‏ Genesis 47

1Pagkatapos, umalis si Jose at pumunta sa Faraon kasama ang lima sa kanyang kapatid. Sinabi ni Jose sa hari, “Dumating na po ang aking ama at mga kapatid galing sa Canaan, at dala po nila ang mga hayop nila at ang lahat ng kanilang ari-arian. Naroon po sila ngayon sa Goshen.” 2Ipinakilala niya agad sa Faraon ang lima sa kanyang kapatid.

3Tinanong sila ng Faraon, “Ano ang trabaho ninyo?”

Sumagot sila, “Mga pastol po kami ng hayop, katulad ng mga magulang namin.
4Pumunta kami rito para pansamantalang manirahan dahil matindi po ang taggutom sa Canaan, at wala na kaming mapagpastulan ng mga hayop namin. Hinihiling po namin sa inyo na kung maaari ay payagan nʼyo kaming manirahan sa Goshen.”

5Sinabi ng Faraon kay Jose, “Ngayong dumating na ang iyong ama at mga kapatid, 6nakabukas ang Egipto para sa pamilya ninyo. Patirahin sila sa Goshen, na isa sa magagandang lupain sa Egipto. Kung may mapipili ka sa kanila na mapagkakatiwalaan, gawin silang tagapagbantay ng mga hayop ko.”

7Dinala ni Jose ang kanyang ama sa Faraon at ipinakilala. Pagkatapos, binasbasan
binasbasan: o, kinamusta.
ni Jacob ang Faraon.
8Tinanong siya ng Faraon, “Ilang taon ka na?”

9Sumagot siya, “130 taon. Maikli at mahirap po ang naging buhay ko rito sa lupa. Hindi ito umabot sa kahabaan ng buhay ng aking mga ninuno.” 10Pagkatapos, muli niyang binasbasan ang Faraon,
muli niyang binasbasan ang Faraon: o, nagpaalam si Jacob sa Faraon na uuwi na siya.
at umalis siya sa harapan ng Faraon.

11Ayon sa utos ng Faraon, inilagay ni Jose sa ayos ang kanyang ama at mga kapatid sa Egipto; ibinigay niya sa kanila ang lugar ng Rameses,
Rameses: o, Goshen.
na isa sa pinakamagandang lupain sa Egipto.
12Sinustentuhan ni Jose ng pagkain ang kanyang ama, mga kapatid at ang buong sambahayan ng kanyang ama ayon sa dami ng kanilang mga anak.

13Ngayon, malala na ang taggutom kaya wala nang pagkain kahit saan. Nanghina na ang mga tao sa Egipto at sa Canaan dahil sa gutom. 14Tinipon ni Jose ang lahat ng perang ibinayad ng mga taga-Egipto at taga-Canaan na bumili ng pagkain, at dinala ito sa palasyo ng Faraon. 15Dumating ang panahon na naubos na ang perang pambili ng mga taga-Egipto at ng mga taga-Canaan. Pumunta ang mga taga-Egipto kay Jose at sinabi, “Wala na po kaming pera. Kung maaari bigyan na lang ninyo kami ng pagkain dahil mamamatay na kami sa gutom.”

16Sinabi ni Jose, “Kung wala na talaga kayong pera, dalhin nʼyo rito ang mga hayop ninyo at iyon ang ibayad ninyo sa pagkain ninyo.” 17Kaya dinala nila kay Jose ang kanilang mga kabayo, tupa, baka at asno, at ipinalit ito sa pagkain. Sa loob ng isang taon, sinustentuhan sila ni Jose ng pagkain kapalit ng kanilang mga hayop.

18Pagkalipas ng isang taon, pumunta na naman ang mga tao kay Jose at nagsabi, “Hindi po maitatago sa inyo na wala na kaming pera at ang mga hayop namin ay nariyan na sa inyo. Wala na pong naiwan sa amin, maliban sa aming sarili at mga lupain. 19Kaya tulungan nʼyo po kami para hindi kami mamatay at hindi mapabayaan ang mga lupain namin. Payag po kami na maging alipin na lang ng hari at mapasakanya ang mga lupain namin para may makain lang kami. Bigyan nʼyo po kami agad ng mga binhi na maitatanim para hindi kami mamatay at hindi namin mapabayaan ang mga lupain namin.”

20Kaya ipinagbili ng lahat ng taga-Egipto ang mga lupain nila kay Jose dahil matindi na ang taggutom. Binili ni Jose ang lahat ng ito para sa hari, kaya ang mga lupaing iyon ay naging pag-aari ng Faraon. 21Ginawa ni Jose na mga alipin ng Faraon ang mga tao sa buong Egipto. 22Ang mga lupain lang ng mga pari ang hindi nabili ni Jose. Hindi nila kailangang ipagbili ang mga lupain nila dahil sinusustentuhan sila ng Faraon ng pagkain at ng mga pangangailangan nila.

23Sinabi ni Jose sa mga tao, “Ngayon na nabili ko na kayo pati ang mga lupain ninyo para sa Faraon, heto ang binhi para makapagtanim kayo. 24Kapag aani kayo, ibigay ninyo sa Faraon ang 20 porsiyento ng ani ninyo. At sa inyo na ang matitira, para may maitanim kayo at may makain ang buong sambahayan ninyo.” 25Sinabi ng mga tao, “Ginoo, napakabuti po ninyong amo sa amin; iniligtas nʼyo ang buhay namin. Pumapayag po kami na maging alipin ng Faraon.”

26Kaya ginawa ni Jose ang kautusan sa lupain ng Egipto na ang 20 porsiyento ng ani ay para sa Faraon. Ang kautusang ito ay nagpapatuloy pa hanggang ngayon. Ang mga lupain lang ng mga pari ang hindi naging pag-aari ng Faraon.

27Tumira ang mga Israelita sa Goshen na sakop ng Egipto. Nagkaroon sila roon ng lupain at dumami pa ang lahi nila.

28Tumira si Jacob sa Egipto sa loob ng 17 taon, nabuhay siya hanggang 147 taon. 29Nang naramdaman niyang malapit na siyang mamatay, tinawag niya si Jose at sinabi, “Kung maaari, ilagay mo ang kamay mo sa pagitan ng dalawang hita
ilagay … hita: Tingnan ang “footnote” sa 24:2.
ko at manumpa ka na ipagpapatuloy mo ang pagpapakita ng iyong kagandahang-loob sa akin. Huwag mo akong ilibing dito sa Egipto.
30Kapag namatay na ako, ilibing mo ako sa libingan ng aking mga ninuno.”

Sumagot si Jose, “Gagawin ko po ang sinasabi ninyo.”

31Sinabi ni Jacob, “Sumumpa ka sa akin.” Kaya sumumpa si Jose sa kanya. Lumuhod si Jacob sa kanyang higaan para magpasalamat sa Dios.

Copyright information for TglASD