‏ Ezekiel 47

Ang Bukal na Dumadaloy mula sa Templo

1Pagkatapos, dinala ako ng tao sa pintuan ng templo, at nakita ko roon ang umaagos na tubig na papuntang silangan mula sa ilalim ng pintuan ng templo. (Ang templo ay nakaharap sa gawing silangan.) At umagos ang tubig pakanan, sa bandang timog ng altar. 2Pagkatapos, dinala ako ng tao sa labas ng templo. Doon kami dumaan sa gawing hilaga. At inilibot niya ako sa labas patungo sa daanan sa silangan. Nakita ko roon ang tubig na umaagos mula sa gawing hilaga ng daan. 3Naglakad kami papunta sa gawing silangan sa tabi ng tubig, at patuloy siya sa pagsukat. Nang mga 1,700 talampakan na ang nalakad namin, pinalusong niya ako sa tubig na hanggang bukong-bukong. 4At nagsukat uli siya ng 1,700 talampakan at muli akong pinalusong sa tubig na hanggang tuhod na. Nagsukat pa ulit siya ng 1,700 talampakan at pinalusong akong muli sa tubig na hanggang baywang na. 5Nagsukat ulit siya ng 1,700 talampakan pero hindi na ako makalusong dahil malalim na ang tubig sa ilog at kailangan nang languyin.

6Sinabi ng tao sa akin, “Anak ng tao, tandaan mong mabuti ang nakita mo.” At dinala niya ako sa pampang ng ilog na iyon. 7Nang naroon na ako, marami akong nakitang kahoy sa magkabilang pampang. 8At sinabi niya sa akin, “Ang tubig na itoʼy dumadaloy sa lupain sa silangan papunta sa Araba
Araba: Lambak ng Jordan.
papunta sa Dagat na Patay. Ang dagat na ito ay magiging sariwang tubig na at hindi maalat.
9At kahit saan ito dumaloy, marami nang isda at iba pang nabubuhay sa tubig ang mabubuhay dahil pinapasariwa nito ang maalat na tubig. 10Marami nang mangingisda sa Dagat na Patay mula sa En Gedi patungo sa En Eglaim. Dadami ang ibaʼt ibang uri ng isda sa Dagat na Patay katulad ng Dagat ng Mediteraneo. Ang tabing-dagat ay mapupuno na ng mga pinatutuyong lambat. 11Ngunit ang mga latian sa palibot ng Dagat na Patay ay mananatiling maalat para may makuhanan ng asin ang mga tao. 12Tutubo sa magkabilang panig ng ilog ang ibaʼt ibang uri ng punongkahoy na namumunga. Ang mga dahon nitoʼy hindi malalanta at hindi mauubos ang mga bunga. Mamumunga ito sa bawat buwan dahil dinadaluyan ito ng tubig mula sa templo. Ang mga bunga nitoʼy pagkain, at ang dahon ay gamot.”

Ang mga Hangganan ng Lupa

13Sinabi pa ng Panginoong Dios, “Ito ang mga hangganan ng mga lupaing paghahati-hatiin ng 12 lahi ng Israel bilang mana nila. Bigyan ninyo ng dalawang bahagi na mamanahin ang lahi ni Jose. 14Pantay-pantay ang gawin ninyong paghahati-hati ng lupain, dahil ipinangako ko sa mga magulang ninyo na ibibigay ko ito sa kanila para manahin ninyo. 15Ito ang mga hangganan:

“Ang hangganan sa hilaga ay mula sa Dagat ng Mediteraneo papuntang Hetlon, sa Lebo Hamat sa Zedad,
16sa Berota, sa Sibraim, na nasa hangganan ng Damascus at ng Hamat hanggang sa Haser Haticon na nasa hangganan ng Hauron. 17Kaya ang hangganan sa hilaga ay magsisimula sa Dagat ng Mediteraneo hanggang sa Hazar Enan, na nasa hangganan ng Damascus at ng Hamat sa hilaga.

18“Ang hangganan sa silangan ay mula sa hangganan ng Hauran at Damascus papuntang Ilog ng Jordan (sa pagitan ng Gilead at ng Israel) patungo sa Dagat na Patay
Dagat na Patay: sa literal, Dagat sa Silangan.
hanggang sa Tamar.
hanggang sa Tamar: Ganito sa tekstong Septuagint at Syriac. Sa tekstong Hebreo, susukatin mo.
Ito ang hangganan sa silangan.

19“Ang hangganan naman sa Timog ay simula sa Tamar patungo sa bukal ng Meriba Kadesh
Meriba Kadesh: o, Meriba sa Kadesh.
hanggang sa Lambak ng Egipto patungo sa Dagat ng Mediteraneo. Ito ang hangganan sa Timog.

20“Ang hangganan sa kanluran ay ang Dagat ng Mediteraneo hanggang sa tapat ng Lebo Hamat.

21“Ito ang lupaing paghahati-hatiin ninyo sa bawat lahi. 22Ito ang pinakamana ninyo at ng mga dayuhang nakatira kasama ninyo na ang mga anak ay ipinanganak sa Israel. Ituring ninyo silang parang tunay na katutubong Israelita, at bigyan din ninyo sila ng lupang mamanahin ng mga lahi ng Israel. 23Kung saang angkan sila naninirahan, doon din sa angkan na iyon magmumula ang bahagi nilang lupain. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”

Copyright information for TglASD