Ezekiel 32
Inihalintulad sa Buwaya ang Hari ng Egipto
1Noong unang araw ng ika-12 buwan, nang ika-12 taon ng aming pagkabihag, sinabi sa akin ng Panginoon, 2“Anak ng tao, managhoy ka para sa Faraon, ang hari ng Egipto. Sabihin mo sa kanya, ‘Ang akala moʼy isa kang leon na parooʼt parito sa mga bansa. Pero ang totooʼy para kang isang buwayang lumalangoy sa sarili mong ilog. Kinakalawkaw ng mga paa mo ang tubig at lumalabo ito.’ 3Kaya ito ang sinasabi ng Panginoong Dios sa iyo: Huhulihin kita ng lambat ko at ipakakaladkad sa maraming tao. 4Pagkatapos ay itatapon kita sa lupa, at ipapakain sa mga ibon at mga hayop sa gubat. 5Ang laman mo ay ikakalat ko sa mga kabundukan at mga lambak. 6Didiligan ko ng dugo mo ang lupain, gayon din ang kabundukan at padadaluyin ko ito sa mga dinadaluyan ng tubig. 7Kapag napatay na kita nang tuluyan, tatakpan ko ang langit ng makapal na ulap, kaya mawawala ang liwanag ng mga bituin, ng araw at ng buwan. 8Padidilimin ko ang lahat ng nagliliwanag sa langit. Kaya didilim sa buong lupain mo. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.9“Maguguluhan ang mga mamamayan ng mga bansang hindi mo kilala kapag winasak na kita. 10Maraming tao ang matatakot sa gagawin ko sa iyo, pati ang mga hari nila ay manginginig sa takot. Manginginig ang bawat isa sa kanila kapag iwinasiwas ko sa harapan nila ang espada ko sa oras ng pagkawasak mo. 11Ako, ang Panginoong Dios ay nagsasabing lulusubin ka sa pamamagitan ng espada ng hari ng Babilonia. 12Ipapapatay ko ang mga mamamayan mo sa pamamagitan ng espada ng mga makapangyarihang tao na siyang pinakamalupit sa lahat ng bansa. Lilipulin nila ang lahat ng tao sa Egipto at ang mga bagay na ipinagmamalaki ng bansang ito. 13Papatayin ko ang lahat ng hayop sa Egipto na nanginginain ▼
▼nanginginain: o, umiinom.
sa tabi ng ilog. Kaya wala nang hayop o taong magpapalabo ng tubig nito. 14Palilinawin ko ang tubig nito, at tuloy-tuloy itong aagos na parang langis. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito. 15Kapag ginawa ko nang mapanglaw ang Egipto at nawasak ko na ang lahat, at kapag napatay ko na rin ang mga nakatira rito, malalaman nila na ako ang Panginoon. 16“Ito ang panaghoy ng mga mamamayan ng mga bansa para sa Egipto at sa mga mamamayan nito. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”
17Noong ika-12 taon, nang ika-15 araw ng buwan ding iyon, sinabi sa akin ng Panginoon, 18“Anak ng tao, magluksa ka para sa mga mamamayan ng Egipto at sa iba pang makapangyarihang bansa. Dahil ihuhulog ko sila sa kailaliman ng lupa kasama ng mga namatay na. 19Sabihin mo sa kanila, ‘Nakakahigit ba kayo kaysa sa iba? Kayo rin ay ihuhulog doon sa ilalim ng lupa kasama ng mga hindi naniniwala sa Dios ▼
▼mga hindi naniniwala sa Dios: sa literal, mga hindi tuli.
20na nangamatay sa digmaan.’ Mamamatay ang mga taga-Egipto dahil nakahanda na ang espada ng mga kaaway na papatay sa kanila. Ang Egipto at ang mga mamamayan niya ay kakaladkarin papunta sa kapahamakan. 21Buong galak silang tatanggapin ng mga makapangyarihang pinuno ng Egipto at mga kakampi niyang bansa roon sa lugar ng mga patay. Sasabihin nila, ‘Bumaba rin sila rito! Kasama na nila ngayon ang mga hindi naniniwala sa Dios na namatay sa digmaan.’ 22– 23“Naroon din ang hari ng Asiria na napapaligiran ng libingan ng mga sundalo niyang namatay sa digmaan. Ang mga libingan nila ay naroon sa pinakamalalim na bahagi ng kailaliman. Ang mga taong itoʼy naghasik ng takot sa mga tao noong nabubuhay pa sila.
24“Naroon din ang hari ng Elam. Ang libingan naman niya ay napapaligiran ng libingan ng kanyang mga tauhan. Namatay silang lahat sa digmaan. Nagsibaba sila roon sa lugar ng mga patay kasama ng mga hindi naniniwala sa Dios. Noong nabubuhay pa sila, naghasik sila ng takot sa mga tao sa daigdig, pero ngayon, inilalagay sila sa kahihiyan kasama ng ibang mga namatay na. 25May himlayan din doon ang hari ng Elam kasama ng mga namatay sa digmaan. Ang libingan niya ay napapalibutan ng libingan ng kanyang mga tauhan. Lahat sila ay hindi naniniwala sa Dios at silang lahat ay namatay din sa digmaan. Naghasik sila ng takot sa mga tao noong nabubuhay pa sila. Pero inilagay sila sa kahihiyan at nakahimlay kasama ng mga namatay sa digmaan.
26“Naroon din ang hari ng Meshec at ng Tubal. Napapalibutan din ang libingan nila ng libingan ng kanilang mga tauhan. Silang lahat ay hindi naniniwala sa Dios, at namatay din sa digmaan. Kinatatakutan sila noong nabubuhay pa sila. 27Hindi sila binigyan ng marangal na libing katulad ng mga tanyag na mandirigma na hindi naniniwala sa Dios, na noong inilibing ay nasa ulunan nila ang kanilang espada at ang kanilang pananggalang ay nasa kanilang dibdib. Pero noong nabubuhay pa sila kinatatakutan din sila ng mga tao.
28“At ikaw, Faraon, ay mamamatay din at mahihimlay kasama ng mga hindi naniniwala sa Dios na namatay sa digmaan.
29“Naroon din sa lugar ng mga patay ▼
▼lugar ng mga patay: o, Sheol.
ang hari ng Edom at ang lahat ng pinuno niya. Makapangyarihan sila noon, pero ngayon, nakalibing na sila kasama ng mga hindi naniniwala sa Dios na namatay sa digmaan. 30“Naroon din ang mga Sidoneo at ang lahat ng pinuno ng mga bansa sa hilaga. Kinatatakutan din sila ng mga tao noong nabubuhay pa sila dahil sa kapangyarihan nila, pero ngayon, inilagay sila sa kahihiyan at nakahimlay sa lugar ng mga patay kasama ng mga hindi naniniwala sa Dios na namatay sa digmaan. 31Kapag nakita na ng Faraon ang mga namatay doon sa lugar ng mga patay, masisiyahan siya at ang mga sundalo niya dahil hindi lang sila ang namatay sa digmaan. 32Kahit ipinahintulot kong katakutan sila ng mga tao noong nabubuhay pa sila, mamamatay sila kasama ng mga hindi naniniwala sa akin na namatay sa digmaan. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”
Copyright information for
TglASD