‏ Isaiah 55

Ang Habag ng Dios

1 Sinabi ng Panginoon, “Lumapit kayo, lahat kayong nauuhaw, narito ang tubig! Kahit wala kayong pera, lumapit kayo at kumain! Halikayo, kumuha kayo ng inumin at gatas ng walang bayad! 2Bakit ninyo ginugugol ang inyong mga salapi sa mga bagay na hindi makakain? Bakit nʼyo inuubos ang mga sweldo ninyo sa mga bagay na hindi makakapagpabusog sa inyo? Makinig kayo sa akin at makakakain kayo ng mga masasarap na pagkain, at talagang mabubusog kayo. 3Lumapit kayo sa akin at makinig para mabuhay kayo. Gagawa ako ng walang hanggang kasunduan sa inyo. Ipapadama ko sa inyo ang pag-ibig koʼt awa na ipinangako ko kay David. 4Ginawa ko siyang tagapamahala ng mga bansa, at sa pamamagitan niyaʼy ipinakita ko ang aking kapangyarihan sa kanila. 5Tatawagin ninyo ang mga bansang hindi ninyo kasama, at magmamadali silang lalapit sa inyo, dahil ako, ang Panginoon na inyong Dios, ang Banal na Dios ng Israel, ang nagbigay sa inyo ng karangalan.”

6Lumapit na kayo sa Panginoon at tumawag sa kanya habang naririyan pa siya para tulungan kayo. 7Talikuran na ng mga taong masama ang masasama nilang ugali at baguhin na ang masasama nilang pag-iisip. Magbalik-loob na sila sa Panginoon na ating Dios, dahil kaaawaan at patatawarin niya sila.

8Sinabi ng Panginoon, “Ang pag-iisip ko ay hindi katulad ng pag-iisip ninyo at ang pamamaraan ko ay hindi katulad ng pamamaraan ninyo. 9Kung gaano kalayo ang langit sa lupa, ganoon din kalayo ang aking pamamaraan at pag-iisip kaysa sa inyo. 10Ang ulan at nyebe ay mula sa itaas, at hindi bumabalik doon hanggaʼt hindi muna nakapagbibigay ng tubig sa lupa at nakapagpapalago ng mga halaman para makapagbigay ng binhi at pagkain sa nagtatanim at sa mga tao. 11Ganyan din ang aking mga salita, hindi ito mawawalan ng kabuluhan. Isasakatuparan nito ang aking ninanais, at isasagawa ang aking layunin kung bakit ko ito ipinadala.

12Mga Israelita, aalis kayo nang masaya sa Babilonia at papatnubayan kayo ng Dios. Ang mga bundok at mga burol ay parang mga taong aawit sa tuwa. At ang lahat ng mga puno ay parang mga taong magpapalakpakan. 13Tutubo na ang mga puno ng sipres at mirto sa dating tinutubuan ng mga halamang may tinik. Ang mga pangyayaring itoʼy magbibigay ng karangalan sa akin. Magiging tanda ito magpakailanman ng aking kapangyarihan.”

Copyright information for TglASD