Jeremiah 14
Ang Matinding Tagtuyot sa Juda
1Ito ang sinabi sa akin ng Panginoon tungkol sa mahabang tagtuyot: 2“Nagluluksa ang Juda; ang mga lungsod niyaʼy nanlulupaypay. Nakaupo ang mga mamamayan niya sa lupa na umiiyak, at naririnig ang iyakan sa Jerusalem. 3Inutusan ng mayayaman ang mga alipin nila na umigib ng tubig. Pumunta sila sa mga balon pero walang tubig doon. Kaya bumalik silang walang laman ang mga lalagyan, at nagtakip ng mga ulo dahil sa matinding hiya. 4Nabitak ang lupa dahil walang ulan. At dahil sa hinagpis, tinakpan ng mga magbubukid ang mga ulo nila. 5Kahit ang usa ay iniwanan ang anak niya na kasisilang pa lang dahil wala nang sariwang damo. 6Ang mga asnong-gubat ay tumatayo sa mga burol at humihingal na parang asong-gubat. ▼▼asong-gubat: sa Ingles, “jackal.”
Nanlalabo na ang kanilang paningin dahil sa kawalan ng pagkain.” 7 Sinabi ng mga tao, “O Panginoon, nagkasala po kami sa inyo. Palagi kaming lumalayo sa inyo kaya dapat lang kaming parusahan. Pero tulungan po ninyo kami ngayon, alang-alang sa karangalan ng pangalan ninyo. 8O Panginoon, kayo po ang tanging pag-asa ng Israel, ang Tagapagligtas niya sa panahon ng kaguluhan. Bakit naging parang dayuhan kayo rito sa amin? Bakit po kayo parang manlalakbay na tumitigil lang ng isang gabi sa bansa namin? 9Katulad rin po ba kayo ng taong walang magagawa at sundalong walang kakayahang magligtas? Kasama namin kayo, O Panginoon, at kami ay inyong mga mamamayan, kaya huwag nʼyo po kaming pababayaan.”
10Ito ang sagot ng Panginoon sa mga tao: “Talagang gusto na ninyong lumayo sa akin; ang sarili lang ninyong kagustuhan ang inyong sinusunod. Kaya ayaw ko na kayong tanggapin bilang aking mga mamamayan. Hindi ko makakalimutan ang kasamaan ninyo at parurusahan ko kayo.”
11Pagkatapos, sinabi sa akin ng Panginoon, “Huwag kang mananalangin para sa kabutihan ng mga taong ito. 12Kahit mag-ayuno pa sila, hindi ko diringgin ang paghingi nila ng tulong sa akin. Kahit na maghandog pa sila ng mga handog na sinusunog at handog na pagpaparangal sa akin, hindi ko iyon tatanggapin. Sa halip, papatayin ko sila sa pamamagitan ng digmaan, gutom, at salot.”
13Pero sinabi ko, “O Panginoong Dios, alam nʼyo po na laging sinasabi sa kanila ng mga propeta na wala raw digmaan o taggutom na darating dahil sinabi nʼyo raw na bibigyan nʼyo sila ng kapayapaan sa bansa nila.” 14Sumagot ang Panginoon, “Ang mga propetang iyan ay nanghuhula ng kasinungalingan sa pangalan ko. Hindi ko sila sinugo at hindi ako nagsalita sa kanila. Hindi galing sa akin ang mga pangitaing sinasabi nila sa inyo; walang kabuluhan at mga kathang-isip lang ang mga inihuhula nila. 15Kaya ako, ang Panginoon, ay nagsasabing, parurusahan ko ang mga sinungaling na propetang iyan. Nagsasalita sila sa pangalan ko kahit na hindi ko sila sinugo. Sinasabi nilang walang darating na digmaan o taggutom sa bansang ito, pero sa digmaan at taggutom sila mapapahamak. 16At tungkol naman sa mga taong naniniwala sa sinabi nila, ang mga bangkay nilaʼy itatapon sa mga lansangan ng Jerusalem. Mamamatay sila sa digmaan at taggutom. Walang maglilibing sa kanila, sa mga asawa nila, at sa mga anak nila. Papatawan ko sila ng parusang nararapat sa kanila.
17“Jeremias, sabihin mo ito sa mga tao: Araw-gabi, walang tigil ang pag-iyak ko dahil malubha ang sugat ng mga mamamayan ko na aking itinuturing na birheng anak, at totoong nasasaktan ako. 18Kung pupunta ako sa mga bukid at lungsod, nakikita ko ang mga bangkay ng mga namatay sa digmaan at taggutom. Ang mga propeta at pari ay patuloy sa gawain nila pero hindi nila alam kung ano ang ginagawa nila.” ▼
▼patuloy … nila: o, dinala sa mga lupain na hindi nila alam.
Lumapit ang mga Tao sa Panginoon
19 O Panginoon, talaga bang itinakwil nʼyo na ang Juda? Talaga bang galit po kayo sa Jerusalem? ▼▼Jerusalem: sa Hebreo, Zion.
Bakit nʼyo po kami pinarusahan ng ganito at parang wala na kaming pag-asang gumaling? Umasa po kaming bibigyan nʼyo kami ng kapayapaan, pero hindi naman ito dumating. Umasa po kaming mapapabuti ang kalagayan namin, pero takot ang dumating sa amin. 20O Panginoon, kinikilala namin ang kasamaan namin, pati ang kasalanan ng mga ninuno namin. Nagkasala po kami sa inyo. 21Huwag nʼyo po kaming itakwil, alang-alang sa karangalan ng pangalan ninyo. Huwag nʼyo pong ilagay sa kahihiyan ang marangal nʼyong trono. Alalahanin nʼyo po ang kasunduan nʼyo sa amin. Nawaʼy huwag nʼyo itong sirain. 22Wala ni isang walang kwentang mga dios-diosan ng mga bansa ang makapagpapaulan o makapagpapaambon. Kahit ang langit mismo ay hindi makapagpapaulan. Kayo lang, Panginoon na aming Dios ang tanging makakagawa nito, kaya sa inyo po kami nagtitiwala.
Copyright information for
TglASD