‏ Exodus 22

Mga Kautusan Tungkol sa mga Ari-arian

1“Kung nagnakaw ang isang tao ng baka o tupa, at kinatay niya ito o ipinagbili, kailangang magbayad siya. Sa isang bakang ninakaw niya, magbabayad siya ng limang baka. At sa isang tupang ninakaw niya, magbabayad siya ng apat na tupa.

2“Kung nahuli siya sa gabi na aktong nagnanakaw, at napatay siya, walang pananagutan ang nakapatay sa kanya. 3Pero kung nangyari ito sa araw, may pananagutan ang nakapatay sa magnanakaw.

“Ang magnanakaw na nahuli ay dapat magbayad sa ninakaw niya. Kung wala siyang maibabayad, ipagbibili siya bilang alipin at ang pinagbilhan ang ibabayad sa ninakaw niya.
4Kung ang baka o asno o tupa na ninakaw niya ay nasa kanya pa, babayaran niya ito ng doble.

5“Kung nanginain ang mga hayop sa taniman ng iba, kailangang bayaran ng may-ari ng pinakamagandang ani ng kanyang bukid o kaya ng kanyang ubasan ang nakaing mga pananim.

6“Kung may nagsiga at kumalat ang apoy sa mga damo hanggang sa taniman ng ibang tao, kailangang bayaran ng nagsiga ang mga pananim na nasira.

7“Kung nagpatago ang isang tao ng pera o kahit anong bagay sa bahay ng kapitbahay niya at ninakaw ito. Kung mahuhuli ang nagnakaw, kailangang magbayad siya ng doble. 8Pero kung hindi nahuli ang magnanakaw, haharap sa presensya ng Dios
Dios: o, mga pinuno. Ganito rin sa talatang 9.
ang pinagpataguan para malaman kung kinuha niya o hindi ang ipinatago sa kanya.

9“Kung may dalawang taong nagtatalo tungkol sa kung sino sa kanila ang may-ari ng isang pag-aari kagaya ng baka, asno, tupa, damit o kahit anong bagay, dapat nilang dalhin ang kaso nila sa presensya ng Dios.
Dios: Tingnan ang “footnote” sa talatang 8.
Ang taong nagkasala ayon sa desisyon ng Dios ay magbabayad ng doble sa totoong may-ari.

10“Kung pinaalagaan ng isang tao ang kanyang baka, asno, tupa o kahit anong hayop sa kanyang kapwa, at namatay ito, o nasugatan o nawala nang walang nakakita. 11Dapat pumunta ang nag-alaga sa presensya ng Panginoon at susumpang wala siyang nalalaman tungkol sa nangyari. Dapat itong paniwalaan ng may-ari, at hindi na siya pagbabayarin. 12Pero kung ninakaw ang hayop, dapat magbayad ang nag-alaga sa may-ari. 13Kung napatay ng mabangis na hayop ang hayop, kailangang dalhin niya ang natirang parte ng hayop bilang patunay, at hindi na niya ito kailangang bayaran.

14“Kung may nanghiram ng hayop sa kanyang kapwa at nasugatan ito o namatay, at wala ang may-ari nang mangyari ito. Dapat itong bayaran ng nanghiram. 15Pero kung nariyan ang may-ari nang mangyari ito, hindi dapat magbayad ang nanghiram. Kung nirentahan ang hayop, ang perang ibinayad sa renta ang ibabayad sa nasugatan o namatay na hayop.

Ang Iba pang mga Kautusan

16“Kung linlangin ng isang lalaki ang dalagang malapit nang ikasal, at sumiping siya sa kanya, dapat magbayad ang lalaki sa pamilya ng dalaga ng dote, at magiging asawa niya ang dalaga. 17Kung hindi pumayag ang ama ng dalaga na ibigay ang kanyang anak na maging asawa ng nasabing lalaki, magbabayad pa rin ang lalaki ng dote.

18“Patayin ninyo ang mga mangkukulam.

19“Ang sinumang makikipagtalik sa hayop ay papatayin.

20“Ang sinumang maghahandog sa ibang dios maliban sa akin ay kailangang patayin.
kailangang patayin: Ang ibig sabihin ay ibigay sa Panginoon sa pamamagitan ng paghahandog o pagwasak dito.


21“Huwag ninyong pagmamalupitan ang mga dayuhan
dayuhan: Ang ibig sabihin, ang mga dayuhan na naninirahan sa Israel. Nasa 23:9 din.
dahil mga dayuhan din kayo noon sa Egipto.

22“Huwag ninyong aapihin ang mga biyuda at mga ulila. 23Kung gagawin ninyo ito, at humingi sila ng tulong sa akin, siguradong tutulungan ko sila. 24Talagang magagalit ako sa inyo at papatayin ko kayo sa labanan.
labanan: sa literal, espada.
Mabibiyuda ang inyong mga asawa at mauulila ang inyong mga anak.

25“Kung magpapahiram kayo ng pera sa sinuman sa mamamayan kong mahihirap na naninirahang kasama ninyo, huwag ninyong tutubuan gaya ng ginagawa ng mga nagpapahiram ng pera. 26Kung kukunin ninyo ang balabal ng kapwa ninyo bilang garantiya na magbabayad siya ng utang sa iyo, isauli mo ito sa kanya bago lumubog ang araw. 27Sapagkat ito lang ang pangtakip niya sa kanyang katawan kapag natutulog siya sa gabi. Kung hihingi siya ng tulong sa akin, tutulungan ko siya dahil maawain ako.

28“Huwag ninyong lalapastanganin ang Dios at susumpain ang inyong pinuno.

29“Huwag ninyong kalilimutan ang paghahandog sa akin mula sa inyong mga ani, alak at mga langis.

“Italaga rin ninyo sa akin ang inyong mga panganay na lalaki,
30at ang panganay na mga baka at tupa. Dapat maiwan sa ina ang bagong panganak na baka at tupa sa loob ng pitong araw. Sa ikawalong araw, maaari na itong ihandog sa akin.

31“Kayo ang pinili kong mamamayan, kaya hindi kayo kakain ng karne ng kahit anong hayop na pinatay ng mababangis na hayop. Ipakain ninyo ito sa mga aso.

Copyright information for TglASD