Genesis 20
Si Abraham at si Abimelec
1Umalis sina Abraham sa Mamre at pumunta sa Negev. Doon sila tumira sa kalagitnaan ng Kadesh at Shur. Hindi nagtagal, lumipat sila sa Gerar. 2Habang naroon sila, ang pakilala ni Abraham kay Sara sa mga tao ay kapatid niya ito. Kaya ipinakuha si Sara ni Haring Abimelec ng Gerar.3Isang gabi, nagpakita ang Dios kay Abimelec sa pamamagitan ng isang panaginip. Sinabi niya, “Mamamatay ka dahil kinuha mo ang babaeng iyan na may asawa na.” 4Pero dahil hindi pa nagagalaw ni Abimelec si Sara, sinabi niya, “Panginoon, bakit nʼyo po ako papatayin at ang mga tauhan ko? Wala po akong kasalanan. 5Sinabi po kasi ni Abraham na kapatid niya si Sara at sinabi rin ni Sara na kapatid niya si Abraham. Inosente po ako at wala akong masamang balak sa pagkuha kay Sara.”
6Sinabi pa sa kanya ng Dios sa panaginip, “Oo, alam kong wala kang masamang balak, kaya hindi ko ipinahintulot na magalaw mo siya para hindi ka magkasala sa akin. 7Pero dapat mo siyang ibalik sa asawa niya dahil ang asawa niya ay isang propeta, at ipapanalangin ka niya para hindi ka mamatay. Pero kapag hindi mo siya naibalik, binabalaan kita na mamamatay ka pati ang lahat ng tauhan mo.”
8Kinabukasan, maagang ipinatawag ni Abimelec ang lahat ng opisyal niya at sinabi sa kanila ang tungkol sa kanyang panaginip. At labis silang natakot. 9Pagkatapos, ipinatawag ni Abimelec si Abraham at tinanong, “Ano ang ginawa mong ito sa amin? Ano ba ang kasalanan ko sa iyo na inilagay mo sa kapahamakan ang buong kaharian ko? Hindi tama ang ginawa mo. 10Bakit mo ito ginawa?” 11Sumagot si Abraham, “Akala ko po wala ni isa man dito na gumagalang sa Dios, kaya naisip ko na baka patayin nʼyo ako para makuha nʼyo ang asawa ko. 12Totoo po na magkapatid kami, pero sa ama lang at hindi sa ina; at napangasawa ko po siya. 13Nang sinabihan po ako ng Dios na umalis sa tahanan ng aking ama, sinabi ko kay Sara na ipakilala niya na magkapatid kami kahit saan kami pumunta. Sa ganito pong paraan, maipapakita niya ang pagmamahal niya sa akin.”
14Ibinalik ni Abimelec si Sara kay Abraham, at binigyan pa niya si Abraham ng mga tupa, baka, at mga aliping babae at lalaki. 15Pagkatapos, sinabi niya kay Abraham, “Payag akong patirahin kayo sa aking lupain. Tumira kayo kahit saan ninyo gusto.” 16Sinabi rin niya kay Sara, “Bibigyan ko ang kapatid mo ng 1,000 pirasong pilak bilang katibayan sa lahat ng kasamahan ninyo na hindi kita nagalaw at para hindi sila mag-isip na nakagawa ka ng masama.”
17– 18Dahil sa pagkuha kay Sara, niloob ng Panginoon na hindi magkakaanak ang lahat ng babae sa sambahayan ni Abimelec. Kaya nanalangin si Abraham sa Dios, at pinagaling ng Dios ang asawa ni Abimelec at ang mga alipin niyang babae para muli silang magkaanak. Pinagaling din ng Dios si Abimelec sa kanyang karamdaman.
Copyright information for
TglASD