‏ Jeremiah 36

Binasa ni Baruc ang Pahayag ng Panginoon

1Noong ikaapat na taon ng paghahari ni Jehoyakim na anak ni Haring Josia ng Juda, sinabi ng Panginoon kay Jeremias, 2“Kumuha ka ng masusulatan at isulat mo ang lahat ng sinabi ko sa iyo tungkol sa Israel, Juda, at sa lahat ng bansa. Isulat mo ang lahat ng sinabi ko, mula nang una kitang kausapin sa panahon ni Haring Josia hanggang ngayon. 3Baka sakaling magsisi ang mga mamamayan ng Juda kapag narinig nila ang kapahamakang binabalak kong gawin sa kanila at talikuran nila ang masasama nilang ugali. At kapag nangyari ito, patatawarin ko sila sa mga kasamaan at kasalanan nila.”

4Kaya ipinatawag ni Jeremias si Baruc na anak ni Neria at idinikta sa kanya ang lahat ng sinabi ng Panginoon, at isinulat naman ni Baruc sa nakarolyong sulatan. 5Pagkatapos, sinabi ni Jeremias kay Baruc, “Pinagbabawalan akong pumunta sa templo ng Panginoon. 6Kaya ikaw na lang ang pumunta roon sa araw ng pag-aayuno. Magtitipon doon ang mga mamamayan ng Juda galing sa bayan nila. Basahin mo sa kanila ang sinasabi ng Panginoon sa kasulatang ito na isinalaysay ko sa iyo. 7Baka sakaling sa pamamagitan nitoʼy lumapit sila sa Panginoon at talikuran nila ang masasama nilang pag-uugali. Sapagkat binigyan na sila ng babala ng Panginoon na silaʼy parurusahan niya dahil sa matindi niyang galit sa kanila.”

8Ginawa ni Baruc ang iniutos sa kanya ni Jeremias. Binasa nga niya roon sa templo ang ipinapasabi ng Panginoon. 9Nangyari ito noong araw ng pag-aayuno sa presensya ng Panginoon, nang ikasiyam na buwan nang ikalimang taon ng paghahari ni Jehoyakim na anak ni Haring Josia ng Juda. Nagtipon sa templo ang mga mamamayan ng Jerusalem at ng mga bayan ng Juda. 10Binasa ni Baruc ang mga sinabi ni Jeremias na nakasulat sa nakarolyong sulatan sa templo malapit sa silid ni Gemaria na kalihim na anak ni Shafan. Ang silid ni Gemaria ay nasa itaas ng bulwagan ng templo, malapit sa dinadaanan sa Bagong Pintuan. 11Nang marinig ni Micaya na anak ni Gemaria at apo ni Shafan ang mensahe ng Panginoon na binasa ni Baruc, 12pumunta siya sa palasyo, doon sa silid ng kalihim, kung saan nagtitipon ang lahat ng mga pinuno. Naroon sina Elishama na kalihim, si Delaya na anak ni Shemaya, si Elnatan na anak ni Acbor, si Gemaria na anak ni Shafan, si Zedekia na anak ni Hanania, at ang iba pang mga pinuno. 13Isinalaysay ni Micaya ang lahat ng narinig niya sa binasa ni Baruc sa mga tao. 14Kaya inutusan agad ng mga pinuno si Jehudi na anak ni Netanias at apo ni Shelemia, at apo sa tuhod ni Cushi na puntahan si Baruc at sabihing dalhin niya ang nakarolyong kasulatan na binasa niya sa mga tao, at pumunta sa kanila. Kaya pumunta si Baruc na dala ang kasulatang iyon.

15Pagdating ni Baruc, sinabi ng mga pinuno, “Maupo ka at basahin mo sa amin ang kasulatan.” Kaya binasa naman ni Baruc ang kasulatan sa kanila. 16Nang marinig nila ang lahat ng nakasulat doon, nagtinginan sila sa takot at sinabi nila kay Baruc, “Kailangan natin itong sabihin sa hari.” 17Tinanong nila si Baruc, “Sabihin mo sa amin, paano mo naisulat ang lahat ng ito? Sinabi ba ito sa iyo ni Jeremias?”

18Sumagot si Baruc, “Oo, sinabi sa akin ni Jeremias ang bawat salita sa nakarolyong ito at isinulat ko naman sa pamamagitan ng tinta.” 19Sinabi ng mga pinuno kay Baruc, “Magtago na kayo ni Jeremias at huwag ninyong ipaalam kaninuman kung nasaan kayo.”

20Inilagay ng mga pinuno ang kasulatang iyon doon sa silid ni Elishama na kalihim at pumunta sila sa hari roon sa bulwagan ng palasyo, at sinabi nila sa kanya ang lahat. 21Kaya inutusan ng hari si Jehudi na kunin ang kasulatan. Kinuha ito ni Jehudi sa silid ni Elishama at binasa sa hari at sa lahat ng pinuno na nakatayo sa tabi niya. 22Taglamig noon kaya ang hari ay nasa silid niyang pangtaglamig at nakaupo siya malapit sa apoy. 23Sa bawat mababasa ni Jehudi na tatlo o apat na hanay, pinuputol ng hari ang bahaging iyon sa pamamagitan ng kanyang kutsilyo at itinatapon niya sa apoy hanggang sa masunog ang lahat ng kasulatan. 24Hindi natakot ang hari at ang lahat ng pinuno niya sa narinig nila na isinasaad ng kasulatan. Ni hindi nila pinunit ang damit nila tanda ng pagdadalamhati. 25Bagamaʼt nakiusap sina Elnatan, Delaya at Gemaria sa hari na kung maaari ay huwag sunugin ang kasulatan, hindi rin nakinig ang hari. 26Sa halip, inutusan niya sina Jerameel na kanyang anak, Seraya na anak ni Azriel, at Shelemia na anak ni Abdeel na hulihin sina Baruc na kalihim at Propeta Jeremias. Pero itinago sila ng Panginoon.

27Nang masunog ng hari ang nakarolyong kasulatan na ipinasulat ni Jeremias kay Baruc, sinabi ng Panginoon kay Jeremias, 28“Muli kang kumuha ng nakarolyong sulatan at muli mong isulat ang lahat ng nakasulat sa unang kasulatan na sinunog ni Haring Jehoyakim ng Juda. 29Pagkatapos, sabihin mo sa hari na ito ang sinasabi ko, ‘Sinunog mo ang nakarolyong kasulatan dahil sinasabi roon na wawasakin ng hari ng Babilonia ang lupaing ito, at papatayin ang mga tao at mga hayop. 30Kaya ito ang sasabihin ko tungkol sa iyo, Haring Jehoyakim ng Juda: Wala kang angkan na maghahari sa kaharian ni David. Ikaw ay papatayin, at ang bangkay moʼy itatapon lang at mabibilad sa init ng araw at hahamugan naman pagsapit ng gabi. 31Parurusahan kita at ang mga anak mo, pati ang mga pinuno mo dahil sa kasamaan ninyo. Ipaparanas ko sa inyo, at sa mga taga-Jerusalem at taga-Juda ang lahat ng kapahamakang sinabi ko laban sa inyo dahil sa hindi kayo nakinig sa akin.’ ”

32Kaya muling kumuha si Jeremias ng nakarolyong sulatan at ibinigay kay Baruc, at isinulat ni Baruc ang lahat ng sinabi ni Jeremias, katulad ng ginawa niya sa unang nakarolyong kasulatan na sinunog ni Haring Jehoyakim ng Juda. Pero may mga idinagdag si Jeremias sa kasulatang ito na halos katulad ng unang isinulat.

Copyright information for TglASD