‏ Jeremiah 35

Ang mga Recabita

1Noong si Jehoyakim na anak ni Josia ang hari sa Juda, sinabi ng Panginoon kay Jeremias, 2“Pumunta ka sa sambahayan ng mga Recabita at sabihin mo sa kanilang pumunta sila sa isa sa mga silid ng templo at painumin mo sila ng alak.”

3Kaya pinuntahan ko si Jaazania (anak siya ng isa ring nagngangalang Jeremias na anak ni Habazinia) at ang lahat ng kapatid at anak niya. Sila ang buong sambahayan ng mga Recabita. 4Dinala ko sila sa templo ng Panginoon, doon sa silid ng mga anak na lalaki ni Hanan na anak ni Igdalia na lingkod ng Dios. Ang silid na ito ay nasa tapat ng silid ng mga pinuno at nasa itaas ng silid ni Maaseya na anak ni Shalum, na guwardya ng pintuan ng templo. 5Pagkatapos, naglagay ako ng mga lalagyang puno ng alak at mga tasa sa harap ng mga Recabita, at sinabi kong magsiinom sila.

6Pero sumagot sila, “Hindi kami umiinom ng alak. Iniutos sa amin ng ninuno naming si Jonadab na anak ng pinuno naming si Recab na kami at ang angkan namin ay hindi iinom ng alak. 7Iniutos din niya sa amin, ‘Huwag kayong magtatayo ng mga bahay o magsasaka o magtatanim ng mga ubas o magmamay-ari ng mga bagay na ito. Kinakailangang tumira lang kayo sa mga tolda. At kung susundin ninyo ito, hahaba ang buhay ninyo kahit saang lupain kayo tumira.’ 8Sinunod namin ang mga iniutos sa amin ng aming ninunong si Jonadab. Kami at ang mga asawaʼt mga anak namin ay hindi uminom ng alak, 9hindi rin kami nagtayo ng mga bahay, at hindi rin kami nagkaroon ng mga ubasan, o ng mga bukid. 10Tumira kami sa mga tolda at sinunod namin ang lahat ng itinuro sa amin ni Jonadab na ninuno namin. 11Pero nang sumalakay si Haring Nebucadnezar ng Babilonia sa bansang ito, natakot kami sa mga sundalo ng Babilonia at ng Aram,
Aram: o, Syria.
kaya nagpasya kaming tumakas at pumunta sa Jerusalem. Ito ang dahilan kaya nakatira kami dito sa Jerusalem.”

12 13Sinabi pa ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, kay Jeremias, “Pumunta ka sa mga mamamayan ng Juda at Jerusalem, at sabihin ito: Bakit ayaw ninyong makinig sa mga itinuturo ko at ayaw ninyong sundin ang mga salita ko? 14Si Jonadab na anak ni Recab ay nag-utos sa mga angkan niya na hindi sila iinom ng alak, at sinunod nila ito. Hanggang ngayon hindi sila umiinom ng alak dahil sinusunod nila ang utos ng kanilang ninuno. Pero hindi kayo sumunod sa akin kahit ilang beses na akong nagsabi sa inyo 15sa pamamagitan ng mga lingkod kong propeta. Sinabi nila sa inyo, ‘Talikuran na ninyo ang inyong masasamang ugali, baguhin na ninyo ang inyong pamumuhay, at huwag na kayong sumamba sa mga dios-diosan, para patuloy kayong manirahan sa lupaing ibinigay ko sa inyo at sa mga ninuno ninyo.’ Pero hindi kayo naniwala o sumunod sa akin. 16Sumunod sa utos ni Jonadab ang mga angkan niyang anak ni Recab. Pero kayoʼy hindi sumunod sa akin. 17Kaya ako, ang Panginoong Dios na Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, ay nagsasabi: ‘Makinig kayo! Kayong mga taga-Juda at taga-Jerusalem. Pasasapitin ko sa inyo ang kapahamakang sinabi ko laban sa inyo. Nakipag-usap ako sa inyo pero hindi kayo nakinig, tumawag ako sa inyo pero hindi kayo sumagot.’ ”

18Pagkatapos, sinabi ni Jeremias sa mga Recabita ang sinabi ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, “Talagang sinusunod nʼyo ang lahat ng iniutos sa inyo ng ninuno nʼyong si Jonadab, 19kaya nangako akong si Jonadab na anak ni Recab ay hindi mawawalan ng angkan na maglilingkod sa akin. Ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, ang nagsasabi nito.”

Copyright information for TglASD