‏ Exodus 13

Ang Pagtatalaga sa mga Panganay na Lalaki

1Sinabi ng Panginoon kay Moises, 2“Italaga nʼyo sa akin ang lahat ng panganay na lalaki ng mga Israelita at ang panganay ng lahat ng hayop.”

3Pagkatapos, sinabi ni Moises sa mga tao, “Alalahanin ninyo ang araw na ito, ang araw na inilabas kayo sa Egipto mula sa pagkaalipin. Sapagkat inilabas kayo ng Panginoon sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. Huwag kayong kakain ng tinapay na may pampaalsa. 4Alalahanin ninyo ang araw na ito ng buwan ng Abib
Abib: Ang unang buwan sa kalendaryo ng Hebreo, mula sa kalagitnaan ng Marso hanggang sa kalagitnaan ng Abril.
 – ang araw na inilabas kayo sa Egipto.
5Dapat nʼyo itong ipagdiwang kapag dinala na kayo ng Panginoon sa lupain ng mga Cananeo, Heteo, Amoreo, Hiveo at mga Jebuseo. Ito ang lupaing ipinangako niya sa inyong mga ninuno na ibibigay sa inyo. Maganda at masaganang lupain
Maganda at masaganang lupain: sa literal, lupain na dumadaloy ang gatas at pulot.
na ito.
6Sa panahon ng pagdiriwang ninyo, kakain kayo ng tinapay na walang pampaalsa sa loob ng pitong araw, at sa ikapitong araw ninyo sisimulang idaos ang pista para sa Panginoon. 7Huwag na huwag kayong kakain ng tinapay na may pampaalsa sa loob ng pitong araw, at wala dapat makikitang pampaalsa sa inyo o kahit saan sa lugar ninyo. 8Sa panahon ng pagdiriwang ninyo, ipaliwanag nʼyo sa inyong mga anak na ginagawa ninyo ito para ipagdiwang ang ginawa ng Panginoon nang inilabas niya kayo sa Egipto. 9Ang pistang itoʼy katulad ng isang tatak sa inyong mga kamay o sa inyong mga noo na magpapaalaala sa inyo na dapat ninyong sabihin sa iba ang mga utos ng Panginoon, dahil inilabas niya kayo sa Egipto sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan. 10Kaya ipagdiwang ninyo ang pistang ito sa itinakdang panahon bawat taon.

11“Kapag dinala na kayo ng Panginoon sa lupain ng mga Cananeo na ipinangako niyang ibibigay sa inyong mga ninuno at sa inyo, 12italaga nʼyo sa Panginoon ang inyong mga panganay na lalaki at pati na rin ang panganay ng inyong mga hayop, dahil pag-aari ito ng Panginoon. 13Maaaring tubusin sa Panginoon ang mga panganay ng mga asno sa pamamagitan ng pagpapalit nito ng tupa. Pero kung hindi ninyo ito tutubusin, kailangang patayin ang asno sa pamamagitan ng pagbali sa leeg nito. Maaari rin ninyong tubusin ang inyong mga panganay na lalaki.

14“Sa hinaharap, kapag tinanong kayo ng anak ninyo kung bakit ninyo ito ginagawa, sabihin ninyo sa kanila, ‘Sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Panginoon, inilabas niya kami sa Egipto kung saan kami inalipin. 15Nang hindi pa kami pinapayagan ng Faraon na umalis, pinatay ng Panginoon ang lahat ng panganay na lalaki sa Egipto, maging tao o hayop. Ito ang dahilan kung bakit inihahandog namin sa Panginoon ang lahat ng panganay na lalaki ng aming mga hayop at tinutubos namin ang mga panganay naming lalaki.’ 16Ang seremonyang ito ay tulad ng tatak sa inyong mga kamay o sa inyong mga noo na magpapaalala sa inyo nang inilabas kayo ng Panginoon sa Egipto sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan.”

Ang Pagtawid ng mga Israelita sa Dagat na Pula

17Nang pinaalis na ng Faraon ang mga Israelita, hindi sila pinadaan ng Dios sa daang papunta sa lupain ng mga Filisteo kahit na iyon ang pinakamalapit na daan. Sapagkat sinabi ng Dios, “Kung may labanang haharapin ang mga Israelita, baka magbago ang isip nila at bumalik sila sa Egipto.” 18Kaya pinaliko sila ng Dios sa disyerto papunta sa Dagat na Pula.
Dagat na Pula: o, Dagat ng mga Tambo.
Armado ang mga Israelita para sa labanan nang lisanin nila ang Egipto.

19Dinala ni Moises ang mga buto ni Jose, ayon sa ipinanumpa noon ni Jose na gagawin ng mga Israelita. Sinabi noon ni Jose, “Siguradong palalayain kayo ng Dios. Kapag nangyari na iyon, dalhin ninyo ang mga buto ko sa pag-alis ninyo sa lugar na ito.”

20Pag-alis nila sa Sucot, nagkampo sila sa Etam, sa dulo ng disyerto. 21Kapag araw, ginagabayan sila ng Panginoon sa pamamagitan ng makapal na ulap, at kapag gabi ay ginagabayan sila sa pamamagitan ng naglalagablab na haliging apoy na nagbibigay sa kanila ng liwanag, para makapaglakbay sila araw man o gabi. 22Nangunguna sa kanila ang makapal na ulap kapag araw at ang naglalagablab na haliging apoy kapag gabi.

Copyright information for TglASD