Jeremiah 17
Ang Kasalanan at Kaparusahan ng Juda
1 Sinabi ng Panginoon, “Mga taga-Juda, nakaukit sa matigas ninyong mga puso ang mga kasalanan nʼyo na parang mga salitang nakaukit sa bato o sa sungay na nasa sulok ng mga altar ninyo. 2Kahit ang mga anak ninyoʼy sumasamba sa mga altar nʼyo at sa mga posteng simbolo ng diosang si Ashera sa ilalim ng mayayabong na puno at sa itaas ng mga bundok. 3Kaya ipapasamsam ko sa mga kaaway nʼyo ang mga kayamanan at ari-arian nʼyo, pati ang mga sambahan nʼyo sa matataas na lugar, dahil sa mga kasalanang ginawa ninyo sa buong bansa. 4Mawawala sa inyo ang lupaing ibinigay ko. Ipapaalipin ko kayo sa mga kaaway nʼyo sa lupaing hindi nʼyo alam, dahil ginalit nʼyo ako na parang nagniningas na apoy na hindi mamamatay magpakailanman.”5Sinabi pa ng Panginoon, “Isusumpa ko ang taong lumalayo sa akin at nagtitiwala lamang sa tao. 6Matutulad siya sa isang maliit na punongkahoy sa ilang na walang magandang kinabukasan. Maninirahan siya sa tigang at maalat na lupain na walang ibang nakatira. 7Pero mapalad ang taong nagtitiwala at lubos na umaasa lamang sa akin. 8Matutulad siya sa punongkahoy na itinanim sa tabi ng ilog na ang mga ugat ay umaabot sa tubig. Ang punongkahoy na itoʼy hindi manganganib, dumating man ang tag-init o mahabang tag-araw. Palaging sariwa ang mga dahon nito at walang tigil ang pamumunga.
9“Ang puso ng tao ay mandaraya higit sa lahat, at lubos na masama. Sino ang nakakaalam kung gaano ito kasama? 10Pero ako, ang Panginoon, alam ko ang puso at isip ng tao. Gagantihan ko ang bawat isa ayon sa pag-uugali at mga gawa niya. 11Ang taong yumaman sa masamang paraan ay parang ibon na nililimliman ang hindi niya itlog. Sa bandang huli, sa kalagitnaan ng buhay niya, mawawala ang kayamanan niya at lalabas na siyaʼy hangal.”
12 O Panginoon, ang templo nʼyo po ang inyong magandang trono mula pa noon. 13Kayo po Panginoon, ang pag-asa ng Israel. Mapapahiya ang lahat ng magtatakwil sa inyo. Malilibing po sila sa ilalim ng lupa, dahil itinakwil po nila kayo, kayo na bukal na nagbibigay ng buhay.
14 Panginoon, pagalingin nʼyo po ako at gagaling ako; iligtas nʼyo po ako at maliligtas ako. At kayo lang ang tangi kong pupurihin. 15Sinabi po sa akin ng mga tao, “Nasaan na ang mga sinabi ng Panginoon? Bakit hindi pa rin ito nangyayari hanggang ngayon?” 16O Panginoon, hindi po ako naging pabaya sa gawain ko bilang tagapagbantay ng mga mamamayan ninyo. Hindi ko po hinangad na ipahamak nʼyo sila. Alam po ninyo ang mga sinabi ko. 17Huwag nʼyo po akong takutin, dahil kayo ang kanlungan ko sa panahon ng kapahamakan. 18Takutin at hiyain nʼyo po ang mga umuusig sa akin. Pero huwag nʼyo itong gawin sa akin. Padalhan nʼyo po sila ng kapahamakan para malipol sila nang lubusan.
Ang Araw ng Pamamahinga
19Sinabi sa akin ng Panginoon, “Pumunta ka sa mga pintuan ng Jerusalem. Tumayo ka muna sa pintuan na dinadaanan ng mga hari ng Juda at pagkatapos, sa iba pang mga pintuan. 20At sabihin mo sa mga tao, ‘Pakinggan nʼyo ang mensahe ng Panginoon, kayong mga hari at mga taga-Juda, pati kayong mga nakatira sa Jerusalem na dumadaan sa mga pintuang ito. 21Ito ang sinasabi ng Panginoon: Kung pinahahalagahan ninyo ang inyong sarili, huwag kayong magtatrabaho o magdadala ng anumang mga paninda sa mga pintuan ng Jerusalem sa Araw ng Pamamahinga. 22Totoo yan, huwag kayong magtatrabaho o magdadala ng mga paninda mula sa mga bahay nʼyo sa araw na ito. Ituring nʼyo itong natatanging araw. Iniutos ko ito sa mga ninuno nʼyo, 23pero hindi sila nakinig sa akin. Matitigas ang ulo nila! Ayaw nilang tanggapin ang mga pagtuturo ko sa kanila. 24Pero kung susunod lang kayo sa akin na hindi kayo magtatrabaho o magdadala ng mga paninda sa pintuan ng Jerusalem sa Araw ng Pamamahinga, at ituturing nʼyo itong banal na araw 25ay pagpapalain ko kayo. Palaging magkakaroon ng haring maghahari rito sa Jerusalem na mula sa angkan ni David. Sila at ang mga tagapamahala nila ay paparada na nakasakay sa mga karwahe at mga kabayo papasok sa pintuan ng lungsod kasama ng mga taga-Juda at taga-Jerusalem. At ang lungsod na ito ng Jerusalem ay mananatiling lungsod magpakailanman. 26At darating ang mga tao na sasamba sa templo ng Panginoon mula sa mga lugar sa paligid ng Jerusalem, sa mga bayan ng Juda, at Benjamin, at mula sa mga kaburulan sa kanluran, sa mga kabundukan, at sa Negev. Magdadala sila ng mga handog na sinusunog, at iba pang mga handog, gaya ng handog na pagpaparangal sa Panginoon, handog ng pasasalamat, at mga insenso. 27Pero kung hindi kayo susunod sa akin, at hindi nʼyo ituturing na banal ang Araw ng Pamamahinga at magdadala kayo ng mga paninda sa mga pintuan ng Jerusalem sa araw na iyon, susunugin ko ang mga pintuan ng Jerusalem pati ang matitibay na bahagi ng lungsod na ito, at walang makakapatay ng sunog na iyon!’ ”
Copyright information for
TglASD