Genesis 50
1Niyakap agad ni Jose ang kanyang ama at hinalikan habang umiiyak. 2Pagkatapos, inutusan niya ang mga lingkod niyang manggagamot na embalsamohin ang kanyang ama. Kaya inembalsamo nila ito. 3Tumagal ang pag-eembalsamo sa kanya ng 40 araw, ayon sa kinaugalian ng mga Egipcio. Nagluksa ang mga Egipcio sa loob ng 70 araw.4Nang matapos ang kanilang pagluluksa, sinabi ni Jose sa mga opisyal ng Faraon, “Kung maaari ay sabihin ninyo sa Faraon 5na pahintulutan niya akong ilibing ang aking ama sa Canaan. Sapagkat bago siya namatay, ipinasumpa niya ako na ilibing ko siya sa libingang ipinagawa niya sa Canaan. Babalik din ako agad pagkatapos ng libing.”
6 Nang malaman ito ng Faraon, sinabi niya kay Jose, “Tuparin mo ang ipinangako mo sa iyong ama. Umalis ka at ilibing siya.”
7Kaya umalis si Jose kasama ang maraming opisyal ng Faraon: ang mga tagapamahala ng palasyo at ang mga tagapamahala ng Egipto. 8Kasama rin ang sambahayan ni Jose at ang sambahayan ng kanyang ama, pati ang kanyang mga kapatid. Ang naiwan sa Goshen ay ang maliliit nilang anak at ang mga hayop nila. 9Kasama rin nila ang mga karwahe at mga mangangabayo. Talagang napakarami nila.
10Pagdating nila sa giikan sa Atad, malapit sa Ilog ng Jordan, nagluksa sila roon para kay Jacob at labis ang kanilang pag-iyak. Labis ang kalungkutan ni Jose sa loob ng pitong araw para sa kanyang ama. 11Nang makita ng mga Cananeo ang pagdadalamhati nila sa may giikan sa Atad, sinabi nila “Labis ang pagdadalamhati ng mga Egipcio.” Kaya ang lugar na iyon na malapit sa Ilog ng Jordan ay tinawag na Abel Mizraim. ▼
▼Abel Mizraim: Ang ibig sabihin, ang pagdadalamhati ng mga Egipcio.
12Tinupad ng mga anak ni Jacob ang habilin niya sa kanila. 13Sapagkat dinala nila ang bangkay nito sa Canaan at inilibing sa kweba na nasa bukid sa Macpela, sa silangan ng Mamre. Binili ni Abraham ang bukid na ito kay Efron na Heteo para gawing libingan. 14Pagkatapos ng libing, bumalik si Jose sa Egipto kasama ang kanyang mga kapatid at ang lahat ng sumama sa paglilibing.
Ang Pangako ni Jose sa Kanyang mga Kapatid
15Ngayong patay na ang kanilang ama, sinabi ng mga kapatid ni Jose, “Baka nagkikimkim pa ng galit sa atin si Jose at gumanti siya sa ginawa natin sa kanya.” 16Kaya nagpadala sila ng mensahe kay Jose na nagsasabi, “Nagbilin ang ama natin bago siya mamatay 17na sabihin sa iyo na patawarin mo kami sa masamang ginawa namin sa iyo. Kaya ngayon, patawarin mo sana kami alang-alang sa Dios ng ating ama.” Nang makarating ang mensahe nila kay Jose, umiyak siya.18Hindi nagtagal, pumunta mismo ang mga kapatid niya sa kanya. Pagdating nila, nagpatirapa sila sa harapan niya bilang paggalang. Pagkatapos, sinabi nila, “Handa kaming maging alipin mo.”
19Pero sumagot si Jose sa kanila, “Huwag kayong matakot. Sino ako para makialam sa plano ng Dios? 20Totoong nagplano kayo ng masama sa akin, pero plinano na ng Dios na magdulot iyon ng kabutihan na siyang nagligtas ng marami sa inyo sa taggutom. 21Kaya huwag kayong matakot. Susustentuhan ko kayo ng pagkain pati ang mga anak ninyo.” Pinangakuan sila ni Jose at nakapagbigay ito ng kaligayahan sa kanila.
Ang Pagkamatay ni Jose
22Nanatili si Jose sa Egipto kasama ang buong sambahayan ng kanyang ama. Nabuhay siya ng 110 taon, 23at nakita pa niya ang mga apo niya sa tuhod sa anak niyang si Efraim at sa apo niyang si Makir na anak ni Manase. Itinuring niya bilang sariling anak ang mga anak ni Makir.24Ngayon, sinabi ni Jose sa kanyang mga kamag-anak, “Malapit na akong mamatay, pero hindi kayo pababayaan ng Dios. Kukunin niya kayo sa lugar na ito at dadalhin sa lugar na ipinangako niya kay Abraham, Isaac at Jacob.” 25Pagkatapos, pinasumpa ni Jose ang mga Israelita. Sinabi niya, “Ipangako ninyo na kung paaalisin na kayo rito ng Dios, dadalhin din ninyo ang mga buto ko sa pag-alis nʼyo sa lupaing ito.”
26Namatay si Jose roon sa Egipto sa edad na 110. Inembalsamo siya at inilagay sa kabaong.
Copyright information for
TglASD