Isaiah 18
Ang Mensahe tungkol sa Etiopia
1Nakakaawa ang mga lugar malapit sa mga ilog ng Etiopia, ▼▼Etiopia: sa Hebreo, Cush.
na may mga pagaspas ng pakpak ng mga kulisap na naririnig. ▼▼may mga pagaspas ng pakpak ng mga kulisap na naririnig: o, ang kanilang mga sasakyan ay may katig.
2Mula sa lugar na ito ay may mga sugong nakasakay sa sasakyang yari sa tambo ▼▼tambo: sa Ingles, papyrus o reed.
at dumadaan sa Ilog ng Nilo.Kayong mabibilis na sugo, bumalik na kayo sa inyong lupain na hinahati ng mga ilog. Bumalik na kayo sa inyong mga mamamayan na matatangkad at makikinis ang balat, mga taong makapangyarihan at kinakatakutan kahit saan.
3Kayong lahat ng naninirahan sa mundo, abangan ninyo ang pagtaas ng bandila sa ibabaw ng bundok, at pakinggan ninyo ang tunog ng trumpeta. 4Sapagkat ito ang sinabi sa akin ng Panginoon, “Mula sa aking luklukan, panatag akong nagmamasid na parang nagniningning na araw sa katanghaliang tapat, at parang namumuong ambon sa maalinsangang gabi sa panahon ng anihan.”
5Bago pa dumating ang panahon ng pag-ani, sa panahon pa lang ng pamumulaklak ng mga ubas at unti-unting paghinog ng mga bunga nito, puputulin na ng Dios ang mga sanga nito. 6Lilipulin ng Dios ang mga taga-Etiopia, at ang mga bangkay nila ay ipapaubaya sa ibong mandaragit at mababangis na hayop. Magiging pagkain sila ng mga ibon sa panahon ng tag-araw at ng mababangis na hayop sa panahon ng taglamig. 7Pero darating ang araw na tatanggap ang Panginoong Makapangyarihan ng mga handog mula sa lupaing ito na hinahati ng mga ilog. Ang mga mamamayan nitoʼy matatangkad, makikinis ang balat, makapangyarihan, at kinatatakutan kahit saan. Dadalhin nila ang kanilang mga regalo sa Bundok ng Zion, kung saan sinasamba ang Panginoong Makapangyarihan.
Copyright information for
TglASD