‏ Genesis 21

Ang Pagsilang ni Isaac

1Ngayon, inalala ng Panginoon si Sara ayon sa kanyang ipinangako. 2Nagbuntis si Sara at nanganak ng lalaki kahit matanda na si Abraham. Isinilang ang sanggol sa panahon na sinabi noon ng Dios. 3Pinangalanan ni Abraham ang sanggol na Isaac.

4Nang walong araw na ang sanggol, tinuli siya ni Abraham ayon sa iniutos sa kanya ng Dios. 5Nang ipinanganak si Isaac, 100 taong gulang na si Abraham. 6Sinabi ni Sara, “Pinatawa ako ng Dios, at kahit sinong makarinig ng tungkol sa nangyari sa akin ay matatawa rin. 7Sino kaya ang makapagsasabi kay Abraham na makakapagpasuso pa ako ng sanggol? Pero nagkaanak pa ako kahit matanda na siya.”

8Lumaki si Isaac, at nang araw na naawat na siya sa pagsuso sa kanyang ina, nagdaos si Abraham ng isang malaking handaan.

Pinalayas si Hagar at si Ishmael

9Isang araw, nakita ni Sara na tinutukso ni Ishmael si Isaac. (Si Ishmael ay anak ni Abraham kay Hagar na Egipcio.) 10Kaya sinabi ni Sara kay Abraham, “Palayasin mo ang babaeng alipin at ang anak niya, dahil ang anak ng babaeng alipin ay hindi maaaring makibahagi sa mamanahin ng anak kong si Isaac.” 11Labis itong ikinalungkot ni Abraham dahil anak din niya si Ishmael. 12Pero sinabi ng Dios sa kanya, “Hindi mo dapat ikalungkot ang tungkol kay Ishmael at kay Hagar. Sundin mo ang sinabi ni Sara, dahil kay Isaac magmumula ang mga lahi na aking ipinangako. 13At tungkol naman kay Ishmael, bibigyan ko rin siya ng maraming lahi at magiging isang bansa rin sila, dahil anak mo rin siya.”

14Kinabukasan, maagang kumuha si Abraham ng pagkain at tubig na nakalagay sa sisidlang-balat, at inilagay niya ito sa balikat ni Hagar. Pagkatapos, umalis si Hagar kasama ang kanyang anak. Naglakbay sila sa ilang ng Beersheba na hindi alam kung saan sila pupunta. 15Nang naubos na ang kanilang tubig, iniwan niya ang anak niya sa ilalim ng isa sa mga mababang punongkahoy 16at lumakad siya na may layong mga 100 metro mula sa kanyang anak. Doon siya umupo at umiiyak na nagsabi sa kanyang sarili, “Hindi ko matitiis na pagmasdan ang kamatayan ng anak ko.”

17Ngayon, narinig ng Dios ang iyak ng bata. Kaya sinabi ng anghel ng Dios kay Hagar mula roon sa langit, “Ano ang gumugulo sa iyo Hagar? Huwag kang matakot; narinig ng Dios ang iyak ng anak mo. 18Tumayo ka at ibangon mo ang bata, dahil gagawin kong malaking bansa ang kanyang mga lahi.” 19Pagkatapos, may ipinakita ang Dios sa kanya na isang balon. Pumunta siya roon at nilagyan ng tubig ang sisidlan niya. Pagkatapos, pinainom niya ang kanyang anak.

20 21Hindi pinabayaan ng Dios si Ishmael hanggang lumaki ito. Doon siya tumira sa ilang ng Paran at naging isa siyang mahusay na mamamana. Dumating ang panahon na pinapag-asawa siya ng kanyang ina sa isang Egipcio.

Ang Kasunduan nina Abraham at Abimelec

22Nang panahong iyon,
Nang panahong iyon: Nang pinaalis ni Abraham si Hagar at si Ishmael; o, Nang namumuhay na sila sa ilang ng Paran.
pumunta si Abimelec kay Abraham kasama ang kumander ng mga sundalo niya na si Picol. Sinabi ni Abimelec kay Abraham, “Tinutulungan ka talaga ng Dios sa lahat ng ginagawa mo.
23Kaya, mangako ka rito sa pangalan ng Dios na hindi mo ako pagtataksilan pati na ang aking mga lahi. Ipakita mo ang kabutihan mo sa akin at sa lugar na ito na tinitirhan mo ngayon, tulad din ng ipinakita kong kabutihan sa iyo.” 24Sumagot si Abraham, “Isinusumpa ko.”

25Pero dumaing si Abraham kay Abimelec tungkol sa balon na inagaw ng mga alipin niya. 26Sinabi ni Abimelec, “Hindi ko alam kung sino ang gumawa niyan. Hindi mo naman ako sinabihan, at ngayon ko lang nalaman iyon.” 27Kaya kumuha si Abraham ng mga tupa at baka, at ibinigay niya kay Abimelec. Pagkatapos, gumawa silang dalawa ng kasunduan. 28Kumuha rin si Abraham ng pitong babaeng tupa at ibinukod ito. 29Nagtanong si Abimelec, “Para kanino ang pitong babaeng tupa na ibinukod mo?” 30Sumagot si Abraham, “Tanggapin mo ang pitong babaeng tupa na ito bilang katibayan na ako ang naghukay ng balong iyan.” 31Dahil sa sumpaan nila, ang lugar na iyon ay tinawag na Beersheba.
Beersheba: Ang ibig sabihin, pinanumpaang balon.


32Pagkatapos ng sumpaan nila roon sa Beersheba, bumalik si Abimelec at si Picol sa lupain ng mga Filisteo. 33Nagtanim si Abraham ng isang punongkahoy na tamarisko roon sa Beersheba at sumamba siya sa Panginoon, ang Dios na walang hanggan. 34Nanirahan si Abraham sa lupain ng mga Filisteo sa mahabang panahon.

Copyright information for TglASD