‏ Isaiah 34

Parurusahan ng Dios ang Kanyang mga Kaaway

1Kayong mga bansa, lumapit kayo at makinig nang mabuti. Makinig ang buong mundo at ang lahat ng nasa kanya. 2Sapagkat galit ang Panginoon sa lahat ng bansa; galit siya sa kanilang mga kawal. Ganap niyang lilipulin ang mga ito. Papatayin niya silang lahat. 3Hindi ililibing ang kanilang mga bangkay kaya aalingasaw ito, at ang mga bundok ay mamumula dahil sa kanilang dugo. 4Matutunaw ang lahat ng bagay sa langit, at ang langit ay mawawala na parang kasulatan na nairolyo. Mahuhulog ang mga bituin na parang mga dahon ng ubas o ng igos na nalalanta at nalalagas. 5Pagkatapos gamitin ng Panginoon ang kanyang espada sa langit, tatama naman ito sa Edom para parusahan at lipulin. 6Ang espada ng Panginoon ay mapupuno ng dugo at taba, na parang ginamit sa pagkatay ng mga kambing at tupang ihahandog, sapagkat papatayin ng Panginoon ang mga taga-Bozra bilang handog. Marami ang kanyang papatayin sa iba pang mga lungsod ng Edom. 7Papatayin din na parang mga toro ang kanilang mga makapangyarihang mamamayan. Ang kanilang lupain ay mapupuno ng dugo at taba. 8Sapagkat ang Panginoon ay may itinakdang araw upang maghiganti sa kanyang mga kaaway para tulungan ang Zion. 9Ang mga sapa at ang lupa sa Edom ay masisira.
Ang … masisira: sa literal, Ang sapa ay magiging alkitran at ang lupa ay magiging asupre.
Ang buong bansa ay masusunog at hindi na mapapakinabangan.
10At hindi ito mapapatay araw at gabi. Ang usok nitoʼy papailanlang magpakailanman. Wala nang titira o dadaan man lang sa Edom kahit kailan. 11Magiging tirahan ito ng mga kuwago at mga uwak. Nasa plano na ng Panginoon na ipadanas sa lupaing ito ang kaguluhan at kapahamakan. 12At tatawagin itong, “Walang Kwentang Kaharian.” Mawawala ang lahat ng pinuno nito. 13Tutubo ang matitinik na mga halaman sa mga napapaderang lungsod at matitibay na bahagi nito. Maninirahan doon ang mga kuwago at mga asong-gubat. 14Magsasama-sama roon ang mga asong-gubat kasama ng iba pang hayop sa gubat. Tatawagin ng mga maiilap na kambing ang mga kasamahan nila roon. At ang mga malignong lumalabas kapag gabi ay pupunta roon para magpahinga. 15Ang mga kuwago ay magpupugad doon, mangingitlog, mamimisa, at iingatan nila ang kanilang mga inakay sa ilalim ng kanilang mga pakpak. Ang mga uwak ay pares-pares na magtitipon roon.

16Tingnan ninyo ang aklat ng Panginoon at basahin. Wala ni isa man sa mga sinabi ko ang hindi matutupad. Walang mawawala ni isa man sa mga hayop na iyon, at wala ni isa man sa mga ito ang walang kapares, sapagkat iyan ang ipinasya ng Panginoon, at siya mismo
siya mismo: o, ang kanyang Espiritu.
ang magtitipon sa kanila.
17Siya ang magbibigay sa mga hayop ng lupa na kanilang titirhan. Mapapasakanila ito magpakailanman, at doon sila titira magpakailanman.

Copyright information for TglASD