Galatians 6
Magtulungan Tayo
1Mga kapatid, kung may magkasala man sa inyo, kayong mga ginagabayan ng Banal na Espiritu ang dapat tumulong sa kanya para magbalik-loob sa Panginoon. Ngunit gawin nʼyo ito nang buong hinahon, at mag-ingat kayo dahil baka kayo naman ang matukso. 2Tulungan ninyo ang isaʼt isa sa mga problema, at sa ganitong paraan ay matutupad ninyo ang utos ni Cristo. 3Kung mayroon sa inyong nag-aakala na nakakahigit siya sa iba gayong hindi naman, nililinlang lamang niya ang kanyang sarili. 4Dapat suriin ng bawat isa ang ginagawa niya. At kung mabuti ang ginagawa niya, magalak siya. Pero huwag niyang ikukumpara ang sarili niya sa iba, 5dahil may pananagutan ang bawat isa sa kanyang ginagawa.6Ang mga tinuturuan ng salita ng Dios ay dapat na tumulong at magbigay sa mga nagtuturo sa kanila.
7Huwag ninyong linlangin ang inyong sarili. Ang Dios ay hindi madadaya ninuman. Kung ano ang itinanim ng tao, iyon din ang kanyang aanihin. 8Kung ang ninanasa ng laman ang sinusunod ng isang tao, kamatayan ang aanihin niya. Pero kung ang Banal na Espiritu ang sinusunod ng isang tao, matatanggap niya mula sa Espiritu ang buhay na walang hanggan. 9Kaya huwag tayong magsasawa sa paggawa ng mabuti, dahil sa tamang panahon matatanggap natin ang ating gantimpala kung hindi tayo susuko. 10Kaya nga sa tuwing may pagkakataon, gumawa tayo ng kabutihan sa lahat ng tao, lalo na sa mga kapatid natin sa pananampalataya.
Mga Huling Bilin
11Mapapansin ninyo na malalaki na ang mga letrang nakasulat dito. Ako na ang sumulat nito.12Gusto lamang ng mga namimilit sa inyong magpatuli na magbigay-lugod sa kapwa nila Judio. Sapagkat natatakot silang usigin ng mga ito kung ituturo nila na ang kamatayan lamang ni Cristo ang siyang makapagliligtas sa tao. 13Sila mismong mga tinuli ay hindi naman sumusunod sa Kautusan. Ipinagpipilitan lang nila na magpatuli kayo para maipagmalaki nila na sumusunod kayo sa seremonyang ito.
14Ngunit para sa akin, wala akong ibang ipinagmamalaki maliban sa kamatayan ng ating Panginoong Jesu-Cristo sa krus. At dahil sa kamatayan niya sa krus, wala nang halaga para sa akin ang mga bagay sa mundo, at wala rin akong halaga para sa mundo. 15Hindi na mahalaga kung tuli tayo o hindi. Ang tanging mahalaga ay kung binago na tayo ng Dios.
16Sa lahat ng pinili ng Dios ▼
▼pinili ng Dios: sa literal, Israel ng Dios.
at namumuhay ayon sa mga turo kong ito, sumainyo nawa ang kapayapaan at awa ng Dios. 17Mula ngayon, huwag nʼyo na akong guluhin. Ang tanda ng mga sugat sa katawan ko ay nagpapatunay na sinusunod ko si Jesus.
18Mga kapatid, pagpalain nawa kayo ng ating Panginoong Jesu-Cristo. Amen.
Copyright information for
TglASD