Jeremiah 2
Itinakwil ng Israel ang Panginoon
1Sinabi sa akin ng Panginoon, 2“Puntahan mo ang mga taga-Jerusalem at sabihin mo ito sa kanila: ‘Natatandaan ko ang katapatan at pagmamahal nʼyo sa akin noon na katulad ng babaeng bagong kasal. Sinundan nʼyo ako kahit sa ilang na walang tumutubong mga tanim. 3Kayong mga Israelita ay ibinukod para sa akin. Para kayong pinakaunang bunga na ibinigay sa akin. Pinarusahan ko ang mga nanakit sa inyo, at napahamak sila. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.’ ”4Pakinggan nʼyo ang mensahe ng Panginoon, kayong mga mamamayan ng Israel na lahi ni Jacob. 5Ito ang sinabi niya, “Anong kasalanan ang nakita ng mga ninuno nʼyo sa akin at tinalikuran nila ako? Sumusunod sila sa walang kwentang mga dios-diosan, kaya sila rin ay naging walang kabuluhan. 6Hindi na nila ako hinanap kahit na ako ang naglabas sa kanila sa Egipto at nanguna sa kanila sa ilang na walang tanim – ang lupang tuyo, may mga hukay, mapanganib at walang tumitira o dumadaan. 7Mula rooʼy dinala ko sila sa magandang lupain para makinabang sa kasaganaan ng ani nito. Pero nang naroon na kayo, dinungisan nʼyo ang lupain ko at ginawa itong kasuklam-suklam. 8Kahit ang mga pari ay hindi ako hinanap. Ang mga nagtuturo ng kautusan ay hindi ako kilala. ▼
▼ako kilala: o, malapit sa akin.
Ang mga pinuno ay naghimagsik laban sa akin. At ang mga propeta ay nagpahayag sa pangalan ni Baal at sumunod sa walang kwentang mga dios-diosan. 9Kaya susumbatan ko silang muli, pati ang magiging angkan ninyo. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito. 10“Tumawid kayo sa kanluran, sa mga isla ng Kitim, at magsugo kayo ng magmamasid ng mabuti sa silangan, sa lupain ng Kedar, at tingnan kung may nangyaring tulad nito: 11May bansa bang nagpalit ng kanilang dios, kahit na hindi ito mga tunay na dios? Pero ako, ang dakilang Dios, ay ipinagpalit ng aking mga mamamayan sa mga dios na walang kabuluhan. 12Nangilabot ang buong kalangitan sa ginawa nila; at nayanig ito sa laki ng pagkagulat. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.
13“Gumawa ang mga mamamayan ko ng dalawang kasalanan: Itinakwil nila ako, ang bukal na nagbibigay-buhay, at sumamba sila sa ibang mga dios, na para bang naghukay sila ng lalagyan ng tubig na natutuyo. 14Ang Israel ay hindi ipinanganak na alipin. Bakit binibiktima siya ng mga kaaway? 15Ang mga kaaway niya ay parang mga leon na umuungal sa kanya. Sinira nila ang kanyang lupain, sinunog ang mga bayan at hindi na ito tinitirhan. 16Ang mga taga-Memfis at mga taga-Tapanhes ang nagwasak sa kanya. ▼
▼nagwasak sa kanya: Sa Syriac na teksto, bumiyak sa kanyang ulo.
17“Kayong mga Israelita na rin ang nagdala ng kapahamakang ito sa sarili ninyo. Sapagkat itinakwil nʼyo ako, ang Panginoon na inyong Dios, akong pumatnubay sa paglalakbay ninyo. 18Ngayon, ano ang napala ninyo sa inyong paglapit sa Egipto at Asiria? Bakit kayo pumupunta sa Ilog ng Nilo ▼
▼Nilo: sa Hebreo, Shihor, na bahagi ng Ilog ng Nilo.
at Ilog ng Eufrates? 19Parurusahan ko kayo dahil sa kasamaan at pagtakwil nʼyo sa akin. Isipin nʼyo kung gaano kasama at kapait ang ginawa nʼyong pagtakwil at paglapastangan sa Panginoon na inyong Dios. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito. 20“Noong inalipin kayo, para kayong bakang nakapamatok, o mga bilanggong nakakadena. Pero nang mapalaya ko na kayo, ayaw naman ninyong maglingkod sa akin. Sa halip, sumamba kayo sa mga dios-diosan sa bawat matataas na burol at sa ilalim ng bawat malalagong punongkahoy. Katulad kayo ng babaeng bayaran. 21Para kayong isang pinakamabuting klase ng ubas na aking itinanim. Pero bakit lumabas kayong bulok at walang kabuluhang ubas? 22Maligo man kayo at magsabon nang magsabon, makikita ko pa rin ang dumi ng mga kasalanan ninyo. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.
23“Paano nʼyo nasasabing hindi kayo nadumihan at hindi kayo sumamba sa dios-diosang si Baal? Tingnan nʼyo kung anong kasalanan ang ginawa nʼyo sa lambak ng Hinom. Isipin nʼyo ang ginawa nʼyong kasalanan. Para kayong babaeng kamelyo na hindi mapalagay dahil naghahanap ng lalaki. 24Para rin kayong babaeng asnong-gubat na masidhi ang pagnanasa na magpakasta, sa tindi ng kanyang pagnanasa ay walang makakapigil sa kanya. Ang lalaking asno ay hindi na mahihirapang maghanap sa kanya. Madali siyang hanapin sa panahon ng pagpapakasta niya.
25“Mga taga-Israel, napudpod na ang mga sandalyas nʼyo at natuyo na mga lalamunan nʼyo sa pagsunod sa ibang mga dios. Pero sinasabi nʼyo, ‘Hindi namin maaaring itakwil ang ibang mga dios. Mahal namin sila at susunod kami sa kanila.’
26“Tulad ng isang magnanakaw na napapahiya kapag nahuli, mapapahiya rin kayong mga taga-Israel. Talagang mapapahiya kayo, pati ang mga hari, pinuno, pari, at mga propeta ninyo. 27Sinasabi ninyo na ang kahoy ang inyong ama at ang bato naman ang inyong ina. Itinakwil nʼyo ako, pero kapag naghihirap kayo, humihingi kayo ng tulong sa akin. 28Bakit? Nasaan na ang mga dios na ginawa ninyo para sa inyong sarili? Tawagin ninyo sila kung kaya nila kayong iligtas sa paghihirap ninyo. Sapagkat napakarami ninyong dios, kasindami ng mga bayan sa Juda. 29Bakit kayo nagrereklamo sa akin? Hindi baʼt kayo ang naghimagsik sa akin? 30Pinarusahan ko ang mga anak nʼyo, pero hindi sila nagbago. Ayaw nilang magpaturo. Kayo na rin ang pumatay sa mga propeta nʼyo gaya ng pagpatay ng mabangis at gutom na leon sa kanyang biktima.
31“Kayong mga mamamayan sa henerasyong ito, pakinggan ninyo ang sinasabi ko. Ako baʼy parang isang ilang para sa inyo na mga taga-Israel, o kayaʼy parang isang lugar na napakadilim? Bakit ninyo sinasabi na, ‘Bahala na kami sa gusto naming gawin. Ayaw na naming lumapit sa Dios.’
32“Makakalimutan ba ng isang dalaga ang kanyang mga alahas o ang damit niyang pangkasal? Pero kayong mga hinirang ko, matagal na ninyo akong kinalimutan. 33Magaling kayong humabol sa minamahal ninyo na mga dios-diosan. Kahit ang mga babaeng bayaran ay matututo pa sa inyo. 34Ang mga damit ninyoʼy may mga bahid ng dugo ng mga taong walang kasalanan at mga dukha. Pinatay nʼyo sila kahit na hindi nʼyo sila nahuling pumasok sa mga bahay nʼyo para magnakaw. Pero kahit ginawa nʼyo ito, 35sinabi nʼyo pa rin, ‘Wala akong kasalanan. Hindi galit sa akin ang Panginoon!’ Pero talagang parurusahan ko kayo dahil sinabi ninyong wala kayong kasalanan.
36“Pangkaraniwan lang sa inyo ang magpapalit-palit ng mga kakamping bansa. Pero hihiyain kayo ng Egipto na kakampi nʼyo, gaya ng ginawa sa inyo ng Asiria. 37Aalis kayo sa Egipto na nakatakip ang inyong kamay sa mukha dahil sa kahihiyan at pagdadalamhati. Sapagkat itinakwil ko na ang mga bansang pinagkatiwalaan ninyo. Hindi na kayo matutulungan ng mga bansang iyon.
Copyright information for
TglASD