‏ Isaiah 58

Ang Totoong Pag-aayuno

1 Sinabi ng Panginoon, “Sumigaw kayo nang malakas na kasinglakas ng trumpeta! Huwag ninyong pigilan! Sabihin ninyo sa aking mga mamamayan na lahi ni Jacob ang kanilang mga kasalanan at mga pagsuway. 2Dumudulog sila sa akin araw-araw, at tila gusto nilang malaman ang aking mga pamamaraan. Kung titingnan, para bang isa silang bansang matuwid at hindi sumusuway sa mga utos ko. Ipinapakita nila na parang gustong-gusto nilang lumapit sa akin at humingi ng matuwid na hatol. 3Sinasabi pa nila sa akin, ‘Nag-ayuno kami, pero hindi nʼyo man lamang pinansin. Nagpenitensya kami, pero binalewala ninyo.’

“Ang totoo, habang nag-aayuno kayo, ang sarili ninyong kapakanan ang inyong iniisip. Inaapi ninyo ang inyong mga manggagawa.
4Nag-aayuno nga kayo, pero nag-aaway-away naman kayo, nagtatalo, at nagsusuntukan pa. Huwag ninyong iisipin na ang ginagawa ninyong pag-aayuno ngayon ay makakatulong para dinggin ko ang inyong dalangin. 5Kapag nag-aayuno kayo, nagpepenitensya kayo. Yumuyuko kayo na parang mga damong kugon. Nagsusuot kayo ng damit na panluksa
damit na panluksa: sa Hebreo, sakong damit.
at humihiga sa abo. Iyan ba ang tinatawag ninyong ayuno? Akala ba ninyoʼy nakakalugod iyon sa akin?
6Ang ayunong makapagpapalugod sa akin ay ang ayunong may kasamang matuwid na pag-uugali. Tigilan ninyo ang paggawa ng kasamaan, pairalin nʼyo na ang katarungan, palayain ninyo ang mga inaalipin at ang inaapi ay inyong tulungan. 7Bigyan ninyo ng pagkain ang mga nagugutom, patirahin ninyo sa inyong tahanan ang mga walang tahanan, bigyan ninyo ng damit ang mga walang damit, at tulungan ninyo ang inyong mga kaanak. 8Kapag ginawa nʼyo ito, darating sa inyo ang kaligtasan
kaligtasan: sa literal, ilaw. Ganito rin sa talatang 10.
na parang bukang-liwayway, at pagagalingin ko kayo agad. Ako na inyong Dios na matuwid ang mangunguna sa inyo at ipagtatanggol ko kayo sa pamamagitan ng aking kapangyarihan.
9At kung dumulog kayo sa akin para humingi ng tulong, kayoʼy aking sasagutin.

“Kung titigilan na ninyo ang pang-aapi, ang pambibintang ng kasinungalingan, ang pagsasalita ng masama,
10at kung gagawin ninyo ang pagpapakain sa mga nagugutom, ang pagbibigay ng pangangailangan ng mga dukha, darating sa inyo ang kaligtasan na magbibigay-liwanag sa madilim ninyong kalagayan na parang tanghaling-tapat. 11Palagi ko kayong papatnubayan at bubusugin, kahit na mahirap ang kalagayan
kahit na mahirap ang kalagayan: sa literal, sa mainit na lugar.
ninyo. Palalakasin ko kayo, at kayoʼy magiging parang halamanang sagana sa tubig at parang bukal na hindi nawawalan ng tubig.
12Muling itatayo ng inyong mga lahi ang mga lungsod ninyong matagal nang wasak at aayusin nila ang dating mga pundasyon. Makikilala kayo na mga taong tagaayos ng kanilang mga gibang pader at mga bahay.

13“Alalahanin ninyo ang Araw ng Pamamahinga. Huwag ninyong iisipin ang pansarili ninyong kapakanan sa natatanging araw na iyon. Ipagdiwang ninyo ang Araw ng Pamamahinga, at parangalan nʼyo ito sa pamamagitan ng pagpipigil sa mga sarili ninyong kagustuhan at kaligayahan, at pagtigil sa pagsasalita nang walang kabuluhan. 14Kapag ginawa ninyo ito, magiging maligaya kayo sa inyong paglilingkod sa akin. Pararangalan ko kayo sa buong mundo. Pasasaganain ko ang ani ng lupaing inyong minana sa inyong ninunong si Jacob.” Mangyayari nga ito dahil sinabi ng Panginoon.

Copyright information for TglASD