Ezekiel 33
Ginawa ng Dios na Bantay ng Israel si Ezekiel
(Eze. 3:16-21)
1Sinabi sa akin ng Panginoon, 2“Anak ng tao, sabihin mo ito sa mga kababayan mo: Kapag ipapasalakay ko ang isang bayan, ang mga mamamayan sa lugar na iyon ay pipili ng isa sa mga kababayan nila na magiging bantay ng kanilang lungsod. 3Kapag nakita ng bantay na iyon na paparating na ang mga kaaway, patutunugin niya ang trumpeta para bigyang babala ang mga tao. 4Ang sinumang makarinig sa babala pero nagsawalang-bahala at napatay nang nilusob sila, siya ang may pananagutan sa kanyang kamatayan. 5Sapagkat nang marinig niya ang babala ay hindi niya pinansin. Kaya siya ang dapat sisihin sa kanyang kamatayan. Kung nakinig lang sana siya, nailigtas sana niya ang kanyang sarili. 6Pero kung nakita naman ng bantay na lulusubin na sila ng mga kaaway at hindi niya pinatunog ang trumpeta para bigyang babala ang mga tao, at may mga napatay na kababayan niya, pananagutin ko ang bantay sa pagkamatay nila kahit na namatay din ang mga ito dahil sa kanilang mga kasalanan.7“Ikaw, anak ng tao ay pinili kong maging bantay ng mga mamamayan ng Israel. Kaya pakinggan mo ang sasabihin ko, at pagkatapos ay bigyang babala mo ang mga tao. 8Kapag sinabi ko sa taong masama na tiyak na mamamatay siya dahil sa mga kasalanan niya at hindi mo siya binigyan ng babala na dapat na niyang itigil ang masama niyang pamumuhay, papanagutin kita sa kamatayan niya. 9Pero kung binigyan mo ng babala ang taong masama na talikuran na niya ang masama niyang pamumuhay, ngunit hindi niya pinansin ang babala mo, mamamatay siya dahil sa kasalanan niya, pero wala kang pananagutan sa kamatayan niya.
10“Anak ng tao, dumadaing ang mga mamamayan ng Israel na hindi na nila kaya ang parusa sa mga kasalanan nila. Nanghihina na at parang mamamatay na raw sila dahil sa parusang ito. 11Sabihin mo sa kanila na ako, ang Panginoong Dios na buhay, ay sumusumpang hindi ako natutuwa kapag may namamatay na taong masama. Ang nais koʼy magbagong-buhay sila at iwan na ang masamang pamumuhay upang mabuhay sila. Kaya kayong mga mamamayan ng Israel, magbagong-buhay na kayo, iwan nʼyo na ang masamang pamumuhay. Gusto nʼyo bang mamatay?
12“Kaya ngayon, anak ng tao, sabihin mo sa mga kababayan mo na kapag gumawa ng kasalanan ang taong matuwid, hindi rin siya maililigtas ng mga kabutihang nagawa niya. At kapag tumalikod naman ang masama sa kasamaan, hindi na siya parurusahan sa mga nagawa niyang kasalanan. 13Kapag sinabi ko sa taong matuwid na tiyak na mabubuhay siya, pero naging kampante siyaʼt gumawa ng masama, at sasabihin niyang maililigtas siya ng mabubuting gawa niya noon. Mamamatay siya dahil sa kasalanan niya at hindi ko na aalalahanin ang mga ginawa niyang kabutihan. 14At kapag sinabi ko sa masama na tiyak na mamamatay siya, pero sa bandang huliʼy tinalikuran niya ang kasamaan niyaʼt gumawa ng tama at matuwid – 15tulad ng pagsasauli ng garantiya ng nanghiram sa kanya, o ng ninakaw niya, pagsunod sa mga tuntunin na nagbibigay-buhay, at pag-iwas sa masamang gawain – ang taong iyon ay tiyak na mabubuhay. Hindi siya mamamatay. 16Hindi na aalalahanin ang mga ginawa niyang kasalanan noon. Dahil gumawa siya ng tama at matuwid, tiyak na mabubuhay siya.
17“Pero ang iyong mga kababayan, Ezekiel, dumadaing na hindi raw tama ang pamamaraan ko, gayong ang pamamaraan nila ang hindi tama. 18Kung tumigil na sa paggawa ng kabutihan ang taong matuwid at gumawa ng masama, mamamatay siya. 19At kung ang taong masama ay tumalikod sa masama niyang gawa, at gumawa ng tama at matuwid, mabubuhay siya. 20Ngunit sinasabi pa rin ng mga mamamayan ng Israel hindi tama ang pamamaraan ko. Hahatulan ko ang bawat isa sa kanila ayon sa mga gawa nila.”
Ang Paliwanag tungkol sa Pagwasak ng Jerusalem
21Noong ikalimang araw ng ikasampung buwan, nang ika-12 taon ng aming pagkabihag, may isang takas mula sa Jerusalem na lumapit sa akin at nagsabi, “Nawasak na po ang lungsod ng Jerusalem!” 22Noong isang gabi, bago dumating ang taong iyon, nilukuban ako ng kapangyarihan ng Panginoon at muli akong nakapagsalita. Kaya nang dumating ang taong iyon kinaumagahan, nakapagsalita na ako.23Sinabi sa akin ng Panginoon, 24“Anak ng tao, ang mga nakatira roon sa mga gibang lungsod ng Israel ay nagsasabi, ‘Iisa lang si Abraham, at sa kanya ibinigay ang buong lupain. Marami tayo, kaya tiyak na tayo ang magmamay-ari ng lupaing ito.’ 25Sabihin mo na ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabi: Inaakala ba ninyong kayo ang magmamay-ari ng lupaing iyon, kahit na kumakain kayo ng karneng may dugo, sumasamba sa mga dios-diosan ninyo at pumapatay ng tao? 26Nagtitiwala kayo sa inyong espada, ▼
▼Nagtitiwala … espada: o, Pumapatay kayo.
gumagawa kayo ng mga kasuklam-suklam na bagay, at nakikiapid. At sa kabila nitoʼy inaakala ninyong kayo ang magmamay-ari ng lupain? 27“Ako, ang Panginoong Dios na buhay, ay sumusumpang kong mamamatay sa digmaan ang mga taong iyon na natirang buhay sa mga nagibang lungsod. Ang mga natira namang buhay sa mga bukid ay kakainin ng mababangis na hayop, at ang iba na nasa mga pinagtataguan nila at nasa mga kweba ay mamamatay sa sakit. 28Gagawin kong mapanglaw ang lupain ng Israel at aalisin ko ang kapangyarihang ipinagmamalaki niya. Magiging mapanglaw kahit ang mga kabundukan niya at wala nang dadaan doon. 29Kapag ginawa ko nang mapanglaw ang lupain dahil sa mga kasuklam-suklam na ginawa ng mga naninirahan dito, malalaman nilang ako ang Panginoon.”
30 Sinabi sa akin ng Panginoon, “Pinag-uusapan ka ng mga kababayan mo kapag nagtitipon sila sa pader at sa pintuan ng bahay nila. Sinasabi nila sa isaʼt isa, ‘Halikayo, pakinggan natin si Ezekiel kung ano ang sasabihin niya mula sa Panginoon!’ 31Kaya magkakasamang pumunta sa iyo ang mga mamamayan ko na nagpapanggap lang na gustong makinig sa iyo, pero hindi nila sinusunod ang mga sinasabi mo. Magaling silang magsalita na mahal nila ako, ngunit ang nasa puso nila ay kasakiman sa pera. 32Para sa kanila, isa kang magaling na mang-aawit ng mga awit na tungkol sa pag-ibig at isang magaling na manunugtog. Pinakikinggan nila ang mga sinasabi mo, pero hindi nila sinusunod. 33Ngunit kapag nangyari na sa kanila ang parusang ito, at tiyak na mangyayari ito sa kanila, malalaman nila na totoong may kasama silang propeta.”
Copyright information for
TglASD