Jeremiah 37
Ipinatawag ni Zedekia si Jeremias
1Si Zedekia na anak ni Josia ay ginawang hari ng Juda ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia. Siya ang ipinalit kay Jehoyakin na anak ni Jehoyakim. 2Pero si Zedekia at ang mga pinuno niya pati ang mga taong pinamamahalaan nila ay hindi rin nakinig sa mensahe ng Panginoon sa pamamagitan ni Jeremias.3Ngayon, inutusan ni Haring Zedekia si Jehucal na anak ni Shelemia at ang paring si Zefanias na anak ni Maaseya na puntahan si Jeremias at hilingin na ipanalangin sila sa Panginoon na kanilang Dios. 4Nang panahong iyon, hindi pa nabibilanggo si Jeremias, kaya malaya pa siyang pumunta kahit saan. 5Nang araw ding iyon, sumasalakay ang mga taga-Babilonia sa Jerusalem, pero nang marinig nilang dumarating ang mga sundalo ng Faraon, ▼
▼Faraon: Ang ibig sabihin, hari ng Egipto.
tumigil sila sa pagsalakay sa Jerusalem. 6– 7Pagkatapos, sinabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel, kay Jeremias, “Sabihin mo kay Haring Zedekia ng Juda na nag-utos para magtanong sa iyo kung ano ang sinabi kong mangyayari, ‘Dumating ang mga sundalo ng Faraon para tulungan ka, pero babalik sila sa Egipto. 8Pagkatapos, muling babalik ang mga taga-Babilonia sa lungsod na ito. Sasakupin nila ito at pagkatapos ay susunugin.’ ” 9Ito pa ang sinabi ng Panginoon, “Huwag ninyong dayain ang inyong sarili sa pag-aakalang hindi na babalik ang mga taga-Babilonia. Sapagkat tiyak na babalik sila. 10Kahit na matalo nʼyo pa ang buong hukbo ng Babilonia na sumasalakay sa inyo, at ang matitira sa kanila ay ang mga sugatan sa kanilang kampo, sasalakay pa rin sila sa inyo at susunugin nila ang lungsod na ito.”
Ikinulong si Jeremias
11Nang tumakas ang mga sundalo ng Babilonia mula sa Jerusalem dahil sa hukbo ng Faraon, 12umalis si Jeremias sa Jerusalem at pumunta sa lupain ni Benjamin para kunin ang bahagi ng lupain niya na ipinamahagi sa kanyang pamilya. 13Pero nang dumating siya sa Pintuang bayan ng Benjamin, hinuli siya ng kapitan ng mga guwardya na si Iria na anak ni Shelemia at apo ni Hanania. Sinabi sa kanya ng kapitan, “Kakampi ka ng mga taga-Babilonia.” 14Sumagot si Jeremias, “Hindi totoo iyan! Hindi ako kakampi ng mga taga-Babilonia.” Pero ayaw maniwala ni Iria, kaya hinuli niya si Jeremias at dinala sa mga pinuno. 15Nagalit sila kay Jeremias, ipinapalo nila siya at ipinakulong doon sa bahay ni Jonatan na kalihim. Ang bahay na itoʼy ginawa nilang bilangguan. 16Ipinasok nila si Jeremias sa isang selda sa ilalim ng lupa at nanatili siya roon ng matagal.17Kinalaunan, ipinakuha ni Haring Zedekia si Jeremias at dinala sa palasyo. Palihim niya itong tinanong, “May mensahe ka ba mula sa Panginoon?” Sumagot si Jeremias, “Mayroon! Ibibigay ka sa hari ng Babilonia.”
18Pagkatapos, nagtanong si Jeremias sa hari, “Ano ang nagawa kong kasalanan sa inyo, o sa mga pinuno nʼyo o sa taong-bayan at ipinakulong nʼyo ako? 19Nasaan na ang mga propeta nʼyo na nanghulang hindi sasalakayin ng hari ng Babilonia ang lungsod na ito? 20Pero ngayon, Mahal na Hari, kung maaari po ay pakinggan naman ninyo ako. Nakikiusap ako na huwag nʼyo na po akong ibalik doon sa bahay ni Jonatan na kalihim dahil mamamatay ako roon.”
21Kaya nag-utos si Haring Zedekia na dalhin si Jeremias doon sa himpilan ng mga guwardya ng palasyo. Nag-utos din siyang bigyan ng tinapay si Jeremias bawat araw habang may natitira pang tinapay sa lungsod. Kaya nanatiling nakakulong si Jeremias sa himpilan ng mga guwardya.
Copyright information for
TglASD