‏ Isaiah 32

Ang Matuwid na Hari

1May isang hari na maghahari nang matuwid, at ang kanyang mga opisyal ay mamamahala nang may katarungan. 2Ang bawat isa sa kanilaʼy magiging kanlungan sa malakas na hangin at bagyo. Ang katulad nilaʼy ilog na dumadaloy sa disyerto, at lilim ng malaking bato sa mainit at tuyong lupain. 3Maghahanap at makikinig ang mga tao sa Dios. 4Ang taong pabigla-bigla ay mag-iisip nang mabuti para malaman niya ang kanyang gagawin. Ang taong hindi alam kung ano ang sasabihin ay makakapagsalita nang mabuti at malinaw. 5Ang mga hangal ay hindi na dadakilain, at ang mga mandaraya ay hindi na igagalang. 6Sapagkat kahangalan ang sinasabi ng hangal, at ang masama niyang isipan ay nagbabalak na gumawa ng mga kasamaan. Nilalapastangan niya ang Dios, at pinagkakaitan ang mga nagugutom at nauuhaw. 7Masama ang pamamaraan ng mandaraya. Ipinapahamak niya ang mga dukha sa pamamagitan ng kanyang kasinungalingan, kahit na sa panahon ng paghingi ng mga ito ng katarungan. 8Pero ang taong marangal ay may hangarin na palaging gumawa ng mabuti, at itoʼy kanyang tinutupad.

9 10Kayong mga babaeng patambay-tambay lang at walang pakialam, pakinggan ninyo ang sasabihin ko sa inyo! Bago matapos ang taon, mababagabag kayo dahil hindi na mamumunga ang mga ubas at wala na kayong mapipitas. 11Matagal na kayong nakatambay at walang pakialam. Ngayon manginig na kayo sa takot. Hubarin ninyo ang inyong mga damit at magbigkis ng sako sa inyong baywang. 12Dagukan ninyo ang inyong dibdib sa kalungkutan dahil sa mangyayari sa inyong masaganang bukirin at mabungang ubasan. 13Ang lupain ng aking mga mamamayan ay tutubuan ng mga damo at matitinik na halaman, at mawawala ang masasayang tahanan at lungsod. 14Ang mataong lungsod at ang matibay na bahagi nito ay hindi na titirhan. Ang burol at ang bantayang tore nito ay magiging parang ilang magpakailanman. Itoʼy magiging tirahan ng mga maiilap na asno at pastulan ng mga tupa. 15Mangyayari ito hanggang sa ipadala sa atin ang Espiritu mula sa langit. Kung magkagayon, ang ilang ay magiging matabang lupain at ang matabang lupain ay magiging kagubatan. 16Lalaganap ang katarungan at katuwiran sa ilang at matabang lupain. 17At ang bunga ng katuwiran ay ang mabuting kalagayan, kapayapaan, at kapanatagan magpakailanman. 18Kayong mga mamamayan ng Dios ay titira sa mapayapang tahanan at ligtas sa kapahamakan. At wala nang gagambala sa inyo. 19Kahit masisira ang kagubatan at ang mga lungsod dahil umuulan ng yelo na parang bato, 20pagpapalain kayo ng Dios. Magiging masagana ang tubig para sa mga pananim, at ang inyong mga hayop ay malayang manginginain kahit saan.

Copyright information for TglASD