‏ Jeremiah 32

Bumili ng Bukid si Jeremias

1Ang Panginoon ay nagsalita kay Jeremias noong ikasampung taon ng paghahari ni Zedekia sa Juda, nang ika-18 taon ng paghahari ni Nebucadnezar sa Babilonia. 2Nang panahong iyon, kinukubkob ang Jerusalem ng mga sundalo ng Babilonia, at si Propeta Jeremias ay nakakulong sa bilangguan sa himpilan ng mga guwardya sa palasyo ng hari ng Juda. 3Ikinulong siya roon ni Haring Zedekia dahil sa kanyang ipinahayag. Sapagkat sinasabi ni Jeremias, “Ito ang sinasabi ng Panginoon: Ibibigay ko ang lungsod na ito sa hari ng Babilonia at sasakupin niya ito. 4Si Haring Zedekia ay hindi makakaligtas sa mga taga-Babilonia,
taga-Babilonia: sa literal, Caldeo. Ganito rin sa talatang 5, 24, 25, 28 at 43.
kundi talagang ihaharap siya sa hari ng Babilonia para hatulan.
5Dadalhin ko si Zedekia sa Babilonia at mananatili siya roon hanggang sa matapos ang pagpaparusa sa kanya. Lumaban man kayo sa mga taga-Babilonia, hindi rin kayo magtatagumpay. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

6Sinabi pa ni Jeremias, “Sinabi sa akin ng Panginoon na 7si Hanamel na anak ng tiyo kong si Shalum ay lalapit sa akin at magsasabi, ‘Bilhin mo ang bukid ko sa Anatot. Dahil ikaw ang pinakamalapit kong kamag-anak, may karapatan at tungkulin kang bilhin ito.’

8“Gaya nga ng sinabi sa akin ng Panginoon, pumunta sa akin si Hanamel na pinsan ko roon sa himpilan ng mga guwardya. Sinabi niya sa akin, ‘Bilhin mo ang bukid ko roon sa Anatot sa lupain ng lahi ni Benjamin. May karapatan at tungkulin ka para mapasaiyo iyon, kaya bilhin mo na iyon.’ ”

Alam kong kalooban ito ng Panginoon,
9kaya binili ko ang bukid na iyon kay Hanamel sa halagang 17 pirasong pilak. 10Nilagdaan at tinatakan niya ang mga kasulatan ng bilihan sa harap ng mga saksi at tinimbang ang pilak bilang kabayaran. 11Pagkatapos, kinuha ko ang mga kasulatang may tatak at ang kopyang walang tatak kung saan nakasulat ang mga kasunduan ng bilihan. 12At ibinigay ko ito kay Baruc na anak ni Neria na apo ni Maseya, sa harap ni Hanamel at ng mga saksi na pumirma sa mga kasulatang ito, at sa harap ng lahat ng Judio na nakaupo sa himpilan ng mga guwardya.

13At sa harap nilaʼy sinabi ko kay Baruc 14na ito ang sinasabi ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, “Kunin mo ang mga kasulatang natatakan at hindi natatakan, at ilagay mo sa palayok para hindi ito masira at para tumagal ito ng mahabang panahon. 15Sapagkat darating ang araw na muling magbibilihan ng mga ari-arian ang mga tao sa lugar na ito. Magbibilihan sila ng mga bahay, mga bukid, at mga ubasan. Ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, ang nagsasabi nito.”

16Pagkatapos kong maibigay ang kasulatan kay Baruc na anak ni Neria, nanalangin ako. 17“O Panginoong Dios, nilikha nʼyo ang langit at lupa sa pamamagitan ng kapangyarihan ninyo. Walang anumang bagay na hindi nʼyo po magagawa. 18Ipinapakita nʼyo ang pag-ibig nʼyo sa libu-libo, pero pinarurusahan nʼyo ang mga anak dahil sa kasalanan ng mga magulang nila. O kay dakila po ninyo O Dios, ang pangalan ninyo ay Panginoong Makapangyarihan. 19Napakaganda po ng mga plano nʼyo at kahanga-hanga ang mga gawa ninyo. Nakikita nʼyo ang lahat ng ginagawa ng mga tao at ginagantihan nʼyo po sila ayon sa mga pag-uugali at gawa nila. 20Gumawa kayo ng mga himala at mga kahanga-hangang bagay doon sa Egipto, at patuloy nʼyo po itong ginagawa hanggang dito sa Israel at sa ibang mga bansa. At sa pamamagitan nito, naging tanyag po kayo sa lahat ng dako. 21Sa pamamagitan ng mga himala at mga kahanga-hangang bagay, at sa kapangyarihan nʼyo, natakot po ang mga taga-Egipto at pinalaya nʼyo ang mamamayan nʼyong mga Israelita sa Egipto. 22Ibinigay po ninyo sa kanila ang maganda at masaganang lupain
maganda at masaganang lupain: sa literal, lupain na dumadaloy ang gatas at pulot.
na siyang ipinangako nʼyong ibibigay sa kanilang mga ninuno.
23Naging kanila po ito pero hindi sila sumunod sa inyo o sa mga kautusan nʼyo, at hindi nila ginawa ang ipinapagawa nʼyo sa kanila. Kaya pinadalhan nʼyo sila ng kapahamakan. 24At ngayon, tinatambakan ng lupa ng mga taga-Babilonia ang gilid ng pader ng Jerusalem para mapasok at maagaw nila ang lungsod At dahil sa digmaan, gutom, at sakit, marami pong namatay at naagaw ng mga taga-Babilonia ang lungsod ayon din po sa sinabi ninyo. 25Ngunit sa kabila po ng lahat ng ito, O Panginoong Dios, sinugo nʼyo ako para bilhin ang bukid sa harap ng mga saksi kahit malapit nang maagaw ng mga taga-Babilonia ang lungsod na ito.”

26Kaya sinabi ng Panginoon kay Jeremias, 27“Ako ang Panginoon, ang Dios ng lahat ng tao. Mayroon bang bagay na hindi ko magagawa? 28Kaya tandaan mo, ibibigay ko ang lungsod na ito sa mga taga-Babilonia at sa hari nilang si Nebucadnezar, at mapapasakanila ito. 29Susunugin nila ito, lalo na ang mga bahay na ang mga bubungan ay sinusunugan ng mga insenso para kay Baal at hinahandugan ng mga handog na inumin para sa mga dios-diosan na labis kong ikinagalit.

30“Mula pa noong una, wala nang ginawa ang mga taga-Israel at taga-Juda kundi puro kasamaan. Ginalit nila ako sa pamamagitan ng mga ginagawa nila. 31Mula nang itayo ang lungsod na ito hanggang ngayon, ginagalit ako ng mga mamamayan nito. Kaya wawasakin ko na ito. 32Ginagalit ako ng mga taga-Israel at taga-Juda dahil sa masasama nilang ginagawa. Lahat sila; ang kanilang mga hari at pinuno, mga pari at propeta, at ang mga taga-Jerusalem. 33Lumayo sila sa akin kahit palagi ko silang tinuturuan. Ayaw nilang makinig at ayaw nilang magpaturo. 34Dinungisan nila ang templo ko kung saan dinadakila ang pangalan ko. Inilagay nila roon ang mga dios-diosan nilang kasuklam-suklam. 35Nagtayo sila ng mga sambahan para kay Baal sa Lambak ng Ben Hinom at doon din nila inihahandog ang kanilang mga anak kay Molec. Hindi ko sila inutusan ng ganoon. Ni hindi sumagi sa isipan ko na gagawin nila itong kasuklam-suklam na bagay na siyang naging dahilan ng pagkakasala ng mga taga-Juda.

36“Jeremias, totoo ang sinabi mong ibibigay sa hari ng Babilonia ang lungsod na ito sa pamamagitan ng digmaan, taggutom at sakit. Pero ngayon ako, ang Panginoon, ang Dios ng Israel, ay nagsasabi: 37Titipunin ko ang mga mamamayan ko mula sa lahat ng bansa na pinangalatan ko sa kanila dahil sa matinding galit ko sa kanila. Muli ko silang dadalhin sa lugar na ito at mamumuhay sila nang payapa. 38Magiging mamamayan ko sila at akoʼy magiging Dios nila. 39Bibigyan ko sila ng pagkakaisa sa puso at hangarin sa buhay upang sambahin nila ako magpakailanman, para sa sarili nilang kabutihan at sa kabutihan ng mga angkan nila. 40Gagawa ako ng walang hanggang kasunduan sa kanila na patuloy akong gagawa ng mabuti sa kanila. Bibigyan ko sila ng hangaring gumalang sa akin para hindi na sila lumayo sa akin. 41Kagalakan ko ang gawan sila ng mabuti at buong puso ko silang patitirahin sa lupaing ito.”

42Sinabi pa ng Panginoon, “Kung paano ko pinadalhan ng kapahamakan ang mga taong ito, darating ang araw na padadalhan ko rin sila ng kabutihang ipinangako ko sa kanila. 43At muling magbibilihan ng mga bukid sa lupaing ito na ngayon ay malungkot at walang naninirahang tao o hayop man dahil ibinigay ito sa mga taga-Babilonia.

44“Muling magbibilihan ng mga bukid, na lalagdaan, tatatakan at sasaksihan ang mga kasulatan ng bilihan. Gagawin ito sa lupain ni Benjamin, sa mga lugar sa palibot ng Jerusalem, sa mga bayan ng Juda, sa mga bayan sa kabundukan at kaburulan sa kanluran, at sa Negev. Mangyayari ito dahil pababalikin ko ang mga mamamayan ko sa lupain nila mula sa pagkakabihag.
Tingnan ang “footnote” sa 29:14.
Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

Copyright information for TglASD