Genesis 27
Binasbasan ni Isaac si Jacob
1Matandang matanda na si Isaac at halos hindi na makakita. Isang araw, tinawag niya ang panganay niyang anak na si Esau. Sinabi niya, “Anak.” Sumagot si Esau, “Narito po ako ama.” 2Sinabi ni Isaac, “Matanda na ako at hindi magtatagal ay mamamatay na ako. 3Mabuti pang kunin mo ang pana mo. Pumunta ka sa bukid at mangaso ka para sa akin. 4Pagkatapos, ipagluto mo ako ng paborito kong pagkain at dalhin mo agad ito para makakain ako. At babasbasan kita bago ako mamatay.”5Nakikinig pala si Rebeka habang kausap ni Isaac si Esau. Kaya nang pumunta si Esau sa bukid para mangaso, 6kinausap ni Rebeka ang anak niyang si Jacob, “Narinig ko ang sinabi ng iyong ama kay Esau na 7mangaso at agad siyang ipagluto ng paborito niyang pagkain. Sapagkat bago raw siya mamatay babasbasan niya si Esau sa presensya ng Panginoon. 8Kaya anak, sundin mo ang iuutos ko sa iyo: 9Pumunta ka sa mga hayop natin at kumuha ka ng dalawang matabang batang kambing, at ipagluluto ko ang iyong ama ng paborito niyang pagkain. 10Pagkatapos, dalhin mo ito sa kanya para basbasan ka niya bago siya mamatay.”
11Pero sinabi ni Jacob sa kanyang ina, “Alam naman po ninyo na balbon si Esau at ako namaʼy hindi. 12Baka hawakan po ako ni ama at malaman niyang niloloko ko lang siya at sumpain po niya ako sa halip na basbasan.”
13Sumagot si Rebeka, “Anak, ako ang mananagot kung susumpain ka niya, basta gawin mo lang ang iniuutos ko sa iyo. Lumakad ka na at dalhan mo ako ng kambing.”
14Kaya kumuha si Jacob ng dalawang kambing at dinala niya sa kanyang ina, at niluto ni Rebeka ang paboritong pagkain ni Isaac. 15Pagkatapos, kinuha niya ang pinakamagandang damit ni Esau na nasa bahay nila at ipinasuot kay Jacob. 16Nilagyan niya ng balat ng kambing ang braso ni Jacob pati ang leeg nito na hindi balbon. 17Pagkatapos, ibinigay niya kay Jacob ang pagkain at ang tinapay na niluto niya.
18Dinala iyon ni Jacob sa kanyang ama at sinabi, “Ama!”
Sinabi ni Isaac, “Sino ka ba anak ko?” 19Sumagot si Jacob, “Ako po si Esau, ang panganay nʼyong anak. Nagawa ko na po ang iniutos ninyo sa akin. Bumangon po kayo at kumain ng pinangaso ko para mabasbasan nʼyo po ako.”
20Sinabi ni Isaac, “Anak, paano mo ito nahuli agad?” Sumagot si Jacob, “Tinulungan po ako ng Panginoon na inyong Dios.”
21Sinabi ni Isaac, “Lumapit ka sa akin anak ko para mahawakan kita kung ikaw nga talaga si Esau.”
22Kaya lumapit si Jacob, at hinawakan siya ng kanyang ama at sinabi, “Ang boses mo ay parang kay Jacob pero ang braso mo ay parang kay Esau.” 23Hindi nakilala ni Isaac si Jacob, dahil ang braso niya ay balbon din katulad ng kay Esau.
Bago niya basbasan si Jacob, 24nagtanong pa siya, “Ikaw ba talaga si Esau?”
Sumagot si Jacob, “Opo, ako nga po.”
25Sinabi ni Isaac, “Sige nga, dalhin mo rito ang niluto mo mula sa pinangaso mo, at pagkatapos kong kumain ay babasbasan kita.”
Kayaʼt binigyan siya ni Jacob ng makakain at maiinom, at kumain siya at uminom. 26Pagkatapos, sinabi ni Isaac sa kanya, “Lumapit ka sa akin, anak, at hagkan mo ako.”
27Lumapit si Jacob sa kanya at hinagkan ang kanyang ama. Nang maamoy ni Isaac ang damit nito, binasbasan niya agad si Jacob na nagsasabi,
“Ang amoy ng aking anak ay katulad ng amoy ng bukid na binasbasan ng Panginoon.
28Nawaʼy bigyan ka ng Dios ng lupaing masagana ang ani na palaging may hamog na biyaya niya, ▼
▼hamog na biyaya niya: sa literal, hamog ng langit.
para maging sagana ang pagkain at katas ng inumin mo. 29Nawaʼy magpasakop at maglingkod sa iyo ang maraming tao.
Nawaʼy maghari ka sa mga kamag-anak mo at magpasakop sila sa iyo.
Nawaʼy ang sumusumpa sa iyo ay susumpain din,
at ang magpapala sa iyo ay pagpapalain din.”
Nagmakaawa si Esau na Basbasan din Siya
30Pagkatapos basbasan ni Isaac si Jacob, lumakad agad si Jacob. Kaaalis lang niya ay dumating naman agad si Esau mula sa pangangaso. 31Nagluto rin siya ng masarap na pagkain at dinala niya sa kanyang ama. Sinabi niya, “Ama, bumangon po kayo at kumain ng pinangaso ko para mabasbasan po ninyo ako.” 32Nagtanong si Isaac sa kanya, “Sino ka?” Sumagot siya, “Ako po si Esau, ang panganay nʼyong anak.” 33Nang marinig ito ni Isaac, nanginig siya at sinabi, “Sino kaya ang unang nangaso at nagdala rito sa akin ng pagkain? Katatapos ko lang kainin iyon nang dumating ka. Ibinigay ko na sa kanya ang aking basbas at hindi ko na iyon mababawi.”34Pagkarinig nito ni Esau, umiyak siya nang labis. Sinabi niya, “Ama, basbasan nʼyo rin po ako!”
35Pero sumagot si Isaac, “Niloko ako ng nakababatang kapatid mo at nakuha na niya ang basbas ko na para sana sa iyo.”
36Sinabi ni Esau, “Pangalawang beses na ito na niloko niya ako. Kaya pala Jacob ▼
▼Jacob: Ang ibig sabihin, manloloko.
ang pangalan niya. Kinuha na niya ang karapatan ko bilang panganay at ngayon, kinuha pa niya ang basbas na para sa akin.” Pagkatapos, nagtanong siya, “Ama, wala na po bang natitirang basbas na para sa akin?” 37Sumagot si Isaac, “Ginawa ko na siya na maging iyong amo at ginawa ko rin ang lahat ng kamag-anak niya na maging mga alipin niya. Ibinigay ko na sa kanya ang saganang pagkain at inumin. Kaya ano pa ang maibibigay ko para sa iyo anak?”
38Nagmakaawa pa si Esau sa kanyang ama, “Ama, wala na po bang kahit isang basbas? Basbasan nʼyo rin po ako.” At patuloy ang kanyang paghagulgol.
39Sinabi ni Isaac sa kanya,
“Hindi aani ng sagana ang lupaing titirhan mo,
at palagi itong walang hamog na biyaya ng Dios.
40Palagi kang makikipaglaban,
at maglilingkod ka sa iyong kapatid.
Pero kung lalaban ka sa kanya,
makakalaya ka sa kanyang kapangyarihan.”
41Kinapootan ni Esau si Jacob dahil sa basbas na ibinigay ng kanyang ama kay Jacob. Sinabi ni Esau sa kanyang sarili, “Malapit nang mamatay si ama; kapag namatay na siya, papatayin ko si Jacob.”
42Pero nabalitaan ni Rebeka ang balak ni Esau, kaya ipinatawag niya si Jacob at sinabi, “Ang kuya mong si Esau ay balak kang patayin para mawala ang galit niya sa iyo. 43Kaya makinig ka sa sasabihin ko: Tumakas ka at pumunta sa Haran, doon sa kapatid kong si Laban. 44Doon ka muna hanggang mawala ang galit ng iyong kuya, 45at makalimutan na niya ang iyong ginawa sa kanya. Ipapasundo na lang kita roon kapag hindi na siya galit sa iyo. Hindi ko hahayaang mawala kayong dalawa sa akin, baka isang araw magpatayan kayo.”
Pinapunta ni Isaac si Jacob kay Laban
46Ngayon, sinabi ni Rebeka kay Isaac, “Nagsasawa na ako sa buhay ko dahil sa mga asawang Heteo ni Esau. Kung ang magiging asawa ni Jacob ay taga-rito rin lang na isang babaeng Heteo mabuti pang mamatay na lang ako.”
Copyright information for
TglASD