Haggai 1
Ang Panawagan ng Dios na Muling Ipatayo ang Templo
1Noong unang araw ng ikaanim na buwan, nang ikalawang taon ng paghahari ni Darius sa Persia, may sinabi ang Panginoon kina Zerubabel at Josue sa pamamagitan ni Propeta Hageo. Si Zerubabel na anak ni Shealtiel ang gobernador ng Juda, at si Josue na anak ni Jehozadak ang punong pari.2– 3Ito ang sinabi ng Panginoong Makapangyarihan sa pamamagitan ni Propeta Hageo, “Sinasabi ninyo na hindi pa ito ang panahon upang muling itayo ang aking templo. 4Matitiis nʼyo bang tumira sa magagandang bahay habang wasak ang templo? 5Isipin ninyo ang mga nangyayari sa inyo. 6Marami ang inihasik ninyo, pero kakaunti ang inyong ani. May pagkain nga kayo, pero kulang. May inumin nga kayo, pero hindi rin sapat. May damit kayo, pero giniginaw pa rin kayo. At may tinatanggap kayong sweldo, pero kulang pa rin. 7Kaya isipin ninyo ang mga nangyayari sa inyo. 8Ngayon, umakyat kayo sa bundok at kumuha ng mga kahoy, at itayo ninyong muli ang templo. Sa ganitong paraan, masisiyahan ako at mapaparangalan. Ako, ang Panginoon, ang nagsasabi nito.”
9Sinabi pa ng Panginoong Makapangyarihan, “Marami ang aning inaasahan ninyo, pero kakaunti lang ang naani ninyo. At sinira ko pa ito nang iuwi ninyo sa inyong bahay. Ginawa ko ito dahil wasak ang aking templo habang ang bawat isa sa inyo ay abalang gumagawa ng bahay ninyo. 10Kaya dahil sa inyo, ang langit ay hindi na magbibigay ng hamog, at ang lupa ay hindi na magbibigay ng ani. 11Pinatuyo ko ang lupain at ang mga kabundukan, kaya naapektuhan ang mga butil, katas ng ubas, langis, at ang iba pang mga ani, maging ang mga tao, at ang kanilang mga hayop at mga pananim.”
12At sinunod nga nina Zerubabel, Josue, at ng lahat ng Israelitang nakabalik sa Israel mula sa pagkabihag sa Babilonia ang sinabi ng Panginoon na kanilang Dios sa pamamagitan ni Propeta Hageo na kanyang sugo. Sa pamamagitan nito, ipinakita nila ang kanilang paggalang sa Panginoon.
13Sinabi ni Hageo na sugo ng Panginoon sa mga Israelita, “Sinasabi ng Panginoon na kasama ninyo siya.” 14Pinalakas ng Panginoon ang loob nina Zerubabel, Josue, at ng lahat ng Israelitang nakabalik sa Israel, upang muling itayo ang templo ng kanilang Panginoong Dios na Makapangyarihan. 15Sinimulan nila ang pagtatayo ng templo noong ika-24 na araw ng ikaanim na buwan, nang ikalawang taon ng paghahari ni Darius.
Copyright information for
TglASD