Isaiah 33
Tutulungan ng Dios ang Kanyang mga Mamamayan
1Nakakaawa kayong mga nangwawasak na hindi pa nakaranas ng pagkawasak. Nakakaawa kayo, kayong mga taksil, na hindi pa napagtataksilan. Kapag natapos na ang inyong pangwawasak at pagtataksil, kayo naman ang wawasakin at pagtataksilan.2 Panginoon, kaawaan nʼyo po kami. Nagtitiwala kami sa inyo. Palakasin nʼyo kami araw-araw, at iligtas sa panahon ng kaguluhan. 3Tumatakas ang mga tao sa dagundong ng inyong tinig. Kapag kayoʼy tumayo para magparusa, nagsisipangalat ang mga bansa. 4Sasamsamin ang kanilang mga ari-arian, at matutulad sila sa halamang sinalakay ng balang.
5Ang Panginoon ay dakila sa lahat! Siyaʼy naninirahan sa langit. Paiiralin niya ang katarungan at katuwiran sa Jerusalem. 6Siya ang magpapatatag sa inyo. Iingatan niya kayo at bibigyan ng karunungan at kaalaman. At ang mahalagang kayamanan ninyo ay ang pagkatakot sa Panginoon.
7Makinig kayo! Ang matatapang nʼyong mamamayan ay humihingi ng saklolo sa mga lansangan. Ang inyong mga sugo para sa kapayapaan ay umiiyak sa pagsisikap na mapanatili ang kapayapaan. 8Wala nang dumadaan o lumalakad sa mga lansangan. Nilalabag na ang kasunduan at hindi na pinahahalagahan ang mga saksi nito. ▼
▼ang mga saksi nito: Ito ang nasa Dead Sea Scrolls. Sa tekstong Masoretic, ang mga bayan.
Wala nang taong iginagalang. 9Kawawa ang lupain ng Israel. Nalalanta ang mga puno ng Lebanon, at napapahiya. Naging ilang ang kapatagan ng Sharon. Nalalaglag ang mga dahon ng mga puno sa Bashan at sa Carmel. 10Sinabi ng Panginoon, “Kikilos na ako ngayon, at dadakilain ako ng mga tao. 11Kayong mga taga-Asiria, walang kabuluhan ang inyong mga plano at mga ginagawa. Ang nag-aapoy ninyong galit ▼▼galit: sa literal, hininga o, espiritu.
ang tutupok sa inyo. 12Masusunog kayo hanggang sa maging tulad kayo ng apog. Matutulad kayo sa matitinik na mga halaman na pinutol at sinunog. 13Kayong mga bansa, malapit man o malayo, pakinggan ninyo ang mga ginawa ko at kilalanin ninyo ang kapangyarihan ko.” 14Nanginginig sa takot ang mga makasalanan sa Zion. Sabi nila, “Ang Dios ay parang nagliliyab na apoy na hindi namamatay. Sino sa atin ang makakatagal sa presensya ng Dios?” 15Ang makakatagal ay ang mga taong namumuhay nang matuwid at hindi nagsisinungaling, hindi gahaman sa salapi o tumatanggap man ng suhol. Hindi sila nakikiisa sa mga mamamatay-tao at hindi gumagawa ng iba pang masamang gawain. 16Ganyang klaseng mga tao ang maliligtas sa kapahamakan, parang nakatira sa mataas na lugar, na ang kanilang kanlungan ay ang malalaking bato. Hindi sila mawawalan ng pagkain at inumin.
17 Mga Israelita, makikita ninyo ▼
▼ninyo: sa Hebreo, mo.
ang isang makapangyarihang hari na namamahala sa napakalawak na kaharian. 18Maaalala ninyo ang nakakatakot na araw nang dumating sa inyo ang mga pinuno ng Asiria at binilang ang inyong mga tore at kung ilang ari-arian ang makukuha nila sa inyo. 19Pero hindi na ninyo makikita ang mga mayayabang na iyon, na ang salita nila ay hindi ninyo maintindihan. 20Tingnan ninyo ang Zion, ang Jerusalem, ang lungsod na pinagdarausan natin ng ating mga pista. Makikita na magiging mapayapang lugar at magandang tirahan ito. Itoʼy magiging parang toldang matibay, na ang mga tulos ay hindi mabunot at ang mga tali ay hindi malagot. 21Ipapakita rito sa atin ng Panginoon na siyaʼy makapangyarihan. Ang Jerusalem ay parang isang lugar na may malawak na ilog at batis, na hindi matatawid ng mga sasakyan ng mga kaaway. 22Gagawin ito ng Panginoon dahil siya ang ating hukom, mambabatas, ▼▼mambabatas: o, tagapamahala.
at hari. Siya ang magliligtas sa atin. 23Ang Jerusalem ngayon ay parang sasakyang pandagat na maluwag ang mga tali at palo, at hindi mailadlad ang layag. Pero darating ang araw na maraming ari-arian ang sasamsamin ng Jerusalem sa kanyang mga kaaway. Kahit ang mga pilay ay bibigyan ng bahagi. 24Wala ng mamamayan sa Jerusalem na magsasabi, “May sakit ako.” Patatawarin sila ng Dios sa kanilang mga kasalanan.
Copyright information for
TglASD