‏ Jeremiah 28

Si Jeremias at si Propeta Hanania

1Noong taon ding iyon, nang ikalimang buwan ng ikaapat na taon ng paghahari ni Zedekia sa Juda, may sinabi sa akin si Propeta Hanania na anak ni Azur na taga-Gibeon doon sa templo ng Panginoon, sa harap ng mga pari at mga taong naroroon. Sinabi niya, 2“Ito ang sinasabi ng Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel, ‘Wawakasan ko na ang kapangyarihan ng hari ng Babilonia. 3Sa loob ng dalawang taon, ibabalik ko na rito ang lahat ng kagamitan ng templo ko na kinuha ni Haring Nebucadnezar at dinala sa Babilonia. 4Pababalikin ko rin dito si Haring Jehoyakin ng Juda na anak ni Jehoyakim at ang lahat ng taga-Juda na binihag sa Babilonia, dahil wawakasan ko na ang kapangyarihan ng hari ng Babilonia. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.’ ”

5Pagkatapos, sumagot si Propeta Jeremias kay Propeta Hanania roon sa harap ng mga pari at mga tao sa templo ng Panginoon. 6Sinabi niya, “Amen! Gawin sana iyon ng Panginoon! Sanaʼy gawin ng Panginoon ang sinabi mong dadalhin niya pabalik dito ang mga kagamitan ng templo at ang lahat ng bihag sa Babilonia. 7Pero pakinggan mo itong sasabihin ko sa iyo at sa lahat ng nakikinig dito. 8Ang mga propetang nauna sa atin ay nagsabi noon na darating ang digmaan, gutom, at sakit sa maraming bansa at mga tanyag na kaharian. 9Pero ang propetang magsasabi ng kapayapaan ay dapat mapatunayan. Kung mangyayari ang sinasabi niyang kapayapaan, kikilalanin siyang tunay na propeta ng Panginoon.”

10Pagkatapos, kinuha ni Propeta Hanania ang pamatok sa leeg ni Jeremias at kanyang binali. 11At sinabi niya sa mga taong naroroon, “Ito ang sinasabi ng Panginoon: Ang mga bansang sinakop ni Haring Nebucadnezar ng Babilonia ay parang nilagyan niya ng pamatok. Pero sisirain ko ang pamatok na iyon sa loob ng dalawang taon.” Pagkatapos, umalis si Jeremias.

12Hindi nagtagal, pagkatapos baliin ni Propeta Hanania ang pamatok sa leeg ni Jeremias, sinabi ng Panginoon kay Jeremias, 13“Puntahan mo si Hanania at sabihin mo na ito ang sinasabi ko: Binali mo ang pamatok na kahoy pero papalitan ko iyan ng pamatok na bakal. 14Ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ang Dios ng Israel ay nagsasabing: Ipapapasan ko ang pamatok na bakal sa lahat ng bansa, para maglingkod sila kay Haring Nebucadnezar ng Babilonia. Pati ang mababangis na hayop ay ipapasakop ko sa pamamahala niya.”

15Pagkatapos, sinabi ni Propeta Jeremias kay Propeta Hanania, “Hanania, makinig ka! Hindi ka sinugo ng Panginoon, pero pinapaniwala mo ang bansang ito sa kasinungalingan mo. 16Kaya ito ang sinasabi ng Panginoon, ‘Mawawala ka sa daigdig na ito. Mamamatay ka sa taon ding ito dahil tinuruan mo ang mga tao na magrebelde sa akin.’ ”

17Kaya noong ikapitong buwan ng taon ding iyon, namatay si Propeta Hanania.

Copyright information for TglASD