‏ Ezekiel 31

Itinulad ang Egipto sa Puno ng Sedro

1Noong unang araw ng ikatlong buwan, nang ika-11 taon ng aming pagkabihag, sinabi sa akin ng Panginoon, 2“Anak ng tao, ito ang sabihin mo sa Faraon na hari ng Egipto at sa mga mamamayan niya:

“Kanino ko kaya maihahalintulad ang iyong kapangyarihan?
3Ah, maihahalintulad kita sa Asiria, ang bansa na parang puno ng sedro sa Lebanon. Ang punong itoʼy may magaganda at malalagong sanga na nakakapagbigay-lilim sa ibang mga puno at mataas kaysa sa ibang mga puno. 4Sagana ito sa tubig mula sa malalim na bukal na nagpapalago sa kanya, at umaagos sa lahat ng puno sa kagubatan. 5Kaya ang punong itoʼy mas mataas kaysa sa lahat ng puno sa kagubatan. Ang mga sanga ay mahahaba at ang mga dahon ay mayayabong dahil sagana sa tubig. 6Ang lahat ng klase ng ibon ay nagpugad sa mga sanga niya, ang lahat ng hayop sa gubat ay nanganak sa ilalim ng puno niya, at ang lahat ng tanyag na bansa ay sumilong sa kanya. 7Napakaganda ng punong ito. Mahahaba ang sanga at mayayabong ang dahon, at ang ugat ay umaabot sa maraming tubig. 8Ang mga puno ng sedro sa halamanan ng Dios ay hindi makakapantay sa kanya. Kahit ang mga puno ng abeto at puno ng platano ay hindi maihahambing sa kagandahan ng kanyang mga sanga. Hindi maihahalintulad sa anumang puno sa halamanan ng Dios ang kagandahan ng punong ito. 9Pinaganda ng Dios ang punong ito sa pamamagitan ng maraming sanga. Kaya nainggit sa kanya ang lahat ng puno sa halamanan ng Dios.”

10Kaya sinabi ng Panginoong Dios, “Dahil naging mapagmataas ang punong ito at higit na mataas kaysa ibang punongkahoy, at ipinagmamalaki niya ang kanyang sarili, 11kaya ibibigay ko siya sa pinuno ng mga makapangyarihang bansa. At tiyak na paparusahan siya ayon sa kasamaan niya. Oo, itatakwil ko siya; 12puputulin siya ng mga malulupit na dayuhan at pagkatapos ay pababayaan. Mangangalat ang mga putol na sanga niya sa mga bundok, lambak at mga ilog. At iiwan siya ng mga bansang sumilong sa kanya. 13Ang mga ibon sa himpapawid ay dadapo sa naputol na puno at ang mga hayop sa gubat ay magpapahinga sa mga sanga niyang nagkalat sa lupa. 14Kaya simula ngayon wala nang punong tataas pa sa ibang malagong mga punongkahoy, kahit sagana pa ito sa tubig. Sapagkat ang lahat ng puno ay mamamatay katulad ng tao, at pupunta sa ilalim ng lupa.”

15Sinabi pa ng Panginoong Dios, “Kapag dumating na ang araw na ang punong itoʼy pupunta na sa lugar ng mga patay,
lugar ng mga patay: sa Hebreo, Sheol.
patitigilin ko ang pag-agos ng mga bukal sa ilalim. Tanda ito ng pagluluksa. Kaya hindi na aagos ang mga ilog, at mawawala ang maraming tubig. Dahil dito, magdidilim sa Lebanon at malalanta ang mga punongkahoy.
16Manginginig sa takot ang mga bansa kapag narinig nila ang pagbagsak ng punong ito sa oras na dalhin ko na ito sa lugar ng mga patay, para makasama niya ang mga namatay na. Sa gayon, ang lahat ng puno sa Eden at ang lahat ng magaganda at piling puno ng Lebanon na natutubigang mabuti ay matutuwa roon sa ilalim ng lupa. 17Ang mga bansang sumisilong at kumakampi sa kanya ay sasama rin sa kanya roon sa lugar ng mga patay kasama ng mga namatay sa digmaan.

18“Sa anong puno sa Eden maihahambing ang kagandahan mo at kapangyarihan, Faraon? Pero ihuhulog ka rin sa ilalim ng lupa kasama ng mga puno ng Eden. Doon ay magkakasama kayo ng mga taong hindi naniniwala sa Dios
mga taong hindi naniniwala sa Dios: sa literal, mga hindi tuli.
na namatay sa digmaan.

“Iyan ang mangyayari sa Faraon at sa mga tauhan niya. Ako, ang Panginoong Dios, ang nagsasabi nito.”

Copyright information for TglASD