‏ Jeremiah 23

Ang Pag-asang Darating

1 2Sinabi ng Panginoon, ang Dios ng Israel, “Nakakaawa kayong mga pinuno ng mga mamamayan ko! Kayo sana ang mag-aalaga sa aking mga mamamayan tulad ng pastol ng mga tupa, ngunit pinabayaan lang ninyo silang mamatay at mangalat. Kaya dahil sa pinangalat ninyo ang mga mamamayan ko at hindi nʼyo inalagaan, parurusahan ko kayo. Oo, parurusahan ko kayo dahil sa kasamaang ginawa ninyo. 3Ako mismo ang magtitipon sa mga natitira kong mamamayan mula sa ibaʼt ibang lugar kung saan ko sila pinangalat, at dadalhin ko sila pabalik sa lupain nila at muli silang dadami roon. 4Bibigyan ko sila ng pinunong magmamalasakit at mangangalaga sa kanila, at hindi na sila matatakot o mangangamba, at wala nang maliligaw sa kanila. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”

5Sinabi pa ng Panginoon, “Darating ang araw na paghahariin ko ang isang hari na matuwid na mula sa angkan ni David. Maghahari siyang may karunungan, at paiiralin niya ang katuwiran at katarungan sa lupaing ito. 6Ito ang pangalang itatawag sa kanya, ‘Ang Panginoon ang Ating Katuwiran.’
Katuwiran: o, Kaligtasan; o, Tagumpay.
At sa panahong iyon, maliligtas ang Juda at magkakaroon ng kapayapaan sa Israel.

7“Sa panahong iyon, hindi na susumpa ang mga tao ng ganito, ‘Sumusumpa ako sa pangalan ng buhay na Panginoon na nagpalaya sa mga Israelita mula sa Egipto!’ 8Sa halip, sasabihin nilang, ‘Sumusumpa ako sa pangalan ng buhay na Panginoon na nagpalaya sa mga lahi ng Israel sa mga bansa sa hilaga at sa lahat ng bansa kung saan sila pinangalat. At maninirahan na sila sa kanilang sariling lupain.’ ”

Ang Parusa sa mga Bulaang Propeta

9Nadudurog ang puso ko dahil sa mga bulaang propeta. Nanginginig pati ang mga buto ko at para akong lasing dahil sa banal na mensahe ng Panginoon laban sa kanila. 10Puno na ang lupain ng mga taong sumasamba sa mga dios-diosan,
sumasamba sa mga dios-diosan: sa literal, nakikiapid sa mga babae o mga lalaki.
dahil gumagawa ng kasamaan ang mga propeta at nagmamalabis sa kapangyarihan nila. At dahil ditoʼy isinumpa ng Panginoon ang lupain, kaya natuyo at nalanta ang mga tanim.
11Sapagkat ito ang sinasabi ng Panginoon, “Ang mga pari ay kagaya rin ng mga propeta. Pareho silang marumi at gumagawa ng kasamaan maging sa templo ko. 12Kaya magiging madilim at madulas ang daan nila. Matitisod at madadapa sila dahil pasasapitin ko sa kanila ang kapahamakan sa panahon na parurusahan ko sila. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.

13“Nakita ko na napakasama ng ginagawa ng mga propeta ng Samaria, dahil nagsisipanghula sila sa pangalan ni Baal at inililigaw nila ang mga mamamayan kong mga Israelita. 14Pero nakita ko ring mas masama pa ang ginagawa ng mga propeta ng Jerusalem dahil nangangalunya sila at nagsisinungaling pa. Pinapalakas nila ang loob ng masasamang tao para gumawa pa ng kasamaan, kaya hindi sila tumatalikod sa kasamaan nila. Ang mga taga-Jerusalem ay kasingsama ng mga taga-Sodom at Gomora.

15“Kaya ako, ang Panginoong Makapangyarihan, ay nagsasabi tungkol sa mga propetang ito: Pakakainin ko sila ng mapait na pagkain at paiinumin ko sila ng inuming may lason sapagkat dahil sa kanilaʼy lumaganap ang kasamaan sa buong lupain.”

16Sinabi ng Panginoong Makapangyarihan sa mga taga-Jerusalem, “Huwag kayong maniniwala sa sinasabi ng mga bulaang propetang ito. Pinapaasa lang nila kayo sa mga kasinungalingan. Hindi galing sa akin ang mga sinasabi nilang pangitain kundi sa sarili nilang isipan. 17Ito ang palagi nilang sinasabi sa mga taong ayaw makinig sa mga salita ko at sumusunod sa matitigas nilang puso: ‘Magiging mabuti ang kalagayan ninyo. Walang anumang masamang mangyayari sa inyo.’ 18Pero sino sa mga propetang iyon ang nakakaalam ng iniisip ko? Ni hindi nga sila nakinig sa mga salita ko o pinahalagahan man lang ang mga sinabi ko. 19Makinig kayo! Ang galit koʼy parang bagyo o buhawi na hahampas sa ulo ng masasamang taong ito. 20Hindi mawawala ang galit ko hanggaʼt hindi ko nagagawa ang gusto kong gawin. At sa huling araw, lubos ninyong mauunawaan ito. 21Hindi ko sinugo ang mga propetang iyan, pero lumakad pa rin sila. Wala akong sinabi sa kanila, pero nagsalita pa rin sila. 22Ngunit kung alam lang nila kung ano ang nasa isip ko, sinabi sana nila ang mga salita ko sa aking mga mamamayan, para talikuran ang masasama nilang pag-uugali at mga ginagawa. 23Ako ay Dios na nasa lahat ng lugar, at hindi nasa iisang lugar lamang. 24Walang sinumang makapagtatago sa akin kahit saan mang lihim na lugar na hindi ko nakikita. Hindi nʼyo ba alam na akoʼy nasa langit, nasa lupa at kahit saan? Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.

25“Narinig ko ang mga sinabi ng mga propetang nagsasalita ng kasinungalingan sa pangalan ko. Sinasabi nilang binigyan ko raw sila ng mensahe sa pamamagitan ng panaginip. 26Hanggang kailan pa kaya sila magsasalita ng kasinungalingan na mula sa sarili nilang isipan? 27Sa pamamagitan ng mga panaginip nilang iyon na sinasabi nila sa mga tao, itinutulak nila ang mga mamamayan ko para kalimutan nila ako, gaya ng paglimot sa akin ng mga ninuno nila sa pamamagitan ng pagsamba nila kay Baal. 28Hayaan nʼyong magsalita ang mga propetang ito ng tungkol sa mga panaginip nila, pero ang mga propetang nakarinig ng aking mga salita ay dapat magpahayag nito nang buong katapatan. Sapagkat magkaiba ang mga panaginip nila kaysa sa mga salita ko, gaya ng pagkakaiba ng dayami sa trigo. 29Hindi baʼt makapangyarihan ang mga salita ko? Gaya ito ng apoy na nakasusunog o ng martilyo na nakadudurog ng bato.

30“Kaya laban ako sa mga propetang ginagaya lang ang mensahe ng kapwa nila propeta at sinasabi nila na galing daw ito sa akin. 31Laban din ako sa mga propetang gumagawa ng sariling mensahe at saka sasabihing ako raw ang nagsabi niyon. 32Nagpapahayag sila ng mga panaginip na hindi totoo, kaya inililigaw nila ang mga mamamayan ko sa mga kasinungalingan nila. Hindi ko sila isinugo o sinabihang magsalita, kaya wala silang kabutihang maibibigay sa mga tao. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.

33Jeremias, kung may magtatanong sa iyo na isang mamamayan, o propeta, o pari sa iyo kung ano ang ipinapasabi ko, sabihin mong ipinapasabi kong itatakwil ko sila. 34Kapag may propeta, o pari, o sinumang magsasabi na siya raw ay may mensahe na galing daw sa akin, parurusahan ko ang taong iyon pati ang sambahayan niya. 35Mas mabuti pang magtanong na lang siya sa mga kaibigan o mga kamag-anak niya kung ano ang ipinapasabi ko, 36kaysa sabihin niya, ‘May mensahe ako mula sa Panginoon.’ Dahil ginagamit ito ng iba para mapaniwala nila ang kanilang kapwa, kaya binaluktot nila ang ipinapasabi ng buhay na Dios, ang Panginoong Makapangyarihan.

37“Jeremias, kapag nagtanong ka sa isang propeta kung may mensahe siya mula sa akin 38at sasabihin niya, ‘Oo, may mensahe ako mula sa Panginoon.’ Kinakailangang sabihin mo sa kanya na ito ang sinasabi ko: ‘Sapagkat sinabi mong may mensahe ka mula sa akin, kahit pinagbawalan kitang magsabi ng ganoon, 39kakalimutan at palalayasin kita sa harapan ko. At pababayaan ko ang lungsod na ito na ibinigay ko sa mga ninuno mo. 40Ilalagay ko kayo sa walang hanggang kahihiyan na hindi nʼyo makakalimutan magpakailanman.’ ”

Copyright information for TglASD