James 2
Babala Laban sa mga May Pinapaboran
1Mga kapatid, bilang mga mananampalataya ng dakila nating Panginoong Jesu-Cristo, dapat wala kayong pinapaboran. 2Halimbawa, dumating sa inyong pagtitipon ang isang mayaman na may gintong singsing at nakasuot ng mamahaling damit, at dumating din ang isang mahirap na punit-punit naman ang damit. 3Kung aasikasuhin nʼyo nang mabuti ang nakasuot ng mamahaling damit at bibigyan ng upuan, samantalang ang mahirap ay patatayuin na lang ninyo o pauupuin sa sahig, 4hindi baʼt may pinapaboran kayo ayon sa masama ninyong pag-iisip? ▼▼masama ninyong pag-iisip: o, masamang hangarin.
5Makinig kayo, mga minamahal kong kapatid: Hindi baʼt pinili ng Dios ang mga mahihirap sa mundong ito upang maging mayaman sa pananampalataya, at maging tagapagmana ng kahariang ipinangako niya sa mga nagmamahal sa kanya? 6Ngunit minamaliit nʼyo naman ang mga mahihirap. Hindi baʼt ang mga mayayaman ang nagpapahirap at nagpaparatang sa inyo? 7Hindi baʼt sila ang nanlalait sa marangal na pangalan ni Jesu-Cristo, at sa pangalang ito kayo nakilala?
8Pero kung sinusunod nʼyo ang utos ng Hari sa Kasulatan, na nagsasabi, “Mahalin mo ang iyong kapwa, gaya ng pagmamahal mo sa iyong sarili,” ▼
▼Lev. 19:18.
mabuti ang ginagawa ninyo. 9Ngunit kung may pinapaboran kayo, nagkakasala kayo at ayon sa Kautusan dapat kayong parusahan, dahil nilabag nʼyo ang utos na ito. 10Ang tumutupad sa buong Kautusan pero lumabag sa isa sa mga ito ay lumabag na rin sa buong Kautusan. 11Sapagkat ang Dios na nag-utos, “Huwag kang mangangalunya,” ay nagsabi ring, “Huwag kang papatay.” ▼▼Exo. 20:13-14; Deu. 5:17-18.
Hindi ka nga nangangalunya, pero pumapatay ka naman, nilalabag mo pa rin ang Kautusan. 12Kaya mag-ingat kayo sa pananalita at gawa nʼyo, dahil ang Kautusan na nagpalaya sa inyo ang siya ring hahatol sa inyo. 13Walang awang hahatulan ng Dios ang hindi marunong maawa; pero ang maawain sa kapwa ay hindi kailangang matakot sa oras ng paghatol. Ang Pananampalataya at Mabuting Gawa
14Mga kapatid, ano bang mapapala ng isang tao kung sabihin niyang mayroon siyang pananampalataya, pero wala naman siyang mabuting gawa? Maliligtas ba siya ng ganyang pananampalataya? 15Halimbawa, walang maisuot at walang makain ang isang kapatid, 16at sasabihan mo, “Pagpalain ka ng Dios at hindi ka sana ginawin at magutom,” pero hindi mo naman siya binigyan ng kailangan niya, may nagawa ba itong mabuti? 17Ganito rin naman ang pananampalataya; kung hindi ito kinakikitaan ng mabuting gawa, wala itong kabuluhan. ▼▼wala itong kabuluhan: sa literal, patay.
18Kung talagang may magsasabi, “May pananampalataya ako, at ikaw naman ay may mabuting gawa.” Ito naman ang isasagot ko, paano ko makikita ang pananampalataya mo kung wala ka namang mabuting gawa? Ipapakita ko sa iyo na may pananampalataya ako sa pamamagitan ng mabuti kong gawa. 19Naniniwala ka na may iisang Dios? Mabuti iyan! Pero kahit ang masasamang espiritu man ay naniniwala rin, at nanginginig pa nga sa takot. 20Ikaw na walang pang-unawa, gusto mo bang patunayan ko na walang kabuluhan ang pananampalataya kung walang mabuting gawa? 21Hindi baʼt itinuring na matuwid ng Dios ang ninuno nating si Abraham dahil sa mabuti niyang gawa nang ihandog niya sa altar ang anak niyang si Isaac? 22Makikita mo na ang pananampalataya niyaʼy may kasamang mabuting gawa. Naipakita na tunay ▼
▼tunay: o, ganap.
ang pananampalataya niya sa pamamagitan ng mabuting gawa. 23Natupad ang sinasabi ng Kasulatan, “Sumampalataya si Abraham sa Dios, at dahil dito, itinuring siyang matuwid. Tinawag pa nga siyang kaibigan ng Dios.” ▼▼Gen. 15:6.
24Dito nʼyo makikita na itinuturing na matuwid ng Dios ang tao dahil sa mabuti nitong gawa at hindi dahil sa pananampalataya lamang. 25Ganoon din si Rahab, ang babaeng bayaran. Itinuring siyang matuwid dahil itinago niya ang mga espiya ng mga Israelita at itinuro ang ibang daan para makatakas sila.
26Kung paanong patay ang katawang walang espiritu, patay din ang pananampalataya kung walang mabuting gawa.
Copyright information for
TglASD