‏ Exodus 38

Ang Paggawa ng Altar na Pagsusunugan ng mga Handog

(Exo. 27:1-8)

1Gumawa rin sila ng kwadradong altar na pagsusunugan ng handog na sinusunog. Pitoʼt kalahating talampakan ang haba nito, pitoʼt kalahating talampakan din ang lapad, at apat at kalahating talampakan ang taas. 2Nilagyan nila ito ng parang mga sungay sa apat na sulok, na kasama nang ginawa nang gawin ang altar. Binalutan nila ng tanso ang altar. 3Ang lahat ng kagamitan ng altar ay gawa rin sa tanso – ang mga lalagyan ng abo, pala, mangkok, malalaking tinidor para sa karne at mga lalagyan ng baga. 4Gumawa rin sila ng parilyang tanso para sa altar, at inilagay nila sa ilalim ng altar, sa patungan nito sa gitna ng altar. 5Gumawa rin sila ng apat na argolyang tanso at ikinabit ito sa apat na sulok ng parilyang tanso. Ang mga argolyang ito ang pagsusuksukan ng mga tukod na pambuhat sa altar. 6Ang mga tukod ay gawa sa kahoy ng akasya at binalutan ng tanso. 7Isinuksok nila ang mga tukod sa argolya sa bawat gilid ng altar para mabuhat ito. Tabla ang ginawa nilang altar at bakante ang loob.

Ang Paggawa ng Plangganang Hugasan

(Exo. 30:18-21)

8Pagkatapos, gumawa sila ng tansong planggana. Ang patungan nito ay tanso rin. Ang mga tansong ginamit dito ay galing sa tanso na salamin ng mga babaeng naglilingkod sa pintuan ng Toldang Tipanan.
Toldang Tipanan: na tinatawag din na Toldang Sambahan.


Ang Paggawa sa Bakuran ng Toldang Tipanan

(Exo. 27:9-19)

9Nilagyan nila ng bakuran ang Toldang Tipanan, at pinalibutan nila ito ng mga kurtina na pinong telang linen. Ang haba ng kurtina sa bandang timog ay 150 talampakan. 10Ikinabit nila ang kurtina sa 20 haliging tanso na nakasuksok din sa 20 pundasyong tanso. Ang kinabitan ng kurtina ay ang mga kawit na pilak na nakakabit sa mga baras na pilak sa mga haligi. 11Ang kurtina sa bandang hilaga ay 150 talampakan din ang haba at nakakabit ito sa 20 haliging tanso na nakasuksok sa 20 pundasyong tanso. Ang pinagkakabitan ng kurtina ay ang mga kawit na pilak na nakakabit sa mga baras na pilak sa mga haligi.

12Ang kurtina sa bandang kanluran ay 75 talampakan ang haba, at nakakabit ito sa sampung haligi na nakasuksok naman sa sampung pundasyon. Ang pinagkakabitan ng kurtina ay ang mga kawit na pilak na nakakabit sa mga baras na pilak sa mga haligi. 13Ang kurtina sa bandang silangan ay 75 talampakan ang haba. 14Ang pintuan ng bakuran ay nasa silangan, at may mga kurtina ito sa gilid. Ang kurtina sa kanan ay 22 at kalahating talampakan ang haba, at nakakabit ito sa tatlong haligi na nakasuksok sa tatlo ring pundasyon. 15Ang kurtina sa kaliwa ay 22 at kalahating talampakan ang haba, at nakakabit ito sa tatlong haligi na nakasuksok sa tatlo ring pundasyon. 16Ang lahat ng kurtina sa palibot ng bakuran ay gawa sa pinong telang linen. 17Tanso ang pundasyon ng mga haligi, at pilak naman ang mga kawit, at mga baras nito. Ang mga ulo ng haligi ay nababalutan ng pilak. Ang lahat ng haligi sa palibot ng bakuran ay may baras na pilak.

18Ang kurtina ng pintuan ng bakuran ay gawa sa pinong telang linen na binurdahan gamit ang lanang kulay asul, ube, at pula. At napakaganda ng pagkakaburda nito. Ang haba nitoʼy 30 talampakan at pitoʼt kalahating talampakan ang taas, katulad ng taas ng mga kurtina na nakapalibot sa bakuran. 19Ang kurtinang itoʼy nakakabit sa apat na haligi na nakasuksok naman sa apat na pundasyon. Nababalutan ng pilak ang mga kawit at mga baras ng mga haligi at ang mga ulo nito. 20Purong tanso ang lahat ng tulos ng Tolda at ng bakuran sa palibot nito.

Ang mga Materyales na Ginamit sa Pagpapatayo ng Tolda

21Ito ang mga materyales na ginamit sa pagpapatayo ng Toldang Sambahan, kung saan nakalagay ang malalapad na batong sinulatan ng mga utos ng Dios. Inilista ng mga Levita ang mga materyales na ito ayon sa utos ni Moises. Ang gawaing itoʼy pinamahalaan ni Itamar na anak ni Aaron na pari.

22 Ang namamahala sa pagpapatayo ng Tolda ay si Bezalel na anak ni Uri at apo ni Hur, na mula sa lahi ni Juda. Ginawa niya ang lahat ng iniutos ng Panginoon kay Moises. 23Katulong niya si Oholiab na anak ni Ahisamac, na mula sa lahi ni Dan. Magaling siyang magtrabaho, magdisenyo, at magburda ng pinong telang linen at ng lanang kulay asul, ube at pula.

24Ang kabuuang timbang ng gintong inihandog para gamitin sa paggawa ng Tolda ay 1,000 kilo ayon sa timbangang ginagamit ng mga pari.

25 26Ang kabuuang timbang ng pilak na naipon ay 3,520 kilo ayon sa bigat ng pilak sa timbangang ginagamit ng mga pari. Nanggaling ito sa mga taong nailista sa sensus. Nagbigay ang bawat isa sa kanila ng anim na gramo ng pilak ayon sa bigat ng pilak sa timbangang ginagamit ng mga pari. May 603,550 tao na may edad na 20 pataas ang nailista sa sensus. 27Ang 3,500 kilo ng pilak ay ginamit sa paggawa ng 100 pundasyon ng Tolda at ng mga kurtina, 35 kilo bawat pundasyon. 28Ang natirang 20 kilong pilak ay ginawang kawit at baras ng mga haligi, at ibinalot sa ulo ng mga haligi.

29Ang bigat ng tansong inihandog sa Panginoon ay mga 2,500 kilo. 30Ginamit ito sa paggawa ng mga pundasyon ng mga haligi sa pintuan ng Toldang Tipanan. Ang iba ritoʼy ginamit sa paggawa ng altar na tanso, ng parilya nito, at ng lahat ng kagamitan ng altar. 31Ginamit din ang mga tanso sa paggawa ng mga pundasyon ng mga haligi sa palibot ng bakuran at ng pintuan nito, at sa paggawa ng lahat ng tulos ng Tolda at ng mga kurtina sa palibot nito.

Copyright information for TglASD