Genesis 23
Namatay si Sara, at Bumili si Abraham ng Paglilibingan.
1Nabuhay si Sara ng 127 taon. 2Namatay siya sa Kiriat Arba (na tinatawag ding Hebron) sa lupain ng Canaan. Labis ang paghihinagpis ni Abraham sa pagkamatay ni Sara.3Ngayon, iniwan muna ni Abraham ang bangkay ng asawa niya at nakipagkita siya sa mga Heteo at sinabi sa kanila, 4“Nakatira ako rito sa lugar ninyo bilang isang dayuhan, kaya kung maaari ay pagbilhan din ninyo ako ng lupa na maaari kong paglibingan ng asawa ko.” 5Sumagot ang mga Heteo, 6“Ginoo, makinig ka muna sa amin. Kilala ka namin na isang tanyag na tao, kaya maaari mong ilibing ang asawa mo kahit saan na pinakamabuting libingan dito sa amin. Walang sinuman sa amin ang magkakait sa iyo ng kanyang libingan para mailibing mo ang asawa mo.”
7Yumukod agad si Abraham sa harapan ng mga Heteo. 8Pagkatapos, sinabi niya, “Kung payag kayo na rito ko ilibing ang asawa ko, tulungan nʼyo ako na kausapin si Efron na anak ni Zohar 9na ibenta niya sa akin ang kweba niya na nasa tabi ng bukirin niya sa Macpela. Sabihin ninyo sa kanya na babayaran ko siya sa tamang halaga rito mismo sa harapan ninyo para maging akin ito at gawing libingan.”
10Naroon pala si Efron na nakaupo kasama ng mga kababayan niyang Heteo. Kaya sumagot siya kay Abraham na naririnig ng lahat ng Heteo na nagtitipon doon sa pintuan ng lungsod. 11Sinabi niya, “Sa harap ng mga kababayan ko ay ibinibigay ko sa iyo ang buong bukirin pati na ang kweba. Kaya maaari mo nang ilibing ang asawa mo.”
12Muling yumukod si Abraham tanda ng pagpapasalamat sa harapan ng mga Heteo. 13Kaya sinabi niya kay Efron na naririnig ng lahat, “Makinig kayo sa akin. Babayaran ko ang halaga ng bukirin. Tanggapin mo ang bayad ko para mailibing ko na doon ang asawa ko.”
14Sumagot si Efron, 15“Ginoo, ang lupa ay nagkakahalaga ng 400 pirasong pilak. Pero ano naman iyon sa ating dalawa. Sige, ilibing mo na ang asawa mo.”
16Pumayag si Abraham sa halagang sinabi ni Efron. Kaya nagkilo siya ng 400 pirasong pilak ayon sa bigat na pinagbabasihan noon ng mga mangangalakal. At ibinayad niya ito kay Efron sa harap ng mga Heteo.
17– 18Kaya naging pag-aari ni Abraham ang bukid ni Efron sa Macpela, sa silangan ng Mamre, pati na ang kweba at ang mga punongkahoy sa paligid ng bukid. Saksi ang lahat ng Heteo na nagtipon doon sa pintuan ng lungsod. 19Inilibing agad ni Abraham si Sara sa kweba na nasa bukirin ng Macpela, na sakop ng lupain ng Canaan. Ang Macpela ay malapit sa Mamre na siyang Hebron. 20Kaya ang bukid pati ang kweba, na dating pagmamay-ari ng mga Heteo ay naging kay Abraham na at ginawa niya itong libingan.
Copyright information for
TglASD