‏ Genesis 6

Ang Kasamaan ng Tao

1Hindi nagtagal, dumami ang mga tao sa mundo, at marami ang kabataan nilang babae. 2Nakita ng mga anak ng Dios
mga anak ng Dios: o, mga anghel; o, mga pinuno; o, lahi ni Set.
na ang mga babae ay magaganda. Kaya pumili sila ng magiging asawa nila sa sinumang maibigan nila.
3Ngayon, sinabi ng Panginoon, “Hindi ko papayagang mabuhay ang tao nang matagal dahil silaʼy tao lamang. Kaya mula ngayon, ang tao ay mabubuhay nang hindi hihigit sa 120 taon.”

4Nang panahong iyon, at kahit nitong huli, may mga kilalang tao sa mundo na mula sa lahi ng mga anak ng Dios na nagsipag-asawa ng magagandang babae. Silaʼy makapangyarihan at kilalang tao noong unang panahon.

5Nang makita ng Panginoon na ang ginagawa ng mga tao sa mundo ay puro kasamaan lang, at ang palagi nilang iniisip ay masama, 6nanghinayang siya kung bakit ginawa pa niya ang tao sa mundo. Labis ang kalungkutan niya, 7kaya sinabi niya, “Lilipulin ko ang lahat ng taong nilikha ko sa buong lupain. At lilipulin ko rin ang lahat ng hayop sa lupa pati ang mga hayop na lumilipad, dahil nanghihinayang ako sa paglikha sa kanila.” 8Pero may isang tao na nakapagbigay-lugod sa Panginoon, siya ay si Noe.

Si Noe

9Ito ang salaysay tungkol sa pamilya ni Noe.

Si Noe ay makadios. Siya lang ang namumuhay na matuwid sa kapanahunan niya, at malapit ang kanyang relasyon sa Dios.
10May tatlo siyang anak na lalaki na sina Shem, Ham at Jafet.

11Napakasama na ng mga tao sa paningin ng Dios, at ang kanilang kasamaan ay laganap na sa mundo. 12Nakita ng Dios na lubhang masama ang mga tao sa mundo dahil ang ginagawa nila ay puro kasamaan. 13Kaya sinabi niya kay Noe, “Lilipulin ko ang lahat ng tao. Dahil sa kanila, lumaganap ang kasamaan sa mundo. Lilipulin ko sila kasama ng mundo. 14Kaya ikaw Noe, gumawa ka ng barko mula sa matibay na kahoy, at gawan mo ito ng mga kwarto. Pagkatapos, pahiran mo ng alkitran ang loob at labas ng barko.
barko: sa ibang salin, arko.
15Gawin mo ito na may sukat na 450 talampakan ang haba, 75 talampakan ang luwang, at 45 talampakan ang taas. 16Lagyan mo ng bubong ang barko, at lagyan mo ng agwat na kalahating metro ang dingding at ang bubong. Gawan mo ang barko ng tatlong palapag, at lagyan ng pintuan sa gilid. 17Sapagkat pababahain ko ang mundo para malipol ang lahat ng nabubuhay. Mamamatay ang lahat ng nasa mundo. 18Pero gagawa ako ng kasunduan sa iyo. Papasok ka sa barko kasama ng asawa at ng mga anak mo pati ang mga asawa nila. 19Magpapasok ka rin ng isang lalaki at babae sa bawat uri ng hayop para mabuhay sila kasama mo. 20Dalawa sa bawat uri ng lahat ng hayop: mga lumilipad, lumalakad at gumagapang. Lalapit sila sa iyo para hindi sila mamatay. 21Magdala ka rin ng lahat ng uri ng pagkain para sa inyo at para rin sa mga hayop.”

22Sinunod ni Noe ang lahat ng iniutos ng Dios sa kanya.

Copyright information for TglASD