Ezekiel 8
Ang Pagsamba sa mga Dios-diosan sa Jerusalem
1Nang ikalimang araw ng ikaanim na buwan, nang ikaanim na taon ng aming pagkabihag, pinuspos ako ng kapangyarihan ng Panginoong Dios. Nakaupo ako noon sa bahay ko at nakikipag-usap sa mga tagapamahala ng Juda. 2May nakita akong parang isang tao. Mula baywang pababa, para siyang apoy at mula naman baywang pataas ay para siyang makintab na metal. 3Iniunat niya ang kanyang parang kamay at hinawakan ako sa buhok. Pagkatapos, sa pamamagitan ng isang pangitain mula sa Dios, itinaas ako ng Espiritu sa kalawakan at dinala sa Jerusalem, sa bandang hilaga ng pintuan ng bakuran sa loob ng templo, sa kinalalagyan ng dios-diosan na siyang ikinagalit ng Dios. 4Nakita ko roon ang kapangyarihan ng Dios ng Israel, tulad ng nakita ko sa kapatagan.5Pagkatapos, sinabi ng Dios sa akin, “Anak ng tao, tumingin ka sa hilaga.” Tumingin ako at nakita ko sa tapat ng pinto malapit sa altar ang dios-diosan na siyang lubhang nagpagalit sa Dios. 6Sinabi sa akin ng Dios, “Anak ng tao, nakita mo ba ang ginagawa ng mga mamamayan ng Israel? Nakita mo ba ang kasuklam-suklam na ginagawa nila rito para palayasin ako sa aking templo? Pero may makikita ka pang higit na kasuklam-suklam na bagay.”
7Pagkatapos, dinala niya ako sa pintuan ng bakuran ng templo at nang tumingin ako, mayroon akong nakitang butas sa pader. 8Sinabi niya sa akin, “Anak ng tao, lakihan mo pa ang butas ng pader.” Pinalaki ko iyon at nakita ko ang isang pintuan. 9Muli niyang sinabi sa akin, “Pumasok ka at tingnan mo ang mga kasuklam-suklam na bagay na ginagawa nila.” 10Kaya pumasok ako at nakita kong nakaukit sa buong pader ang lahat ng uri ng hayop na gumagapang, mga hayop na itinuturing na marumi at lahat ng mga dios-diosan ng mga mamamayan ng Israel. 11Nakatayo roon ang 70 tagapamahala ng Israel at isa sa kanila si Jaazania na anak ni Shafan. Ang bawat isa sa kanilaʼy may hawak na lalagyan ng insenso at ang usok ay pumapaitaas.
12Sinabi sa akin ng Dios, “Anak ng tao, nakita mo ba kung ano ang lihim na ginagawa ng mga tagapamahala ng Israel? Ang bawat isa sa kanilaʼy nasa silid ng kanyang dios-diosan. Sinasabi nilang hindi na nakatingin sa kanila ang Panginoon at itinakwil na niya ang Israel.”
13Sinabi pa ng Dios, “Makikita mo pa ang mas kasuklam-suklam nilang ginagawa.” 14Pagkatapos, dinala niya ako sa pintuan ng templo sa hilaga at nakita ko roon ang mga babaeng nakaupo at umiiyak para sa dios-diosang si Tamuz. 15Sinabi sa akin ng Panginoon, “Anak ng tao, nakikita mo ba ito? May makikita ka pang mas kasuklam-suklam na bagay kaysa riyan.”
16Pagkatapos, dinala niya ako sa loob ng bakuran ng templo ng Panginoon. At doon sa pintuan ng templo, sa pagitan ng balkonahe at ng altar ay may 25 tao. Nakatalikod sila sa templo at nakaharap sa silangan at nakayuko na sumasamba sa araw.
17Pagkatapos, sinabi ng Dios sa akin, “Anak ng tao, nakikita mo ba ito? Pangkaraniwan na lang ba sa mga taga-Juda ang paggawa ng kasuklam-suklam na mga bagay dito? Maliban diyan, ginagawa pa nila ang mga karahasan sa buong bansa, kaya lalo pa nila akong ginagalit. Tingnan mo ang mga paglapastangan nila sa akin. 18Kaya matitikman nila ang galit ko. Hindi ko sila kahahabagan. Kahit sumigaw pa sila sa paghingi ng tulong sa akin, hindi ko sila pakikinggan.”
Copyright information for
TglASD