Genesis 41
Ipinaliwanag ni Jose ang Panaginip ng Faraon
1Pagkalipas ng dalawang taon, nanaginip ang Faraon ▼▼Faraon: o, hari ng Egipto. Ganito rin sa sumusunod na mga talata.
na nakatayo siya sa pampang ng Ilog ng Nilo. 2Sa kanyang panaginip, biglang may umahon na pitong maganda at matabang baka na kumakain ng damo. 3Maya-maya paʼy may umahon din na pitong pangit at payat na baka, 4nilapitan ng pitong pangit at payat na baka ang pitong maganda at matabang baka, at kinain. At nagising agad ang Faraon. 5Muling nakatulog ang Faraon at nanaginip na naman. Sa kanyang panaginip, nakakita siya ng pitong uhay na mataba ang butil na sumulpot sa isang sanga. 6At sa sanga ring iyon, sumulpot ang pitong uhay na payat ang butil na natuyo dahil sa mainit na hangin na galing sa silangan. ▼
▼hangin na galing sa silangan: Kung nasa Israel ka, galing sa bandang silangan. Pero kung nasa Egipto ka, galing sa bandang timog.
7Kinain agad ng mapapayat na uhay ang pitong matatabang uhay. At nagising agad ang hari. Akala niyaʼy totoo iyon pero panaginip lang pala. 8Kinaumagahan, litong-lito ang isip ng Faraon tungkol sa mga panaginip niya, kaya ipinatawag niya ang lahat ng salamangkero at matatalinong tao sa Egipto. Sinabi niya sa kanila ang mga panaginip niya, pero wala ni isa man sa kanila ang makapagpaliwanag kung ano ang kahulugan nito.
9Pagkatapos, lumapit ang pinuno ng mga tagasilbi niya ng alak at nagsabi, “Naalala ko na po ngayon ang mga kasalanan ko. 10Hindi po baʼt nagalit kayo noon sa akin at sa pinuno ng mga panadero, at ipinakulong nʼyo po kami sa bahay ng kapitan ng mga guwardya sa palasyo? 11Isang gabi noon, nanaginip kaming dalawa, at magkaiba po ang kahulugan ng panaginip namin. 12May kasama kami roon na binatang Hebreo, na alipin ng kapitan ng mga guwardya sa palasyo. Sinabi po namin sa kanya ang panaginip namin at ipinaliwanag niya sa amin ang kahulugan nito. 13Nagkatotoo ang sinabi niya tungkol sa amin: Pinabalik nʼyo po ako sa trabaho ko at ipinabitin ninyo sa puno ang bangkay ng kasama ko.”
14Kaya ipinatawag ng Faraon si Jose, at pinalabas siya agad sa bilangguan. Pagkatapos siyang gupitan at ahitan, nagpalit siya ng damit at pumunta sa Faraon.
15Sinabi ng Faraon sa kanya, “Nanaginip ako pero walang makapagpaliwanag ng kahulugan nito. May nagsabi sa akin na marunong kang magpaliwanag ng kahulugan ng mga panaginip.”
16Sumagot si Jose, “Hindi po ako, Mahal na Hari, kundi ang Dios ang siyang magbibigay ng kahulugan ng mga panaginip ninyo para sa ikabubuti ninyo.”
17Sinabi ng Faraon ang panaginip niya kay Jose. Sinabi niya, “Nanaginip ako na nakatayo ako sa pampang ng Ilog Nilo. 18Biglang may umahon na pitong maganda at matabang baka, at kumain sila ng damo. 19Maya-maya paʼy may umahon ding pitong pangit at payat na baka. Wala pa akong nakitang baka sa buong Egipto na ganoon kapangit. 20Kinain ng mga pangit at payat na baka ang pitong matatabang baka na unang nagsiahon. 21Pero pagkakain nila, hindi man lang halata na nakakain sila ng ganoon dahil ganoon pa rin sila kapapayat. At bigla akong nagising.
22“Pero nakatulog ulit ako at nanaginip na naman. Nakakita ako ng pitong uhay na mataba ang butil na sumulpot sa isang sanga. 23At sa sanga ring iyon, sumulpot din ang pitong uhay na payat ang butil at natuyo dahil sa mainit na hangin na galing sa silangan. 24At kinain ng mga payat na uhay ang pitong matatabang butil na uhay. Sinabi ko na ito sa mga salamangkero, pero wala ni isa man sa kanila ang makapagpaliwanag ng kahulugan nito.”
25Sinabi ni Jose sa Faraon, “Mahal na Hari, ang dalawang panaginip po ninyo ay iisa lang ang kahulugan. Sa pamamagitan ng mga panaginip ninyo, ipinapahayag sa inyo ng Dios kung ano ang kanyang gagawin. 26Ang pitong matatabang baka at pitong matatabang uhay ay parehong pitong taon ang kahulugan. 27Ang pitong payat at pangit na baka at ang pitong payat na butil na uhay na pinatigas ng mainit na hangin na galing sa silangan ay nangangahulugan po ng pitong taong taggutom.
28“Gaya po ng sinabi ko sa inyo, Mahal na Faraon, ipinapahayag sa inyo ng Dios kung ano po ang kanyang gagawin. 29Sa loob po ng darating na pitong taon, magiging labis ang kasaganaan sa buong Egipto. 30Pero susundan po agad ito ng pitong taon na taggutom, at makakalimutan na ng mga tao ang naranasan nilang kasaganaan dahil ang taggutom ay nagdulot ng pinsala sa lupain ng Egipto. 31Matinding taggutom po ang darating na parang hindi nakaranas ng kasaganaan ang lupain ng Egipto. 32Dalawang beses po kayong nanaginip, Mahal na Faraon, para malaman nʼyo na itinakda ng Dios na mangyayari ito at malapit na itong mangyari.
33“Kaya ngayon, Mahal na Faraon, iminumungkahi ko po na dapat kayong pumili ng isang matalinong tao para mamahala sa lupain ng Egipto. 34Maglagay din po kayo ng mga opisyal sa buong Egipto para ihanda ▼
▼para ihanda: o, para mangolekta ng 20 porsiyento ng lahat ng ani.
ang lugar na ito sa loob ng pitong taon na kasaganaan. 35Sa mga panahong iyon, ipaipon nʼyo rin po sa kanila ang lahat ng makokolekta ninyo galing sa mga ani at sa ilalim ng inyong pamamahala, ipatago po ninyo sa kanila ang mga ani sa mga kamalig ng mga lungsod. 36Ang mga pagkaing ito ay ilalaan para sa mga tao kapag dumating na ang pitong taong taggutom sa Egipto, para hindi sila magutom.” Ginawang Tagapamahala si Jose sa Egipto
37Nagustuhan ng hari at ng kanyang mga opisyal ang mungkahi ni Jose. 38Sinabi niya sa kanyang mga opisyal, “Wala na tayong makikita pang ibang tao na kagaya ni Jose na ginagabayan ng Espiritu ng Dios.”39Kaya sinabi ng Faraon kay Jose, “Sapagkat sinabi sa iyo ng Dios ang mga bagay na ito, wala na sigurong iba pang tao na may kaalaman at pang-unawa na kagaya mo. 40– 41Gagawin kita ngayon na tagapamahala ng aking kaharian at gobernador ng buong Egipto, at susunod sa iyo ang lahat ng tauhan ko. Pero mas mataas pa rin ang karapatan ko kaysa sa iyo.” 42Tinanggal agad ng Faraon ang kanyang singsing na pangtatak at isinuot sa daliri ni Jose. Pinasuotan niya si Jose ng espesyal na damit na gawa sa telang linen at pinasuotan ng gintong kwintas. 43Ipinagamit din niya kay Jose ang kanyang pangalawang karwahe, ▼
▼ang kanyang pangalawang karwahe: o, ang karwahe ng opisyal na pangalawa sa kanya.
at may mga tagapamalita na mauuna sa kanya na sumisigaw, “Lumuhod kayo sa gobernador!” Kaya simula noon, naging gobernador si Jose sa buong lupain ng Egipto. 44Sinabi pa ng Faraon kay Jose, “Ako ang hari rito sa Egipto, Pero walang sinuman ang gagawa ng kahit ano rito sa Egipto nang walang pahintulot mo.” 45Pinangalanan niya si Jose ng Zafenat Panea. Pinag-asawa rin niya si Jose kay Asenat na anak ni Potifera na pari mula sa lungsod ng On. Bilang gobernador, si Jose na ang namahala sa Egipto.
46Si Jose ay 30 taong gulang pa lang nang magsimulang maglingkod sa Faraon. Umalis siya sa palasyo at umikot sa buong Egipto.
47Tunay ngang naging masagana ang ani sa loob ng pitong taong kasaganaan. 48At sa panahong iyon, ipinaipon ni Jose ang lahat ng nakolekta galing sa mga ani. ▼
▼Tingnan ang 47:24.
Ipinatago niya sa bawat lungsod ang mga ani na galing sa bukid sa palibot nito. 49Napakarami ng trigong naipon ni Jose; parang kasing dami ng buhangin sa tabing-dagat. Itinigil na lang niya ang pagtatakal nito dahil hindi na ito makayanang takalin. 50Bago dumating ang taggutom, ipinanganak ang dalawang anak ni Jose kay Asenat na anak ni Potifera na pari ng lungsod ng On. 51Pinangalanan ni Jose ang panganay na Manase ▼
▼Manase: Maaaring ang ibig sabihin, kinalimutan.
dahil ayon sa kanya, “Dahil sa tulong ng Dios, nakalimutan ko ang mga paghihirap ko at ang aking pananabik sa sambahayan ng aking ama.” 52Pinangalanan niya ang pangalawa niyang anak na Efraim. ▼▼Efraim: Maaaring ang ibig sabihin, nagbunga o naging masagana.
Sapagkat ayon sa kanya, “Dahil sa tulong ng Dios, naging masagana ako sa lugar kung saan nakaranas ako ng mga paghihirap.” 53Natapos na ang pitong taong kasaganaan sa Egipto, 54at nagsimula na ang pitong taong taggutom katulad ng sinabi ni Jose. May taggutom sa ibaʼt ibang lugar pero may pagkain sa buong Egipto. 55Dumating ang panahon na naramdaman din ng mga taga-Egipto ang taggutom, kaya humingi sila ng pagkain sa hari. Sinabi ng hari sa kanila, “Pumunta kayo kay Jose dahil siya ang magsasabi sa inyo kung ano ang gagawin ninyo.”
56Lumaganap ang taggutom kahit saan. At dahil sa matinding taggutom sa buong Egipto, pinabuksan ni Jose ang lahat ng kamalig at pinagbilhan ng pagkain ang mga taga-Egipto. 57Pumunta rin sa Egipto ang halos lahat ng bansa para bumili ng pagkain kay Jose dahil matindi ang taggutom sa kanilang bansa.
Copyright information for
TglASD