga taga-Jerusalem ▼▼Jerusalem: sa Hebreo, Zion.
na tumakas agad sila dahil magpapadala ako ng kapahamakan mula sa hilaga.” 7Ang tagapagwasak na sasalakay sa mga bansa ay parang leon na lumabas sa pinagtataguan nito. Nakaalis na siya sa lugar niya para wasakin ang lupain ninyo. Magigiba ang mga bayan ninyo hanggang sa hindi na ito matirhan. 8Kaya isuot nʼyo na ang damit na panluksa ▼
▼damit na panluksa: sa literal, sakong damit.
at umiyak dahil matindi pa rin ang galit ng Panginoon sa atin. 9Sinabi ng Panginoon, “Sa araw na iyon, maduduwag ang hari at ang mga pinuno niya, masisindak ang mga pari, at mangingilabot ang mga propeta.” 10Pagkatapos, sinabi ko, “Panginoong Dios, nalinlang po ang mga tao sa sinabi nʼyo noon, dahil nangako po kayo na mananatiling payapa ang Jerusalem. Pero ang espada pala ay nakahanda nang pumatay sa amin.” 11Darating ang araw na sasabihin ng Panginoon sa mga taga-Jerusalem, “Iihip ang mainit na hangin mula sa ilang patungo sa mga mamamayan ko, pero hindi ito para mapahanginan ang mga trigo nila. 12Ang malakas na hangin na itoʼy galing sa akin. Sasabihin ko ngayon ang parusa ko sa kanila.”
13Tingnan nʼyo! Dumarating ang kaaway natin na parang mga ulap. Ang mga karwahe niyaʼy parang ipu-ipo at ang mga kabayo niyaʼy mas mabilis kaysa sa mga agila. Nakakaawa tayo! Ito na ang ating katapusan!
14“Mga taga-Jerusalem, linisin ninyo ang kasamaan sa inyong puso para maligtas kayo. Hanggang kailan kayo mag-iisip ng masama? 15Ang kapahamakan ninyoʼy ibinalita na ng mga mensahero mula sa Dan at sa kabundukan ng Efraim. 16Inutusan silang bigyan ng babala ang mga bansa at ang Jerusalem na may mga sundalong sumasalakay mula sa malayong lugar na humahamon ng digmaan sa mga lungsod ng Juda. 17Pinaligiran nila ang Jerusalem na parang mga taong nagbabantay ng bukid, dahil ang Jerusalem ay naghimagsik sa akin. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito. 18Ang pag-uugali at masasama nʼyong gawa ang nagdala ng parusang ito sa inyo. Ito ang kaparusahan ninyo. Masakit ito! At tatagos ito sa inyong puso.”
Umiyak si Jeremias para sa Kanyang mga Kababayan
19“Ang sakit sa puso koʼy halos hindi ko na matiis at ganoon na lamang ang pagdaing ko. Kumakabog ang dibdib ko at hindi ako mapalagay. Sapagkat narinig ko ang tunog ng trumpeta at ang sigaw ng digmaan. 20Sunud-sunod na dumating ang kapahamakan. Ang buong lupain ay nawasak. Pati ang tolda koʼy agad na nagiba at napunit ang mga tabing. 21Hanggang kailan ko kaya makikita ang watawat ng digmaan at ang tunog ng trumpeta?”22 Sinabi ng Panginoon, “Hangal ang mga mamamayan ko; hindi nila ako nakikilala. Silaʼy mga mangmang na kabataan at hindi nakakaunawa. Sanay silang gumawa ng masama pero hindi marunong gumawa ng mabuti.”
Ang Pangitain ni Jeremias tungkol sa Darating na Kapahamakan
23Tiningnan ko ang lupain at nakita kong itoʼy wala nang anyo at wala nang laman. At nakita ko ring ang langit ay wala nang liwanag. 24Nakita ko ang mga bundok at mga burol na niyayanig. 25Nakita ko rin na walang tao at lumilipad ang mga ibon papalayo. 26Nakita ko na ang masaganang bukirin ay naging ilang. Nawasak ang lahat ng bayan dahil sa matinding galit ng Panginoon. 27Ito ang sinasabi ng Panginoon, “Ang buong lupain ay magigiba, pero hindi ko ito gigibaing lubos. 28Iiyak ang sanlibutan at magdidilim ang langit, dahil sinabi ko na ang kaparusahan at hindi ko na ito babaguhin. Nakapagpasya na ako at hindi na magbabago ang isip ko.”29Sa ingay ng mga nangangabayo at mamamana, tumakas na sa takot ang mga mamamayan ng bawat bayan. Ang iba ay tumakas sa kagubatan at ang iba ay umakyat sa batuhan. Ang lahat ng bayan ay iniwanan at walang natirang naninirahan sa mga ito. 30Jerusalem malapit ka nang mawasak. Ano ang ginagawa mo? Bakit nakadamit ka pa ng magandang damit at mga alahas? Bakit naglalagay ka pa ng mga kolorete sa mga mata mo? Wala nang kabuluhan ang pagpapaganda mo. Itinakwil ka na ng iyong mga minamahal na kakamping bansa at gusto ka na nilang patayin.
31Narinig ko ang pag-iyak at pagdaing, na parang babaeng nanganganak sa kanyang panganay. Iyak ito ng mga mamamayan ng Jerusalem ▼
▼mga mamamayan ng Jerusalem: sa literal, anak na babae ng Zion.
na parang hinahabol ang kanilang hininga. Itinataas nila ang kanilang mga kamay at nagsasabing, “Kawawa naman kami; at parang hihimatayin na, sapagkat nariyan na ang aming mga kaaway na papatay sa amin.”
Copyright information for
TglASD