‏ Ezekiel 13

Parurusahan ang mga Bulaang Propeta

1Sinabi sa akin ng Panginoon, 2“Anak ng tao, magsalita ka laban sa mga bulaang propeta ng Israel na nanghuhula mula sa sarili nilang isipan. Sabihin mo na pakinggan nila ang mensahe kong ito: 3Ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabing nakakaawa ang mga hangal na propetang nanghuhula mula sa sarili nilang isipan, at wala silang nakikitang mga pangitain. 4O Israel, ang mga propeta moʼy katulad ng mga asong-gubat na nasa gibang lungsod. 5Katulad nilaʼy mga walang pakialam sa wasak na mga pader ng Israel na hindi inayos para maging matibay dumating man ang digmaan, sa araw ng pagpaparusa ng Panginoon. 6Hindi totoo ang mga pangitain nila at kasinungalingan ang mga hula nila. Sinasabi nilang mula sa Panginoon ang sinasabi nila pero ang totooʼy hindi ko sila sinugo at hinihintay nilang maganap ito. 7Hindi totoo ang mga pangitain nila at kasinungalingan ang mga hula nila. Sinasabi nilang iyon ang ipinapasabi ko pero hindi iyon nanggaling sa akin.

8“Kaya ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabi na kakalabanin ko sila dahil kasinungalingan ang mga hula nila at hindi totoo ang kanilang mga pangitain. 9Parurusahan ko ang mga propetang hindi totoo ang pangitain at kasinungalingan ang mga hula. Hindi ko sila ituturing na kabilang ng aking mga mamamayan at ang mga pangalan nilaʼy hindi isusulat sa talaan ng mga mamamayan ng Israel at hindi maaaring pumasok sa lupain ng Israel. At malalaman ninyong ako ang Panginoong Dios.

10“Inililigaw ng mga propetang ito ang aking mga mamamayan sa pagsasabing maayos ang lahat, pero hindi naman. Parang tinatapalan lang ng apog at putik ang mahinang pader na itinatayo ng mga mamamayan. 11Sabihin mo sa mga nagtapal na mawawasak ang pader na ito, dahil darating ang malakas na bagyo at uulan ng yelong kasing tigas ng bato na wawasak sa pader na ito. 12At kapag nawasak na ito, magtatanong ang mga tao sa kanila, ‘Ano ang naitulong ng itinapal ninyo?’

13“Kaya ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabi: Sa tindi ng galit ko, wawasakin ko ang pader sa pamamagitan ng malakas na bagyo, pag-ulan ng yelo na kasing tigas ng bato, at malakas na ulan. 14Oo, wawasakin ko ang pader na tinapalan ninyo ng apog at putik. Wawasakin ko ito hanggang sa lumabas ang pundasyon nito. At kapag nawasak na ito, babagsakan kayo at mamamatay. At malalaman ninyo na ako ang Panginoon. 15Ipadarama ko ang galit ko sa pader at sa mga nagtapal dito. At ipamamalita ko na wala na ang pader at ang mga nagtapal nito, 16na walang iba kundi ang mga propeta ng Israel na humula na magiging maayos ang kalagayan ng Jerusalem, pero kasinungalingan naman. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.

17“Ngayon naman, anak ng tao, magsalita ka laban sa mga babaeng nanghuhula mula sa sarili nilang isipan. 18Sabihin mo sa kanilang ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi: Nakakaawa kayo, kayong mga babaeng bumibiktima sa mga mamamayan ko, maging mga bata o matatanda sa pamamagitan ng mga anting-anting ninyo. Nilalagyan ninyo sila ng mga anting-anting na pulseras sa kanilang kamay at belo sa mga ulo. Binibiktima ninyo ang mga mamamayan ko para sa pansarili ninyong kapakinabangan. 19Nilalapastangan ninyo ako sa harap ng mga mamamayan ko para lang sa kaunting sebada at ilang tinapay. Sa pamamagitan ng pagsisinungaling ay sinasabi ninyong mamamatay ang hindi dapat mamatay at hindi mamamatay ang dapat mamatay. At naniniwala naman ang mga mamamayan ko sa kasinungalingan ninyo.

20“Kaya ako, ang Panginoong Dios, ay nagsasabing: Labis akong nagagalit sa mga anting-anting na ginagamit ninyo para biktimahin ang mga tao na parang mga ibong nahuli sa bitag. Hahablutin ko ang mga anting-anting ninyo sa kamay
kamay: sa literal, braso.
at palalayain ko ang mga taong hinuli ninyo na parang ibon.
21Pupunitin ko rin ang mga belo ninyo at ililigtas ko ang mga mamamayan mula sa mga kamay ninyo, hindi nʼyo na sila mabibiktimang muli. At malalaman ninyong ako ang Panginoon.

22“Pinalungkot ninyo ang mga matuwid sa pamamagitan ng inyong kasinungalingan, na kahit ako ay hindi sila nabigyan ng kalungkutan. Pinalakas ninyo ang loob ng masasama na ipagpatuloy ang kasamaan nila sa pamamagitan ng mga pangakong maliligtas sila sa kamatayan.
pangakong maliligtas sila sa kamatayan: o, pangako na iyon ang magliligtas sa kanila sa kamatayan.
23Kaya mawawala na ang mga hindi totoong pangitain at panghuhula ninyo. Ililigtas ko ang mga mamamayan ko mula sa inyong mga kamay. At malalaman ninyong ako ang Panginoon.”

Copyright information for TglASD